Isang Usapan

142 1 0
                                    

"Anong pag-uusapan natin?"

Marami na akong napapansin at nakikita sa mga kilos mo.
Mga bagay na tumatatak sa aking isipan at puso.
Marami din akong naririnig mula sa ibang mga tao.
Pero mas pinili ko pa din ipikit ang mga mata ko.

"May problema ba?"

Ilang beses ko na nga bang tinalikuran ang katotohanan?
Ilang beses ko na nga bang ibinaon sa limot ang lahat ng aking nalalaman?
Kailan ko nga ba sila huling pinakinggan?
Ilang beses na nga ba kitang pinagbigyan?

"Hindi ko alam at hindi ko na din mabilang."

Sa lahat ng bagay, mayroon ka laging dahilan.
Sa tuwing tinatanong kita, iniiba mo ang usapan.
Sa tuwing tayo'y magkasama, may iba kang pinagkakaabalahan.
Sa lahat ng mga binitawan mong salita, ni isa'y hindi mo nagawang panindigan.

"Alam mo naman kung bakit, hindi ba?"

Madalas ka nang nagpupuyat.
Ginagawa mo iyan kahit wala ka namang ginagawang mabigat.
Wala ka naman daw problema, iyan ang sabi nilang lahat.
Hindi ko nalang pinansin at mas piniling isipin na ikaw ay tapat.

"Alam mo naman na ikaw lang mahal ko, hindi ba?"

Hindi ka tumutupad sa lahat ng ating pinag-usapan.
Oo, napapansin ko iyan.
Ngunit mas pinili kong intindihin ang mga ibinibigay mong dahilan.
Mas pinili kong magkunwari na wala akong naririnig at nalalaman.

"Ano nga ba ang nalaman mo?"

May nakakita sayo na ginagawa ang mga hindi dapat gawin ng mga mayroon nang nobya.
May mga nakabasa ng mga post mo tungkol sa ibang babae sa mga accounts mo sa social media.
May mga nagsasabi din na may pinopormahan at napupusuan ka pang iba.
Maraming nang nagsumbong sa akin, ngunit lahat ng iyon ay aking binaliwala.

"Bakit mo iyon ginawa?"

Dahil mahal na mahal kita.
Hindi ko na kakayanin kung pati ikaw ay mawawala.
Mas pinili kong kausapin ka kaysa magduda.
Mas pinili kong magtiwala sa taong nangako sa akin na magiging tapat siya.

"Kung ginawa ko nga iyon, ano naman sa tingin mo ang dahilan?
Ano bang kulang sayo?"

Awa, sa sarili ko'y wala akong awa.
Hiya, para sa aking pamilya wala akong hiya.
Mukha, sa madla'y wala na akong ihaharap na mukha sa kanila.
Pagmamahal, sa sarili'y wala akong itinira.

"Sa tingin mo ipagpapalit na kita nang dahil lamang doon?"

Oo, hindi malabong humanap ka ng papalit sa lugar ko.
Ano man ang dahilan, mabigat man o magaan, hindi malabong iyon ay gawin mo.
Tanggap ko naman na dadating ang araw na ang iyong damdamin ay magbabago.
Ikaw ba? Gaano ka ka-sigurado na sa bawat pagmulat ng mga mata mo sa umaga'y ako pa din ang mahal mo?

"Hindi naman kita iiwanan."

Huwag kang mag-alala, hindi naman ako nagdududa.
Hindi ako titigil sa pag-asa na tayo'y itinadhanang umabot sa dulo nang magkasama.
Ang nais ko lang naman ito'y pag-usapan nating dalawa.
Hindi mo naman magagawa sa akin iyon, hindi ba?

"Oo naman, ikaw pa."

Sana nga hindi mo ako pinaglalaruan.
Sa lahat tao sa buhay ko, ikaw ang higit kong pinagkakatiwalaan.
Ikaw ang aking mas pinaniniwalaan at pinakikinggan.
Kaya sana'y maging tapat ka sa akin pagdating sa mga ganitong klase ng usapan.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon