Kabanata 39: Pag-uusap

2K 153 9
                                    

ZAHARA'S POV

Wala na akong nagawa pa nang kusang sumama ang aking mga kasamahan patungo sa silid ng punongguro.

Hindi lamang si Kairus kung hindi maging sina Levi, Yzair at Thalia ay nagpresintang sumama sa aking paroroonan. Akmang sasama pa maging iba nilang kaibigan ngunit daglian na nila itong pinigilan. Hindi na lamang ako tumutol pa't sila'y hinayaan na lamang.

Kasalukuyan na kaming naglalakad sa mahabang pasilyo nang biglang may kumalabit sa aking likuran. Nang tingnan ko ito ay nasilayan ko si Thalia na naiilang na nakatingin sa akin.

"Bakit?" Tanong ko na patuloy pa rin sa paglalakad. Ang tatlong kalalakihan nama'y tahimik na nakasunod lamang sa aming likuran.

"Hara, gusto ko lang sanang mag sorry sa ginawa ko." Mahihimigan ang sinseridad sa boses na anas niya.

"Bakit? Ano ba ang ginawa mo?"

Batid ko na kung ano ang kaniyang tinutukoy at ito ay ang kakaibang pakikitungo niya sa akin kanina.

"Tungkol sa pakikitungo ko sa'yo nang nalaman kong kaya mong magpalabas ng itim na salamangka-"

"Hindi ako ang gumawa niyon." Agad kong putol sa kaniyang sinasabi.

"Hindi ako ang gumawa ng bagay na iyon, Thalia. May kung sinong lapastangan ang kumontrol sa aking katawan upang gawin ko ang bagay na iyon at ako ay nakatitiyak roon." Ramdam ko ang pagkagitla niya maging ang pagtigil ng tatlong lalaki.

Bumuntong-hininga ako bago sila lingunin.

"Hindi ko batid kung naniniwala kayo sa aking mga sinasabi subalit iyon ang katotohanan, hindi ako isang kalaban."

Matapos ko iyong bigkasin ay agad na akong nagpaumunang maglakad sa kanila papunta sa silid-tanggapan ng punongguro.

Ilang minutong paglalakad lamang ang aking ginawa bago ako tuluyang nakadatal sa aking patutunguhan. Nang makarating sa harapan ng silid ay inayos ko muna ang aking sarili bago kumatok ng tatlong beses sa pinto. Hindi nagtagal ay agad namang tumugon ang pamilyar na boses ng punongguro mula sa loob nito.

"Come in."

Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa't agad ng pinihit ang pintuan at pumasok sa loob niyon. Naramdaman ko rin mula sa aking likuran ang pagsidatingan ng aking mga kasamahan at ang kanilang pagsipasukan sa silid na aking kinaroroonan.

"Princess..."

Hindi ko inaasahan ang isinambit ng punongguro nang sandaling magtama ang aming mga mata. Dahan-dahan siyang tumayo mula sa kaniyang pagkakaupo sa kaniyang taborete at ako'y pinakatitigan ng labis at husto.

"Princess Zahara." Naroroon pa rin ang awtoridad at kapangyarihan sa kaniyang tinig nang sambitin niya ang mga salitang iyon. Ngunit hindi ko lamang nababatid sa aking sarili kung tama ba ang kaniyang itinawag sa akin.

Princess Zahara.

Marahil ay marami ng patunay at mga senyales ang aking napag-alaman upang ako'y maniwala na ako nga ang Prinsesa ng Kahariang Aeros. Datapwat hindi ko pa rin lubusang maisaisip na ako nga ay isang dugong-bughaw, na ako ay isang maharlika. Maharlikang kinasusuklaman ko sa pagdidiskrimina sa mga mabababang antas ng mga taong kapos sa salapi't pilak. Mga maharlikang nagpapatakbo ng sistemang siyang tanging mga maharlika lamang rin ang nakikinabang. Mga maharlikang walang ibang ginawa kung hindi ang ipagmayabang ang kanilang mga ari-arian at maliitin ang mga nasa ibaba.

"Zahara, Zahara na lamang ho ang inyong itawag sa akin, Punongguro." Saad ko ng walang pag-aalinlangan. Agad naman siyang tumango at hindi na kinwestyon ang aking isinalaysay at sa halip ay tumingin sa aking likuran.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindOù les histoires vivent. Découvrez maintenant