Kabanata 1: Zahara Worthwood

7.1K 310 45
                                    

ZAHARA'S POV

Naalimpungatan ako dahil sa sikat ng araw na tumatama sa aking mukha. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata't tumambad sa akin ang kulay berdeng mga dahon na siyang naghatid ng ngiti sa aking labi. Unti-unti akong bumangon sa aking kinahihigaan at agad na nag-inat ng katawan.

"Magandang umaga!" Nakangiti kong bigkas kasabay ng pag-ikot ko ng paningin sa buong paligid. Mas lalo pang lumawak ang aking ngiti nang masilayan ang kay ganda't preskyong tanawin na nakapalibot sa akin at ang mga ibon na umaawit sa itaas ng mga puno na siyang kaaya-ayang pakinggan.

Nilingon ko ang ilalim ng puno na nagsilbing pahingahan at higaan ko. Dito ako natutulog, kung minsan nama'y kapag napapadpad ako sa ibang parte ng gubat ay doon na ako nagpapalipas ng gabi.

Mabilis na napalitan ng lungkot ang sayang nararamdaman ko dahilan upang maglaho ang ngiting nakapaskil sa aking labi.

Kung naririto lang sana kayo Ama't Ina, hindi ko na sana kailangang maghanap pa ng lugar na matutuluyan, hindi na sana ako nag-iisa ngayon. Hindi sana ako nakakaramdam ng lungkot sa tuwing maiisip kong wala akong tahanan o kahit na kapamilyang malapitan man lang.

Dahil sa naisip ay agad na naikuyom ko ang magkabila kong palad kasabay ng paglukob ng pamilyar na emosyon sa aking sistema. Ang emosyong naramdaman ko nang araw na paslangin nila sina Ama at Ina, ang araw nang sunugin nila ng walang awa sina Ama't Ina kasabay ng pagsunog nila sa aming tahanan.

"Wag mong hayaang kontrolin ka ng emosyon mo, Zahara."

Agad akong napailing nang muling maalala ang sinabi sa akin noon ni Ina at hindi kalauna'y napabuntong-hininga.

"Hindi ka pa ba nasanay Zahara? Mahigit siyam na taon ka ng namumuhay mag-isa, dapat ay masanay ka na." Sambit ko sa aking sarili't tuluyang napagpasyahang lisanin ang lugar na iyon. Kailangan ko pang maghanap ng makakain at nang sa gayon ay makapagpaligo na rin ako.

Nagsimula na akong maglakad, sa loob ng labing walong taong paninirahan ko sa bundok na ito'y kabisado ko na ang bawat pasikot-sikot dito. Kaya naman ay hindi na naging mahirap para sa akin ang pamumuhay kong mag-isa rito lalo na't nasanay na ako.

Ilang minuto pa ang lumipas ay tumigil ako sa paglalakad nang makakita ng isang bugkos ng prutas sa itaas. Muling bumalatay sa aking mukha ang tuwa dahil sa nakita.

Paniguradong mabubusog ako nito.

Hindi na ako nagdalawang-isip pa na akyatin ang punong kinaroroonan niyon dahil sa takam na aking nadarama. Maingat ang bawat hakbang ko sa tuwing aapak ako sa sanga ng puno upang ako'y hindi mahulog. Hindi kalaunan ay matagumpay kong naabot ang bugkos ng prutas, mabilis ko itong pinitas at napangiti.

"Sa wakas, may pang-agahan na ako." Wika ko't walang pag-alinlangang tumalon pababa sa lupa. Dahil sa ginawa kong pagtalon ay tinangay ng hangin ang mahaba kong kulay pilak na buhok dahilan upang tamaan ito ng sikat ng araw na siyang nagdulot ng pagkislap nito. 

Nang bumagsak ako sa ibaba'y masaya kong pinagmasdan ang hawak kong bugkos ng bayabas. Pinitas ko ang isang kapiraso nito at saka sinimulang kainin. Napapikit pa ako nang manuot ang lasa nito sa aking dila kung kaya't agad ko pang kinain ang ibang natitira. Ilang saglit pa'y naubos ko na ang lahat ng bayabas, nakaramdam ako ng pagkauhaw kaya agad akong naglakad patungo sa pinakamalapit na batis na madalas kong paliguan.

Hindi nagtagal ay narating ko na ito. Tumambad sa mga mata ko ang napakalinaw at kumikislap na tubig ng batis dahil sa sikat ng araw na tumatama dito. Marami ring makukulay na mga halaman at punong-kahoy na nagkalat sa buong paligid.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now