ZAHARA'S POV
Hindi ko na nagawang aminin pa sa kaniya ang tunay kong nadarama, ang tunay na pagtingin ko para sa kaniya.
Mas mabuti na rin siguro ito at nang sa gayon ay hindi na ako umasa pa.
Natitingkala kong hindi niya masusuklian ang nararamdaman ko para sa kaniya sapagkat siya na mismo ang nagsabi. Kaibigan, misyon at responsibilidad, iyon lamang ang turing niya sa akin at hanggang doon na lamang iyon, kung kaya't nagpapasalamat na rin ako at hindi ko nagawang ipagtapat sa kaniya ang nilalaman ng aking puso't isipan na siyang pangalan niya ang isinisigaw.
"Hara,"
Dahan-dahan akong napaangat ng tingin sa aking kapatid na si Vishna na kakapasok lamang ng aming silid.
Kasalukuyan akong nasa loob ng dormitoryo at nasa aming silid pahingahan at mag-isang nagmumuni-muni't nagbabalik-tanaw sa aking isipan sa lahat ng mga kaganapan na siyang nangyari sa pagitan naming dalawa ng taong laman ng aking isip at hindi lamang basta isip nang bigla kong marinig ang tinig ng aking kapatid.
Malamig ang ekspresyon sa mukha nito kagaya ng nakagawian subalit makikita ang pag-alala sa mga mata nito habang nakatingin sa akin.
"V-Vishna." Tugon ko sa kaniya at nagpilit ng ngiti.
"Ayos ka lamang ba?" Agad na tanong niya at walang ano-ano'y umupo sa aking tabi sa aking kama.
Hindi ako sumagot sa kaniya kung kaya't muli na naman siyang nagsalita.
"Saan ka nanggaling? Gabi na." Puna nito habang nanatiling nakatitig sa akin.
"Diyan lamang sa labas, lumanghap ng sariwang hangin." Sambit ko.
"Nasaan si Thalia?" Dagdag ko pa nang mapansing kanina ko pa hindi naririnig ang boses nito.
"Nasa sala, nakatulog na siya marahil dala ng pagod."
Tumango na lamang ako sa kaniya bilang tugon.
Matapos niyon ay hindi na siya muling kumibo pa't gayundin ako. Subalit ilang saglit pa ang lumipas ay binasag na niya ang katahimikang nakabalot sa aming dalawa.
"Hara," Tawag niyang muli sa aking pangalan. Mabilis ko naman siyang tinitigan at hinintay ang kaniyang sasabihin.
"Salamat."
Nagtaka ako sa kaniyang iminungkahi't naging dahilan ito upang marahan siyang mapangiti.
"Batid kong ikaw ang may dahilan kung bakit hindi tinuloy ang hatol at parusa para sa aming dalawa ni Ama. Kinausap ng Hari at Reyna ng Kahariang Aeros na siyang iyong mga magulang ang mga nakakataas na huwag ng itloy ang karampatang parusang inihatol sa amin." Salaysay nito na naging dahilan upang sinsero akong ngumiti sa kaniya't hawakan ang kamay niyang nakapaloob sa guwantes.
"Huwag mo ng isipin pa ang bagay na iyon, Vishna. Kapatid kita at hinding-hindi ko hahayaang masaktan ka o ang kahit na sinong mahalaga sa iyo."
Bahagya siyang tumango at mas lalong ngumiti.
"Kung kaya't nagpapasalamat ako sa iyo, ngayon ay nakatitiyak na akong napalaki ka ng maayos at mabuti nina Ama at Ina." Mahihimigan ng pagkatuwa ang tinig na sambit nito bagay na mas lalong ikinangiti ko.
"Oo naman, Vishna. Napakabuti nila kung kaya't napalaki rin nila ako ng maayos."
Nakita ko naman ang pagdaan ng munting kirot sa itim niyang mga mata na agaran namang nawala.
"S-Sana'y naranasan ko rin ang iyong naranasan sa piling nilang dalawa." Mababakas ang lungkot sa pagsambit niya ng mga kaagang iyon. Dahil roon ay agad kong pinisil ang kaniyang kamay at pilit na ipinadama sa kaniya ang aking pag-aalala.
YOU ARE READING
Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering Wind [ Completed ]
FantasySa mundo ng salamangka kung saan nababalutan ng mahika ay mayroong dalawang nahahating lupain. Ito ay ang Lupain ng Zahea at ang Lupain ng Tenebris. Ang lupain ng Zahea ay binubuo ng apat na Kaharian, ito ay ang Kaharian ng Terros, Kaharian ng Fyros...