Bagong Tabas

518 2 0
                                    

Mayroon muna akong nais sabihin bago ko simulan ang piyesang ito.
Nais kong magpaliwanag kung bakit ang pamagat nito ay ganito.
Ipagpaumanhin niyo sapagkat di ko kayang tiisin ang aking mga kaibigan.
Kung kaya't nakisakay na lamang ako sa kanilang kabaliwan.

Sana mabasa mo ang tulang ito na nilikha ko para lamang sayo.
Nais ko sanang sabihin dito ang mga di ko magawang sabihin sa tuwing ika'y nasa harap ko.
Basahin mo sana at intindihin ang mga mensahe sa bawat talata.
Dahil ito ang kauna-unahang piyesa na naisulat ko dahil sa labis na paghanga.

Inaamin ko na dati baliwala lamang sa akin ang iyong presensya.
Halos di kita napapansin kahit pa nasa harap na kita.
Kahit na makakasalubong ka, parang di pa rin kita nakikita.
At halos minsan lamang ako tumugon sa tuwing nangungumusta ka.

Nung una'y hindi ko maintindihan kung bakit sikat ka sa mga kababaihan.
Kahit saang anggulo ko tignan, hindi ko pa rin makita kung bakit ka nila hinahangaan.
Ang sabi nila may taglay kang karisma at ubod ng kabaitan.
Ngunit hindi ko pa rin maintindihan kung bakit humanga sila sa ganyang dahilan.

Lingid sa iyong kaalaman, palagi kitang inoobserbahan.
Lahat ng iyong kilos at ugali ay aking pinag-aaralan.
Mukhang malapit ka at marunong makisama sa mga kababaihan.
Kung kaya't ang aking konklusyon, na nag-iisa kang anak na lalaki kaya ganyan ang iyong galawan.

Lumipas ang isang buwan at hindi ko pa rin maintindihan.
Labis akong nagtataka kung bakit ka nila kinababaliwan.
Dahil para sa akin, ang tanging hinangaan nila ay parte lamang ng iyong pagkatao.
Kung kaya't ako'y nagulat nang malaman kong marami ang humahanga sayo.

Noong mga panahong iyon, mayroon akong minamahal na tao.
Minamahal kahit pa sinaktan at iniwan na niya ako.
Kaya siguro hanggng ngayon, naka-kandado pa rin ang aking puso.
Sapagkat natatakot na kong masaktan at mabasag muli ito.

Ano nga ba ulit ang pangalan mo?
Natanong ko lang dahil bagay kasi sayo.
Pangalan pa lang halata nang mabait at marunong rumespeto.
Yan siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit natutuwa sayo ang mga tao.

Hanggang sa dumating ang araw na nagpabago ng ikot ng aking mundo.
Nagising nalang ako bigla nang may ngiti sa labi ko.
Pagdating sa eskuwela, di ko inaasahang makikita kita nang harapan.
At sa limang segundong lumipas, para bang tumigil sa pagtakbo ang oras habang ika'y aking tinititigan.

Di man tumibok ang puso, mayroon pa rin akong naramdaman.
Sa bilis ng pangyayari'y agad kitang nilagpasan.
Pilit pinipigilang isipin ang nangyaring titigan.
At dahil sa kaba, agad akong umakyat sa aming silid-aralan.

Naramdaman ko ulit iyon nang muli kang masilayan.
Tahimik lamang ako habang ika'y aking pinagmamasdan.
Inobserbahan ko iyong mukha at ugali, pati ang iyong boses ay aking pinakinggan.
Nakakapagtaka dahil wala sa mga iyon ang dahilan kung bakit ganun ang aking naramdaman.

Sa tuwing magtatama ang ating mga mata, agad akong napapaiwas ng tingin.
Sapagkat pakiramdam ko nauubusan ako ng hangin.
Hindi ko matagalan kaya agad akong naglalakad papalayo.
Palayo sa tao na naging dahilan kung bakit ganito ang nadarama ko.

Tama ang hula mong may pag-tingin ako sayo.
Oo alam kong alam mo na toh dahil kanina lang ay umamin na ko.
Umamin ako dahil nais kong malaman mo.
Na kahit hindi mo iyon tanggapin ay hindi ako magrereklamo.

Nais kong malaman mong kuntento na ko sa ganito.
Kuntento na ko sa lugar ko at ayoko nang higitan pa ito.
Nais kong linawin sa mga tao na paghanga lamang ang aking nadarama.
Sapagkat hindi pa ko handang buksan ang puso ko at magmahal ng iba.

Nais kong malaman mo na hindi ako umaasang ganun din ang madarama mo.
Kuntento na ko na simpleng pagsulyap sayo mula sa malayo.
At bilang pagwawakas aking kaibigan,  mayroon akong nais sabihin.
Bagong tabas man ang iyong buhok, ang tingin ko sayo'y ganun pa din.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon