Kabanata 71: Ang Muling Pagbabalik

841 54 2
                                    

ZAHARA'S POV

Pagkatapos kong malampasan ang napakaraming mga estudyante na nagkalat sa buong kapaligiran ay sa wakas ay narating ko na rin ang aming dormitoryo. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at daglian ng binagtas ang daan patungo sa aming silid. Wala pang mahigit tatlong minuto ay narating ko na ang pinto nito't ito ay matuling binuksan na naging dahilan upang tumambad sa akin ang napakapamilyar na atmospera ng aming silid.

Mabilis kong inilibot ang aking mga mata sa apat na sulok ng silid buhat ng pagkasabik na makita't masilayan ang aking kaibigan at kapatid na walang iba kung hindi sina Thalia at Vishna.

"Thalia? Vishna?" Masigasig kong anas ngunit walang sinuman ang tumugon sa aking pagtawag.

Datapwat hindi ako tumigil, matulin akong tumakbo papunta sa aming silid-pahingahan upang tingnan kung sila ay naroroon subalit nang sandaling mabuksan ko ang pintuang iyon ay bumungad sa aking harapan ang tahimik na silid. Maging ang silid-palikuran ay tiningnan ko na rin subalit bigo akong sila ay makita.

Napapabuntong-hininga akong napaupo sa aking higaan at wala sa sariling kinalikot ng aking mga mata ang buong bulwagan.

Wala pa ring may nagbago sa ayos ng silid na ito. Kung paano ko itong nilisan ay ganoon pa rin ito hanggang ngayon.

Napangiti na lamang ako ng wala sa oras.

Lubha akong nasisiyahan na ako'y makabalik rito.

Imposible man ngunit nais kong bumalik sa dating normal ang pamumuhay ko sa loob ng Akademiyang ito.

Nais kong tratuhin nila ako bilang ako at hindi bilang isang prinsesa.

Subalit agaran akong natauhan nang sa hindi inaasahang pangyayari ay dumapo ang aking mga busilig sa aking harapan kung saan naroroon ang isang malaking salamin.

Napako roon ang aking atensyon.

Kitang-kita ko mula sa aking kinauupuan ang aking repleksyon.

Taimtim kong sinuri at pinagmasdan ang aking kabuuan.

Isang babaeng nakasuot ng isang magarbo at mamahaling damit. Isang babaeng nababalutan ng ginintuang mga alahas. Isang babaeng marapat na iyong tingalain at galangin. Isang babaeng may dugong bughaw, at higit sa lahat ay isang babaeng hindi ko inaakalang magiging ako, babaeng malayong-malayo sa dating ako.

Hindi na si Zahara ang nakikita ko sa aking repleksyon kung hindi ay si Aviara.

Si Aviara Claine.

Isang maharlika.

Isang prinsesa.

***

Abot tenga ang aking pagngiti ng sa ikalawang pagkakataon ay muli kong pinagmasdan ang aking repleksyon.

"Mas mainam." Nasisiyahan kong saad habang nakatitig sa aking dagap. Mula sa isang babae na nakasuot ng maganda't magarbong damit ay napalitan na ito ng isang simpleng babae na nakasuot ng isang simpleng uniporme kagaya ng sa iba pang mga estudyante. Maging ang mga alahas na nasa aking katawan ay tinanggal ko na't itinago.

Pakiramdam ko ngayon ay bumalik na ako sa dating ako, na bumalik na ako sa isang simpleng babae na may normal na buhay.

Pakiramdam ko ay ako na ulit si Zahara at hindi si Aviara.

Maliban na lamang sa aking buhok na siyang maihahalintulad sa alon ng karagatan na siyang umaabot sa aking baywang na wari ba'y kumikislap.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now