Gaano Ka-Tagal Ang "Basta"?

309 2 0
                                    

(Requested)

Hindi ko na kailangang magpa-kilala sayo.
Dahil sa pagkaka-alam ko, kilalang-kilala mo na ako.
Pero, alang-alang sa mga mambabasa, ako'y magpapa-kilala.
Ako nga pala yung sinabihan mo ng, "basta".

Saan at paano nga ba ulit tayo nagsimula?
Ah, oo nga pala, naalala ko na.
Sa panahon ngayon, halos lahat ng tao'y gumagamit na ng social media.
Mga websites tulad ng Facebook, Instagram, Twitter, at iba pa.

Isang tipikal na araw lamang ang araw na iyon para sa akin.
Scroll dito, comment doon, sa Facebook iyan lang ang aking mga gawain.
Di naman nakakasawa kahit ulit-ulitin pa.
Alam kong nasasayang ang oras ko subalit wala din naman akong gagawing mahalaga.

Hanggang sa nakatanggap ako ng isang mensahe mula sayo.
Isang salita na madalas ginamit na rin ng iba, isang "Hello".
Hindi ko sana papansinin, subalit ako'y nakaramdam ng konsensya.
Kung kaya't napag-desisyonan kong kausapin ka.

Oo, sa sobrang pagka-bagot, kinausap kita.
Kinausap kita kahit hindi naman kita kilala.
Ang palitan natin ng mga mensahe ay humaba at hindi na natuldukan.
Hanggang sa tayo'y naging magkaibigan.

Nakipag-kaibigan ako sa taong nakilala ko lamang sa social media.
Mabait ka naman at marunong rumespeto, iyan ang iyong ipinapakita.
Sa bawat mensahe, palaging may biruan at tawanan.
Ni hindi ko man lang namalayan na unti-unti na kitang hinahangaan.

Nai-kuwento mo sa akin na mayroon kang nobya.
Nobya na pagkatapos ng tatlong taon, iniwanan kang mag-isa.
Hindi mo pa siya nalilimutan, mahal mo pa rin siya.
Mahal na mahal mo pa rin siya kahit matagal na kayong wala.

Nakaka-inggit naman.

Sana ako nalang siya.
Sana noon palang nakilala na kita.
Sana ako nalang yung minamahal mo nang ganyan.
Kung ako lang sana ang nasa lugar niya noon, hindi kita magagawang saktan.

Isang gabi ang dumating, mayroon kang sinabi sa akin.
Hindi ko inaasahang iyon ang babanggitin.
Isang bagay na nagbigay-buhay sa aking damdamin.
"Balang araw, liligawan kita. Sana magawa mo kong hintayin."

Puso'y nagising, hindi ako mapakali.
Hindi ko magawang pigilan ang aking pag-ngiti.
Pakiramdam ko parang nanalo ako sa lotto.
Parang naabot ko na ang mga tala sa katagang binitawan mo.

Nang dahil sa ka-sabikan, tinanong kita kung kailan.
Kailan mo nga ba sisimulan?
Mahal, kailan mo ko liligawan?
Tinanong ko iyan sayo sa pabirong paraan.

"Basta liligawan kita.
Liligawan kita kapag nakalimutan ko na siya.
Basta huwag kang mangamba.
Sigurado akong liligawan kita dahil nakakaramdam na ko ng paghanga."

Apat na mga pangungusap ang iyong binitawan.
Mga pangungusap na aking pinaniwalaan.
Naniwala ako, umasa sa iyong pangako.
Hindi na ko nagdalawang-isip na pakinggan ang aking puso.

"Basta liligawan kita."

Isang katagang tumatak sa aking isip.
Isang katagang naririnig ko sa aking mga panaginip.
Minsan ko nang pinangarap na marinig iyan mula sa isang tao.
Isang tao na alam kong mamahalin ko nang buong puso.

Parang isang bulag, naglakad ako sa direksyon na iyong itinuro.
Isang direksyon na hindi ko alam kung saan iyon patungo.
Teka nga, may patutunguhan ba talaga ito?
Bakit parang hindi pa din ako nakakadating sa dulo?

Dulo na kung saan wala na siya sa puso mo.
Oo alam kong mahirap kalimutan ang taong minahal mo nang buong puso.
Pero bakit nagawa mong sabihin na liligawan mo ko?
Hindi ko na alam kung tama pa ba na maniwala ako sayo.

Oo. Alam kong mas nauna siya sa akin.
Pero pakiusap, huwag mo kong paasahin.
Huwag mong ipangako sa akin na liligawan mo ko.
Huwag kang mangako nang ganoon kung siya pa din ang laman ng iyong puso.

Pakiusap, huwag mong iparanas sakin ang pagiging "rebound" kung tawagin.
Kung hindi mo siya kayang kalimutan, huwag mong pilitin.
Huwag mo kong gamitin para lang mabura na siya sa iyong mga alaala.
Huwag mong gagamitin ang damdamin ko na parang isang pambura.

Oo. Mahirap tanggapin na hindi mo siya magawang kalimutan.
Mahirap tanggapin na yung taong gusto ko'y isang preso ng kanyang nakaraan.
Pero mas mahirap tanggapin na nagawa mong sabihin na liligawan mo ko.
Mahirap iyon tanggapin, dahil nagawa mo iyan sabihin kahit siya pa din ang mahal mo.

Mahal, umaasa ako.
Umaasa ako na tutupad ka sa iyong pangako.
Umaasa ako na sana na hindi mo ko ginagamit para lang kalimutan siya.
Umaasa ako na sana hindi mo ko gagawing tanga.

"Basta liligawan kita."

Mahal, gaano ba ka-tagal ang "basta"?
Sapat ba ang tagal ng "basta" para makalimutan mo na siya?
Gaano ka-tagal ang inaabot ng isang "basta" mo, mahal ko?
Isang buwan? Taon? Dekada? Sana ito'y sagutin mo.

Nais ko iyan malaman para hindi ako mag-sawa.
Nais ko iyan malaman dahil ayokong magmukhang tanga.
Ayokong umasa at maghintay sa wala.
Kaya mahal, gaano ba talaga ka-tagal ang "basta"?

Hindi ako desperada, ayoko lang masaktan.
May tiwala ako sayo, ayoko lang mabasag iyon nang tuluyan.
Mas madaling tanggapin ang katotohanan na hindi mo ko magagawang mahalin.
Kaysa sa nililigawan mo ko para siya'y limutin.

Mahal, pinapaasa mo lang ba ako?
Umamin ka na, hindi naman ako magagalit sayo.
Tanggap ko naman sa simula palang na malabong maging tayo.
Na ang iyong "basta" ay walang kasiguraduhan kung iyon ba'y matutupad mo.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon