Salamat Sa Iyo

265 1 0
                                    

(Requested by: YourBaeAlways)

Sabi nila, hindi maaaring maging magkaibigan ang isang lalaki at babae.
Sabi nila, hindi daw iyon posible.
Hindi daw kaaya-ayang tignan maliban na lamang kung kayo'y magkasintahan.
Ganyan ang pananaw ng karamihan pagdating sa pagkakaibigan ng magkaibang kasarian.

Subalit, hindi ako sang-ayon sa kanilang opinyon.
Naniniwala ako na posible iyon.
Isa sa aking mga pruweba ay ang pagsasamahan natin ngayon.
Isang samahan na tumagal at sana'y mas tumagal pa ng higit sa isang taon.

Hindi pag-ibig ang dahilan upang maging malapit tayo sa isa't-isa.
Sadyang pinagtagpo lamang talaga tayo ng tadhana.
Para bang parte na ng plano nito ang makilala kita.
Makilala at maging kaibigan upang ang aking buhay ay magkaroon ng saya.

Hindi ko lamang alam kung anong nakain mo.
Para kang nauntog at lumuwag ang turnilyo sa iyong ulo.
Hindi rin ako sigurado kung maayos pa ba ang takbo ng utak mo.
Sapagkat para kang nakahithit ng isang libong katol tuwing magkasama at magkausap tayo.

Sa totoo lang, kinukuwestyon ko na ang katinuan mo.
Takas ka ba sa mental o sadyang mas normal lang talaga ang pag-iisip ko?
Hindi ko alam kung dapat na ba kong mag-alala na baka may mas ilalala ka pa.
O dapat ko nalang bang ipagdasal ang iyong kaluluwa?

Pero huwag kang mangamba, tanggap naman kita.
Alam kong ginagawa mo iyan upang ako'y mapasaya.
Alam kong ginagawa mo iyan upang iparamdam na hindi ako nag-iisa.
Na kahit anong mangyari, nandyan ka para makinig sa aking mga problema.

Kaya salamat sa iyo, kaibigan.

Salamat dahil tinuruan mo kong magtiwala.
Salamat sa iyo dahil natuto akong magsabi ng mga problema.
Salamat dahil palagi mo akong pinapasaya.
Salamat sa iyo dahil nanatili ka.

Salamat sa pagkakaibigan na iyong ibinigay.
Salamat dahil dumating ka sa aking buhay.
Ikaw yung uri ng kaibigan na hangga't hindi mo ko napapatawa, hindi ka titigil sa kalokohan.
Kaya sana walang magbago sa ating samahan at hindi tayo magkalimutan.

Salamat sa mga alaala, sana madagdagan pa.
Sana hindi mo ko makalimutan kung sakaling sa ibang pangkat ka man mapunta.
Dahil para sa akin, wala nang mas hihigit pa sa ating pagkakaibigan.
Ito'y isang kayamanan na kahit milyun-milyong salapi ay hindi pa din sapat upang ito'y mahigitan.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon