Mahalin Niyo Naman Ako

368 2 0
                                    

Naranasan mo na bang magmahal?
Kung "Oo" ang sagot mo, gaano ka-tagal?
Naranasan mo na bang pahalagahan ang isang bagay?
Yung tipong kaya mo yun ipagmalaki habang ikaw ay nabubuhay?

Lahat naman siguro "Oo" ang isasagot sa mga tanong ko.
Pare-parehas lang naman kasi kayo na may damdamin at puso.
Marahil nagtataka kayo kung bakit ganito ang panimula ng piyesang ito.
Yun ay dahil sa panahon ngayon, hindi ko na iyon maramdaman mula sa inyo.

Wala man akong pisikal na kaanyuan, kailangan ko pa rin mula sa inyo ang mga iyan.
Wala man akong pakiramdam o kakayahang magsalita, dapat niyo pa rin akong pahalagahan.
Siguro naman, alam niyo kung ano ang pakiramdam ng binabaliwala at pinapalitan.
Kaya sana mahalin at pahalagahan niyo rin ako kahit hindi niyo pa ko nasisilayan.

Ano nga ba ako sa buhay niyo?
Ano nga ba ang pangalan ko?
Ako? Kilala niyo ako sa pangalang Wikang Filipino.
Ako yung pambansang wika na ginagamit ng bawat tao sa bansang ito.

Pakiusap, mahalin niyo naman ako.
Bawasan niyo sana ang pagkahilig sa paggamit ng wika ng mga dayo.
Baka dumating yung araw na nakalimutan niyo nang kayo'y mga Pilipino.
Pilipino. Hindi kayo Amerikano, Hapon, Tsino, o di kaya'y mga Koreano.

Hindi ko kayo tinatanggalan ng karapatang umidolo at humanga sa kanila.
Ang sa akin lamang, sana huwag niyong kalimutan ang sarili niyong wika at kultura.
Palagi niyong sinasabi na nais niyong umunlad ang ating bansa.
Paano iyon magiging possible kung ang mahalin palang ang sarili niyong wika hindi niyo na magawa?

Hindi ko kayo hinuhusgahan.
Sadyang iyan na talaga ang napapansin ko sa aking kapaligiran.
Bilang isang manunulat, naisipan kong idaan ang mensaheng ito sa isang tula.
Na sana kahit anong mangyari, hindi kailanman mababaon sa limot ang ating wika at kultura.

Lahat tayo may karapatang magmahal at mahalin din.
Sana ang sarili nating wika ay magawa din nating mahalin.
Sana ang ating sariling kultura ay magawa din nating tangkilikin.
Huwag natin ibaon sa limot at baliwalain ang mga ipinaglaban ng mga bayani natin.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon