Kabanata 53: Ang Pagtatagpo

1.9K 133 12
                                    

THIRD PERSON'S POV

Dahan-dahang iminulat ng dalaga ang kaniyang mga mata at tumambad sa kaniya ang pigura ng isang babae. Nakaupo ito sa kaniyang tabi habang nakadukdok ang ulo nitong may suot na gintong korona sa kaniyang kamay at walang tigil sa pag-iyak kasabay ng pag-usal nito sa pangalan ng kaniyang anak.

"A-Aviara, gising na a-anak ko. Gising na." Bigkas nito sa malamyos na tinig.

Dahil sa sitwasyong nakita't mga salitang narinig ay agarang nangunot ang noo ng dalagang si Zahara at dagliang nagsalita na naging dahilan upang kaniyang maagaw ang
atensyon ng ginang.

"S-Sino ka? Nasaan ako?" Tanong niya sa naguguluhang tinig, bagamat nang sandaling tumingala sa kaniyang gawi ang ginang na iyon ay agarang namutawi ang kaba't kakaibang pakiramdam sa kaniyang sistema at wari ba'y huminto sa pag-ikot ang kaniyang mundo.

Napako sa kulay abong mga mata ng babae ang kaniyang paningin, kasing-kulay ng kaniyang mga mata na lubha niyang ikinagitla.

Hindi nagtagal ay tinambol ng kakaibang emosyon ang kaniyang dibdib, animo'y talon sa bundok na siyang sagunson sa pagbuhos patungo sa kaniyang sistema.

Ilang saglit pa'y naramdaman na lamang niya ang pamamasa ng kaniyang mga mata dahil sa mga luhang unti-unting namumuo rito habang nakatitig sa mga busilig ng babaeng iyon.

"A-Aviara..."

Dahan-dahang tumayo ang babae dahilan upang mapagmasdan ng dalaga ang kabuuan nito. Nakasuot ito ng kulay puti na may halong kulay gintong kasuotan na siyang umaabot sa kaniyang paanan. Hindi naman nakatakas sa kaniyang mga busilig ang karikitang tinataglay nito lalo na nang muli siyang mapatitig sa wangis nito. Kagaya niya'y napakaputi ng rabaw nito na siyang maihahambing sa kaputian ng ulap sa mundong ibabaw, maging ang manipis at kulay rosas nitong labi ay halos maihahalintulad lamang ng sa kaniya, ang buhok naman nito ay kulay itim na siyang nahahaluan ng kulay pilak na siyang nakapusod sa kaniyang uluhan kung saan napapatungan ng gintong korona na siyang sumisigaw ng labis na kapangyarihan na kaniyang tinataglay.

Sa sandaling iyon ay napagtanto ng dalaga sa kaniyang sarili na isa ngang Reyna ang babaeng kaniyang kaharap.

At ang reynang iyon ay walang iba kung hindi ang kaniyang Ina.

Subalit sa ikalawang pagkakataon ay dumaosdos lamang ang kaniyang mga buliga sa kulay abong mga mata nito na siyang nababalutan ng iilang butil ng luha kagaya niya.

"A-Aviara... Aviara a-anak ko..." Nanginginig ang mga labing usal nito kasabay ng pagdaloy ng mga luha nitong nagmumula sa kaniyang mga mata pabagsak sa kaniyang magkabilang pisngi.

Tuloy-tuloy lamang sa pagdaloy ang mga luha nito habang nakatitig sa wangis ng dalaga. Ilang saglit pa'y napalitan ng matinding hagulgol ang pag-iyak nito.

Panaghoy ng isang Ina na matagal na nawalay sa kaniyang nag-iisang anak.

"I-Ikaw nga...  ikaw nga ang anak ko."

Humahagulgol na lumapit ang ginang sa kinaroroonan ng dalaga at nanginginig na inilapit nito ang kaniyang kamay.

"I-Ina? I-Ikaw ba ang aking Ina?"

Nagsimula na ring magsiunahan sa pagbagsak ang mga luha ng dalagang si Zahara habang isinasalaysay ang mga katagang iyon. Sari-saring emosyon ang naglalaro sa kaniyang isipan, hindi niya mawari kung ano nga ba ang kaniyang tunay na nararamdaman.

"I-Ikaw ba? Ikaw ba ang tunay kong I-Ina?" Utal-utal nitong dugtong habang nananatiling nakatitig ang paningin sa mga busilig ng kaharap.

Hindi sumagot ang ginang bagkus ay dire-diretso nitong sinakop ang distansya sa pagitan nilang dalawa at walang pagdadalawang-isip na kinulong sa napakahigpit na yakap ang dalaga.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering Windजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें