Kabanata 16: Majika De Akademiya

3.1K 183 13
                                    

ZAHARA'S POV

Hindi ko pa rin maiwasan ang hindi mamangha sa tanawin na ngayo'y aking nakikita.

Sa magkabilang gilid ng malaking tarangkahan ay ang napakataas at napakalapad na pader na hula ko'y nagtatagal na ng napakahabang panahon base na rin sa mga baging na gumagapang mula sa ibaba patungo sa itaas nito. Hindi rin nakatakas sa aking paningin kung gaano kahaba ang espasyong nasasakop ng pader na ito na siyang nagsisilbing bakod sa loob nito.

Kung gayon ay sadyang napakalawak nga ng Akademiyang ito.

Nang ako'y tuluyang mahimasmasan mula sa labis na pagkamangha'y dahan-dahan kong iniikot ang aking paningin sa paligid. Walang pamayanan o kahit na senyales na may naninirahan malapit sa Akademiyang ito, sa tingin ko ay malayo ang kinaroroonan namin sa sibilisasyon at sadyang napakalayo mula sa bayan.

"Hara!"

Dahil sa pamilyar na boses na iyon ay agad akong napatingin sa kaniya. Mabilis akong naglakad papalapit sa kaniyang kinatatayuan.

"Hara, h-hindi pa rin ako makapaniwala. Narito na ako, n-narito na tayo!" Unti-unting gumuhit sa aking labi ang isang munting ngiti dahil sa kaniyang isinatinig.

"Dati-rati ay pinapangarap ko pa lamang na makita ang Akademiyang ito, subalit ngayon ay nasa harapan ko na ito at anumang oras ay makakapasok na sa loob nito." Nakita ko ang pamamasa ng kaniyang mga mata dahil sa labis na kasiyahang kaniyang nadarama.

"Masaya ako na natupad mo na ang iyong pinapangarap, Alice." Nakatinging sambit ko sa kaniya na  ikinangiti niya lamang rin.

"Mga binibini!"

Sabay kaming dalawa na napalingon sa pinagmulan ng boses na iyon.

Doon namin nasilayan ang kutsero ng karwaheng aming sinakyan patungo rito bitbit ang aming mga kagamitan.

Agad naman kaming naalerto ni Alice at dali-dali naming sinakop ang distansya namin papunta sa kaniya at agad na kinuha ang aming mga kagamitan bago nagpasalamat.

"Maraming salamat ho, Ginoong..."

"Franco. Ginoong Franco." Muli ay bumalatay sa aming mga labi ang ngiti nang sabihin niya sa amin ang kaniyang pangalan.

"Salamat ho ulit, Ginoong Franco." Sa pagkakataong ito ay ako naman ang nagbigay pasasalamat sa kaniya.

"Walang anuman iyon, mga binibini. Ginagawa ko lamang ang aking alituntunin." Sagot naman niya.

"Bago ko nga pala makalimutan, sa sandaling kayo ay makapasok sa tarangkahang iyan ay may sasalubong sa inyong kawal upang kayo ay gabayan patungo sa inyong dapat na puntahan." Aniya na ginantihan namin ng isang marahang pagtango.

"Muli ay labis kaming nagpapasalamat sa iyo, Ginoong Franco. Ikinagagalak namin na ikaw ay aming nakilala. Hanggang sa muli."

"Ikinagagalak ko rin na kayo'y aking makilala, hinihiling ko na sana'y maging mabuti ang pananatili ninyo riyan sa Akademiya. Osiya, ako'y hindi na magtatagal pa at may pupuntahan pa ako. Paalam na mga binibini, hanggang sa muli nating pagkikita."

"Paalam, Ginoong Franco." Nakangiting sambit namin sa kaniya, nakita ko pang iwinagayway ni Alice ang kaniyang kanang kamay sa gawi nito.

Pinanood namin siyang maglakad pabalik sa kaniyang karwahe at umakyat rito. Hindi kalaunan ay nagsimula na niya itong paandarin hanggang sa nag-umpisa na siyang pumalayo sa aming kinaroroonan.

Hindi nagtagal ay tuluyan na siyang naglaho sa aming paningin.

Nabalik lamang ako sa aking sarili nang marinig kong magpakawala ng buntong-hininga si Alice dahilan upang ako'y mapatingin sa kaniya.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now