Kabanata 90: Ang Pagtakas ng Alas

565 34 1
                                    

THIRD PERSON'S POV

Isang napakalakas na atungal na siyang dumagundong sa buong lugar ang gumulantang sa buong sangkatauhan ng buong Akademiya.

Ang lahat ay dagliang nagsitakbuhan patungo sa labas ng kani-kanilang mga silid upang alamin kung ano ang pinagmumulan ng tunog na iyon. At ganoon na lamang ang pinaghalong gulat at takot ang pumaskil sa kanilang mga mukha nang sandaling masilayan nila ang isang napakalaking nilalang na lumitaw mula sa kagubatan at matuling lumipad patungo sa himpapawid.

Lahat sila'y nagitla't napapaawang ang mga labi sa labis na pagkagulat sa kanilang nasasaksihan sa mga oras na ito.

Ngayon lamang sila nakakita ng ganoong klaseng nilalang, ng isang dragon. At sa mga sandaling ito'y hindi pagkahanga ang kanilang nadarama kung hindi ay takot, matinding takot.

Lahat ng estudyante at maging ang mga guro ay tulirong nakatingala sa nasabing nilalang, hindi mawari kung ano ang marapat na gawin.

Subalit agad na lamang silang nagitla't wala sa sariling napahakbang paatras nang muli na namang magpakawala ng isang napakaba at nakakabinging atungal ang nilalang na nasa itaas at nasundan nang biglaang pagyanig ng buong kapaligiran kasabay ng pagkulimlim ng kalangitan.

Dahil roon ay sunod-sunod na sigawan ang namutawi sa buong lugar, lahat ay nawindang sa labis na lakas ng pagyanig ng buong kalaupaan. Nadagdagan pa iyon nang gumuhit sa malawak na kalangitan ang nakakasilaw na kidlat at ito ay nasundan pa ng sunod-sunod na kulog hudyat ng hindi magandang pangyayari.

Hindi nagtagal ay nagsidatingan ang isa pang pangkat ng mga mag-aaral na siyang pinangungunahan ng binatilyong nagngangalang Kairus. Siya at ang kaniyang mga kaibigan ay lubos ding hindi makapaniwala sa kanilang nakikita, ngunit hindi kalaunan ay agad silang natauhan at pagkuwa'y inihanda nila ang kanilang mga sarili sa maaaring mangyari.

"Keepers! Alphas! Protect the Zaheians!" Seryosong pahayag nito sa mga kasamahan na agaran naman nilang tinugunan.

Agad nilang inilabas at inihanda ang kaniya-kaniya nilang mga sandata't kapangyarihan at ito ay itinutok sa higanteng nilalang.

Subalit agad na nanlaki ang kanilang mga mata nang ito'y marahas na lumipad pabulusok sa mas ibabaw pa't pumaikot-ikot sa himpapawid. Ilang segundo pa ang nagdaan ay nagsimulang umihip ang napakalakas na hangin hanggang sa bigla na lamang namuo ang isang napakalaking ipo-ipo na siyang naging dahilan upang magsinghapan ang lahat.

Halos maestatwa sila sa kanilang kinatatayuan, nabalik lamang sila sa kanilang wisyo nang magsimulang gumalaw ang dambuhalang ipo-ipo at ngayon ay patungo na sa kanilang kinaroroonan.

"Keepers!" Malakas na puna naman ni Levi sa kabilang panig na agaran nilang napagtanto ang nais na iparating nito. Tanging pagtango lamang ang iginanti nila rito't agad na nagsitakbuhan papalapit sa buhawi.

Naunang lumusob ang dalagang si Thalia, matulin nitong ikinumpas ang kaniyang mga kamay at kasabay niyon ay ang pagsulputan ng malalaki't mahahabang mga halaman sa damuhan at nagsigapangan pasulong sa ipo-ipo. Sunod naman ay ang binatang si Cedric, mabilis pa sa kidlat na tumakbo ito't maliksing tumalon patungo sa ibabaw, at nang sandaling bumagsak ito sa lupa'y naging isa na itong lobo. Isang napakalakas na alulong ang pinakawalan nito sa direksyon ng buhawi, ito ay hindi pangkaraniwang alulong sapagkat ito ay naging sanhi upang lumihis ang paggalaw nito't tumungo sa kabilang gawi.

Agad ring nagsilusob ang dalawang panauhin na sina Vishna at Kiel. Nagkatinginan silang dalawa at sabay na nagsitanguan senyales ng iisang bagay. Kasabay ng pagtakbo nilang dalawa ay ang biglang pagpapalutaw ng binata sa dalaga papunta sa direksyon ng dragon, at habang nasa ere ay walang pag-aalinlangang hinubad ng dalaga ang suot nitong guwantes sa kamay at mapilantik na iginalaw ang magkabilang palad. Ilang saglit pa'y mahahawakan na nito ang katawan ng dragon at nang sa gayon ay magwakas na ang buhay nito nang bigla na lamang manlaki ang kaniyang mga mata't agarang nagitla.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindKde žijí příběhy. Začni objevovat