Kabanata 83: Panghihimok

758 44 5
                                    

ZAHARA'S POV

Naiwan akong tulala habang hindi makapaniwalang nakatingin sa likuran ng lalaking unti-unting naglalaho sa aking paningin, maging ang aking mga kaibigan at ibang mga mag-aaral ay halatang nagulat sa ginawa at tinuran ng lalaking iyon.

"That was..."

"Insane." Pagtatapos ng ngingisi-ngising si Elliot sa isinambit ni Thalia. Hindi ko na namalayang nasa harapan ko na silang lahat at kasalukuyang nakatitig sa akin na wari ba'y nagsasapantaha.

Ngunit hindi ko magawang bigyan ng kasagutan ang katanungang ipinupukol nil sa akin sa pamamagitan ng nagtataka nilang mga tingin sapagkat maging ako ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari.

Lubhang mabilis ang lahat.

A-Ano ang kaniyang sinabi? G-Gusto niya ako? M-May pagtingin sa akin ang lalaking iyon?

Sa ikalawang pagkakataon ay muli ko na namang naramdaman ang dahan-dahang pagbilis ng pagtibok ng aking puso na tila ba'y nkikipagkarerahan sa pagtakbo.

Ano ang nangyayari sa aking sistema?

Ano ang nangyayari sa iyo, Hara?

"Zahara?"

Unti-unti kong naiangat sa taong iyon ang aking paningin at napako iyon sa kulay pula niyang mga mata na siyang nababalot ng laksa-laksang katanungan kagaya na lamang ng iba. Subalit hindi ko nagawang maramdaman ang nakasanayan kong maramdaman sa tuwing siya'y aking kaharap bagkus ay mabilis akong tumayo mula sa aking pagkakaupo at wala sa sariling nagsalita.

"M-Mauuna na ako sa inyo. P-Paalam." Wika ko at agad ng nilisan ang bulwagang iyon.

Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na binabagtas ang daan patungo sa kung saan. Hindi ko batid at hindi ko mawari kung saan ang aking paroroonan, ang tanging alam ko lamang ay nais kong mapag-isa't mag-isip-isip.

"I-I love you. I love you Zahara Worthwood. I love you so much and I want you... to be my girlfriend."

Muli na namang umalingawngaw sa aking isipan ang mga katagang iminungkahi sa akin ng lalaking iyon dahilan upang matulin akong mapahinto sa aking paglalakad at napapapikit na napasapo sa aking ulo.

"Hindi! Imposible!"

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko bago tuluyang iminulat ang aking mga mata.

"I-Imposible ang kaniyang mga sinabi, m-maaring biro lamang ang kaniyang mga iminungkahi o hindi kaya'y pinaglalaruan lamang niya ang aking isipan gayundin ang aking puso. Tama, maaaring ganoon nga, t-tama, tama." Tatango-tangong usal ko sa aking sarili bago mabilis na ipinagpatuloy ang naudlot kong paglalakad patungo sa lugar na siyang nasa aking isipan na maaari kong puntahan.

Sa kaliwang bahagi ng Akademiya, sa bukana ng masukal kagubatan.

Batid kong walang masyadong estudyante ang pumaparito't napapagawi sa lugar na ito kung kaya't ito ang naisip kong puntahan.

Hindi nagtagal ay tumigil ako mula sa aking paglalakad at umupo sa damuhan na siyang malapit sa bukana ng kagubatan.

"Kung kausapin ko kaya siya at nang sa gayon ay hindi na ako nagkakaganito? H-Hindi naman siguro totoo ang kaniyang mga isinatinig, hindi ba?"

Hindi na lingid sa aking kaalaman na ako ay nagmumukha ng nasisiraan ng bait sa ginagawa kong pakikipag-usap sa aking sarili subalit sadyang hindi ko na lamang ito binibigyan ng pansin pa't lalo na at hindi pa rin maalis-alis sa aking isipan ang mga nangyari ngayon lang.

Napagbulay-bulay kong marapat kong tapatin si Kairus hinggil sa kaniyang mga sinabi sapagkat hindi biro ang kaniyang mga iminungkahi.

"T-Teka, ano naman ngayon sa akin kung biro man o hindi ang kaniyang mga ibinigkas sa gitna ng lahat? H-Hindi dapat ako nagkakaganito, hindi dapat ako naapektuhan ng ganito." Sambit ko sa kawalan at pagkuwa'y agad ring natigilan.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum