Kabanata 22: Maddison Ectrum

2.6K 232 58
                                    

ZAHARA'S POV

"Binibining Zahara Worthwood!"

Nang sandaling banggitin ang aking pangalan ay dahan-dahan akong tumayo mula sa aking pagkakaupo. Hindi ko na lamang pinagtuunan ng pansin ang mga bulungang binabato nila hinggil sa akin.

"Nais kong umakyat kayong apat rito sa itaas ng entablado nang sa ganon ay magawang mapagmasdan ng buong estudyante ng Majika De Akademiya ang inyong mga mukha." Wika ng punongguro at saka inalis mula sa akin ang paningin at inilipat patungo sa mga estudyante.

Hindi naman nag-aksaya ng oras ang aking mga kasama at agad ng naglakad paakyat sa itaas ng entablado. Subalit hindi ako gumalaw, nananatili lamang ako sa aking kinatatayuan at pinakatitigan ang kanilang mga galaw.

"Hara!"

Napaangat ako ng tingin kay Alice nang marinig kong tawagin niya ang aking pangalan. Dahil sa kaniyang ginawa ay tila nabalik ako sa aking katinuan. Nang tingnan ko ang iba'y doon ko lamang napagtanto na nasa akin na ang atensyon ng lahat.

Napailing ako sa aking tinuran at walang pasabing sila'y sinundan.

Nang makarating kami sa itaas ng entablado ay agad kong itinuon sa ibaba ang aking paningin sanhi upang mapag-alaman ko kung gaano karami ang mag-aaral nitong paaralan.

Libo-libong mga estudyante ang bumangad sa aking busilig at kasalukuyang nakatingin sa aming lahat. Hindi ko alam kung ano ang aking marapat na maramdaman. Pawang mga maharlika ang kasalukuyan kong kaharap. Datapwat, hindi ko pa rin hinayaang mapagmasdan nila ang tunay kong dinadama. Tinago ko sa malamig kong tingin ang aking damdamin nang sa ganon ay walang sinuman ang maaaring makabasa ng aking nadarama.

"Mga mag-aaral! Ikinagagalak kong ipakilala sa inyong lahat ang bagong mga estudyante ng Majika De Akademiya!"

Lihim akong napaismid nang sambitin iyon ng punongguro.

Dahan-dahan akong nakarinig ng mahihinang palakpakan mula sa aming likuran kung kaya't nababatid kong nagmumula iyon sa mga tagapagturo, palakas iyon ng palakas hanggang sa maging ang mga estudyanteng nasa aming harapan ay nagsipalakpakan na rin.

Ngunit hindi ako bulag upang hindi makita ang pandidiri sa kanilang mga mukha habang ginagawa nila iyon. Ang mga mapanghusgang tingin nila habang nakatitig sa amin, lalong-lalo na sa akin.

Inis kong inalis mula sa kanila ang aking mga mata at sa hindi inaasahang pangyayari ay dumapo ito sa isang pangkat ng mga estudyante na nasa bandang kanan at nasa unahang bahagi ng mga upuan kung saan ilang metro lamang ang layo mula sa aming kinaroroonan.

Nasa pito ang bilang nila't kasama na roon si Thalia.

Kung ganon ay sila ang tinutukoy niyang mga kaibigan niya.

Hindi ko mawari kung tama ang aking hinala ngunit tila'y nakatitig sa akin ang kanilang mga mata na wari ba'y sinusuri ang aking kabuuan. Hindi ko na lamang sana ito papansinin pa subalit agad akong nakaramdam ng matinding inis nang makita ko kung paano ako saaman ng tingin ng babaeng may kulay asul na mga mata. Dahil roon ay agad na nag-iba ang paraan ng aking pagtingin. Tinuon ko sa kaniya ang malamig kong mga mata na bahagya niyang ikinagitla't ikinagulat, ngunit hindi iyon nagtagal sapagkat mabilis rin siyang nakabawi at agad na napasinghal.

"Nais kong tanggapin ninyo sila ng buong puso bilang bago ninyong mga kamag-aral," Nabalik ako sa aking sarili nang muli kong marinig ang tinig ng punongguro dahilan upang mailipat ko sa kaniya ang aking paningin. Binaling niya sa amin ang kaniyang atensyon at marahang ngumiti na bago sa aking mga busilig.

"Binabati ko kayo bilang mga bagong
estudyante ng Majika De Akademiya."

Matapos niyon ay agad na nagpasalamat ang aking mga kasamahan at abot tenga ang ngiting bumaba mula sa entablado na agad ko namang sinundan.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now