Kabanata 44: Misteryosong Panauhin

1.9K 157 15
                                    

ZAHARA'S POV

"Hara, pakiusap, g-gumising kana. Hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin, nakikiusap ako Hara, gumising kana."

Ang malamyos at malungkot na tinig ni Alice ang siyang nakapagpabalik sa akin ng aking ulirat, gayunpaman ay wala pa rin akong lakas na imulat ang aking mga mata kung kaya't wala akong ibang nagawa kung hindi ang pakinggan siya habang umiiyak.

"K-Kung batid ko lamang sana na ganito ang magiging buhay at kapalaran mo sa Akademiyang ito, s-sana'y hindi ko nalang ipinagpilitang isama ka sa pagpasok ko rito. P-Patawad Hara, patawad sapagkat naging pabaya akong kaibigan, p-patawad."

Naramdaman ko ang marahang paghawak niya sa aking kaliwang kamay at ang sunod-sunod na pagpatak ng basang likido rito na tiyak ko'y ang kaniyang mga luha.

Sa isiping iyon ay tila ba'y nakaramdam ako ng matinding konsensya.

Hindi ko inisip ang magiging epekto nito sa mga tao sa aking paligid, sa aking mga kaibigan. Hindi ko man nais na isatinig ngunit ako'y naging makasarili, ako ay nagpadala sa aking emosyon.

Bagay na labis-labis kong iniiwasang mangyari sapagkat iyon ang hinabilin sa akin ng aking Inang si Midea.

"Alice, huwag mong sisihin ang iyong sarili. Wala kang ginawang masama, wala kang kasalanan. Kung naririnig ka lamang ngayon ni H-Hara ay tiyak kong tataliwas siya sa iyong mga sinasalaysay, hindi mo kasalanan kung bakit siya nasaktan." Narinig ko ang pagpapatahan sa kaniya ni Matt na lubha kong ipinagpapasalamat.

Tama siya, walang kasalanan si Alice kung bakit nangyari sa akin ito. Kung mayroon mang dapat sisihin sa kaganapang ito, iyon ay walang iba kung hindi ako. Sapagkat ako'y nagpadala sa aking alimpuyo.

"Matt, hindi ko maunawaan kung bakit kailangang danasin ni Hara ang lahat ng ito. Wala siyang ginagawang masama sa kanila, wala siyang ginagawang masama sa mga estudyante rito subalit muntikan ng malagay sa alanganin ang kaniyang buhay-" Hindi na natapos pa ni Alice ang kaniyang mga sinasabi nang marinig ko siyang humagulgol na lamang bigla.

"Tahan na Alice, tahan na."

***

Lumipas ang ilang oras at tuluyan ng lumabas mula sa silid na aking kinaroroonan sina Alice at Matt. Wala akong ideya kung ilang oras o ilang araw na akong nakahiga sa kamang ito.

Makailang ulit ko na ring sinubukang idilat ang aking mga mata't igalaw ang aking katawan bagama't hindi ko magawa sa labis na panghihina. Sa tuwing susubukan ko ring igalagaw ang kahit na anong parte ng aking katawan ay daglian rin akong napapahinto nang bigla kong mararamdaman ang matinding pagkirot at sakit na dulot nito sa aking kabuuan.

Wala na akong ibang pagpipilian kung hindi ang matulog at magpahinga na lamang at nang sa gayon ay tuluyan ko ng mabawi ang aking lakas.

Hindi nga nagtagal at tuluyan ko ng naramdaman ang paghila sa akin ng kadiliman at ako ay nahulog sa malalim na pagtulog.

Naglaon pa ang ilang sandali ay naalimpungatan ako nang marinig ang marahang pagbukas at pagsarado ng pintuan senyales na may pumasok sa silid na aking kinaroroonan.

Naramdaman ko ang ginawang paglapit nito patungo sa aking tabi at ang mariing pagtitig nito sa aking mukha.

