Kabanata 17: Ganap na Estudyante

3K 205 21
                                    

ZAHARA'S POV

Matapos naming malampasan ang sari-saring mapanghusgang tingin na pinupukol sa amin ng mga matapobreng nilalang na iyon ay agaran na kaming naglakad papunta sa malaking gusali.

Hindi na ako nagulat pa sa kanilang mga iniasta, sila'y mga maharlika kung kaya't hindi na lingid sa aking kaalaman ang kanilang natatanging mga ugali.

Bago tuluyang makapasok sa mala kastilyong gusali ay napatuon pa ang aking paningin sa estatwa ng babae sa gitna ng bukal. May kung ano roon na nagbibigay kahiwagaan sa akin. Ngunit mabilis kong iniwas mula roon ang aking mga mata at dagliang ipinilig ang aking ulo, ipinagsawalang-bahala ko na lamang ang bagay na iyon at muli ng nagpatuloy sa aming paghahakbang.

Kasalukuyan kaming naglalakad sa isang napakalawak at napakagandang pasilyo. Hindi matigil sa pagmasid ang aking mga mata sa sobrang nakakamanghang mga bagay na nakakalat sa buong paligid. Nang tingnan ko si Alice ay ganoon rin siya, nakaawang ang labi't mapagkakakitaan ng labis na paghanga na nakapaskil sa kaniyang mga mata.

Tuloy-tuloy lamang ang aming paglalakad hanggang sa ilang saglit pa'y bigla kaming tumigil sa harap ng isang may kalakihang pintuan.

"Narito na tayo." Biglang sambit ng kawal at walang pasabi-sabing kumatok rito't agaran itong binuksan sapat na upang siya'y makapasok sa loob dahilan upang kami ay maiwang dalawa sa labas ni Alice.

"Mawalang-galang na Headmaster, hindi ko sinasadyang gambalain kayo sa inyong munting pagpupulong subalit narito na po ang hinihintay ninyong mga panauhin." Rinig kong pahayag nito.

"Let them in." Sagot ng isang pamilyar na tinig. Hula ko'y ito ang punongguro.

Pagkatapos naming marinig iyon ay muling lumabas mula sa silid na iyon ang kawal at kami ay hinarap.

"Pumasok na kayo sa loob, mga binibini. Naroroon na ang iba pa ninyong mga kasamahan." Saad nito sa amin at kaagad na tumabi mula sa pintuan kasabay ng pagmuwestra niya sa entrada nito. Dahil roon ay nagkatinginan kami ni Alice at sabay na napatango sa isa't isa bago tuluyang humakbang papasok sa nasabing silid.

At sa oras nang kami ay makapasok sa loob niyon ay doon tumambad sa aming harapan ang limang panauhin.

Limang pamilyar na mga panauhin.

Sinuri ko silang lahat ng aking paningin at ganoon din ang kanilang ginawa. Tumigil lamang ang aking mga mata sa punongguro nang siya'y madapuan ng aking paningin, at nang sandaling dumapo rin sa akin ang kaniyang mga mata'y agaran siyang napatayo na tila ba'y ngayon lamang niya napansin ang aking presensya.

"Magandang umaga sa iyo, Binibini." Bati niya sa aking katabi na walang iba kung hindi si Alice habang hindi inaalis sa akin ang kaniyang paningin.

"Maging sa iyo, Binibining Zahara. M-Mabuti naman at iyong tinanggap ang aming imbitasyon na ika'y dumito sa Majika De Akademiya, huwag kang mag-alala dahil ligtas ka rito."

Lihim akong napaismid sa aking narinig. Hindi ko inaasahang natatandaan pa niya ang aking pangalan. Wari ba'y ako lamang ang kaniyang inaalala at tila ba ay ako lamang ang nandirito't wala ng iba pa. Hindi na ako magtataka, ang lahat ng ito'y dahil lamang sa iisang bagay at iyon ay dahil sa aking taglay na kapangyarihan.

"Hindi ako nandirito dahil lamang sa inaalala ko ang aking kaligtasan, kayang-kaya kong protektahan ang aking sarili laban sa mga kaaway kung iyon ang inyong ikinababahala. Ako'y naparito lamang dahil sa isang dahilan, at iyon lamang ang tanging pakay ko rito at wala ng iba pa." Dire-diretso kong sambit na siyang nagpatigil sa kanila.

"H-Hara." Napatingin ako kay Alice nang marinig ko ang kaniyang mahinang pagtawag sa aking pangalan.

"Mawalang-galang na, ngunit ano pa ba ang kinakailangan naming gawin rito sa silid na ito nang sa gayon ay magawa na namin upang kami ay agad ng makalisan." Walang pagdadalawang-isip kong tanong habang nanatiling na kay Alice ang aking atensyon. Nakita ko kung paano siya mabahala sa aking ginagawa. At nang iniwas ko mula sa kaniya ang aking busilig ay daglian itong dumapo sa isang binibining nakaupo sa upuan katabi ang isang ginoo.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now