Kabanata 32: Pagsabog

2.6K 186 30
                                    

ZAHARA'S POV

Biglang tumahimik ang buong silid nang sandaling tumapak ako sa makintab na sahig.

Ang guro't mga kamag-aral ko ay napatingin sa aking gawi't agad na sinuri ang aking kabuuan.

Namataan ko ang ginawang pagkaway sa akin ni Thalia maging ang pagpukol sa akin ng masasamang tingin nina Maddison. Hindi rin nakatakas sa aking mga mata ang pagsitinginan sa akin ng tatlong kalalakihan na pinangungunahan ni Levi.
Subalit walang kahit ni isa sa kanila ang nakapagpabago ng emosyong nakapaskil sa aking mukha.

Nananatiling blangko ang ekspresyong nakabalatay sa aking mga busilig. Lumipas pa ang ilang saglit ay agad kong nilampasan ang mga pinupukol nilang tingin at tuloy-tuloy na naglakad hanggang sa marating ko ang aking upuan sa bandang likuran.

"You're late, Ms. Worthwood."

Ibinaling ko ang aking atensyon sa taong nagsalita niyon at dumapo ito sa hindi pamilyar na gurong nasa harapan ngayon. Hindi ako nagsalita o humingi man lang ng paumanhin bagkus ay mariin lamang siyang tinitigan na agad niyang ikinagitla't ikinatahimik. Makaraan pa ng ilang segundo'y daglian siyang napatikhim bago napaiwas ng tingin.

"Huwag mo na lamang itong uulitin pa." Giit niya't muling humarap sa pisara at pagkuwa'y nagsimulang magsalita.

Napabuntong-hininga naman ako bago dahan-dahang dumungaw sa labas ng bintana kung saan makikita sa aking bandang kanan. Ramdam ko ang iilang pares ng mga matang nananatiling nakatingin sa akin ngunit hindi ko na ito pinagtutuunan pa ng pansin at sa halip ay tinuon ko na lamang ang aking buong atensyon sa mapayapang kapaligiran sa labas nitong silid.

Hinayaan kong malunod ang aking sarili sa pag-iisip tungkol sa mga isinawalat sa akin ng punongguro.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala. Batid kong sumasanto ang lahat ng bagay hinggil sa aking pagkatao subalit may kung ano pa rin sa aking kalooban ang hindi pa rin tuluyang naniniwala, tila ay may kulang, hindi ko lamang matukoy kung ano ang bagay na ito.

Sa ikalawang pagkakataon ay muli akong nagpakawala ng buntong-hininga't bahagyang napapikit ng aking mga mata at dinama ang banayad na ihip ng hangin na siyang tumatama sa aking mukha.

Nasa harapan ko na ang mga batayan na siyang nagpapatunay na tama ang aking hinala, na tama ang aming hinala, ngunit tila ay may mali, tila ay may kulang pa rin.

Minulat ko ang aking mga mata at kasabay niyon ay ang pagragasa ng samu't saring katanungan sa aking isipan.

Ako nga ba talaga ang nawawalang tagapangalaga ng Elemento ng Hangin?

Ako nga ba ang totoong na anak ng Hari't Reyna ng Kahariang Aeros?

Ako nga ba ang tunay na nawawalang Prinsesa at ang tunay na tagapangalaga ng nawawalang Elemento?

Hawak ko nga ang Elementong tanging ang Prinsesa lamang ng Kahariang Aeros ang tumataglay, datapwat hindi pa rin ako lubusang sumasang-ayon na ako nga ang tunay na Prinsesa sapagkat hindi sapat ang lahat ng batayang ito.

"Hara."

Napakurap-kurap ako ng aking mga mata at pagkuwa'y tiningnan ang pinagmulan ng tinig na iyon. Nasilayan ko ang nag-aalalang mukha ni Thalia habang mariing nakatitig sa aking kabuuan.

"Are you okay?" Tanong niya, hindi pinapansin ang presensya ng tagapagturo sa unahan na kasalukuyang nagdidiskusyon ng kung anong aralin.

Dahil sa kaniyang ginawa'y maging ang iba naming mga kaklase ay napapagawi na rin sa akin ang kani-kanilang mga atensyon. Maging sina Levi at ang dalawa niyang kasama'y napalingon sa aking kinauupuan ng may pagtataka sa mga mukha kung kaya't agad na lamang akong tumango sa kaniya bago muling ibaling ang aking pansin sa labas ng bintana sa bandang terasa nitong gusali. Doon, nagawa kong mapagmasdan ang pagdapo ng isang munting ibon at ang mahinang pag-awit nito na siyang naghatid ng kapayapaan sa aking sistema.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now