"Galit ako sa'yo, galit na galit ako sa'yo." Mababakas ang matinding poot at galit sa kaniyang tinig habang binibitawan niya ang mga salitang iyon.

Subalit hindi ko lubusang maunawaan kung bakit sa lahat ng taong inaasahan kong pupunta rito, bakit siya?

Bakit siya pa?

"Gusto kong maramdaman mo ang sakit, ang galit, at ang pangungulila na naramdaman ko sa loob ng napakaraming taon hanggang ngayon buhat ng iyong ginawa. Gusto kitang singilin, gusto kitang pagbayarin, gusto kitang saktan. G-Gusto kitang patayin, gustong-gusto kitang patayin." Damang-dama ko ang kanaisan niyang paslangin ako dulot ng kaniyang mga isinasatinig. Damang-dama ko ang kakaibang galit na nagmumula sa kaniyang puso, galit na tila ba'y may pinanghuhugutan, galit na tila ba'y may pinagmumulan.

Hindi ko lubhang maintindihan kung bakit niya sinasabi ang mga bagay na ito hinggil sa akin. Ngayon ko lamang siya nakita't nakilala subalit kung makapagsalita siya'y may napakalaking kasalanan akong ginawa sa kaniya, sa nakaraan niya.

"Pero kahit na anong galit ang bumabalot sa aking puso, sa aking pagkatao laban sa'yo ay hindi ko magawang saktan ka." Hindi nagtagal ay biglang naglaho ang galit sa kaniyang tinig at ito ay napalitan ng kakaibang emosyon.

Ito ay napalitan ng kalungkutan.

"Hindi ko magawang labanan ka, hindi ko magawang saktan ka sa paraan kung paano mo'ko sinaktan, kung paano mo'ko sinasaktan."

Biglang nanginig ang kaniyang boses na wari ba'y may kung ano ang mabigat na bagay ang nakadagan sa kaniyang dibdib na siyang bumabara sa kaniyang lalamunan.

"N-Nakakatawa lang isipin na kilala kita at ikaw naman ay hindi, hindi mo'ko kilala p-pero ako, kilalang-kilala kita. Kilalang-kilala kita Hara, alam ko ang buong pagkatao mo, saksi ako sa lahat ng mga pinagdaanan mo. P-Pero ikaw, h-hindi mo alam ang mga pinagdaanan ko, hindi mo alam ang mga hirap na pinagdaanan ko. H-Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin ang makita ka ngayon sa paaralang ito, ang sakit Hara, ang sakit sakit! Dahil sa tuwing nakikita ko ang mukha mo, naaalala ko ang lahat ng mga bagay na kinuha't pinagkait mo sa'kin. K-Kinuha mo sa'kin ang lahat, Hara. Ang lahat-lahat. At dapat ay natutuwa akong makita ka sa ganyang kalagayan. Ngunit imbes na matinding saya't kagalakan ang maramdaman ko, taliwas ang nadarama ng puso ko. Gusto man kitang masaktan ay hindi maaatim ng mga mata ko na makita kang nahihirapan dahil...d-dahil alam ko sa sarili ko na hindi iyon ang kanilang kagustuhan. Na hindi iyon ang kanilang nais, d-dahil hindi ko man gustong aminin ay alam kong mahal na mahal ka nila. M-Mahal na mahal ka nila, Hara."

Hindi ko alam subalit maging ako ay nasasaktan sa kaniyang mga isinasalaysay. Ramdam na ramdam ko ang mga patak ng luha na nagmumula sa kaniyang mga mata na naghahatid sa akin ng simpatya sapagkat maging ang sakit at lungkot na nagmumula sa kaniya ay nararamdaman ko sa pamamagitan ng kaniyang mga salita.

Subalit ang sunod niyang binitawang mga salita ang siyang naging dahilan upang ako ay balutin ng napakaraming katanungan.

"Kaya't maging malakas ka, Hara. Hindi sila matutuwang makita kang nagkakaganyan. Lumaban ka, magpakatatag ka...aking kapatid."

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now