Kabanata 96: Apoy sa Apoy

542 37 2
                                    

THIRD PERSON'S POV

Nakaawang ang labi at nanlalaki ang mga matang nakatingala ang lahat sa dalagang ngayon ay nababalutan nang naglalagablab na apoy habang nakalutang sa ere. Ang mga mata nito'y nanlilisik sa galit na wari ba'y umaapoy sa tindi ng emosyong nakabalatay doon. Maging ang kaniyang magkabilang kamay ay nababalutan ng nangangalit at nakakalusaw na apoy na siyang labis na nagbigay kahiwagaan sa lahat.

"I-Imposible... I-Imposible, hindi maaari." Utal-utal at hindi makapaniwalang usal ng estrangherong lalaki na siyang nakapaloob sa itim na salakot habang tulirong nakatingin sa dalaga.

"P-Paano..." Gulat na gulat pa rin nitong dugtong. Subalit hindi siya pinansin ng dalaga. Nanatili lamang itong nakapako ang paningin sa kaniya maging sa mga kasamahan niya.

Hindi nagtagal ang apoy na naglipana sa kapaligiran ay nagsisimula ng lumaki nang lumaki. Unti-unti itong gumagapang sa kahit na anumang direksyon sanhi ng malakas na pag-ihip ng hangin.

Dahil doon ay agad na nabahala ang mga kalaban maging ang kabilang panig.

"H-Hara." Tulig na tawag ni Alice sa kaibigan, nanatiling naguguluhan.

Bagamat maging siya'y hindi kinibo ng huli at bagkus ay mariin lamang na lumutang papalapit sa pinuno ng mga kalaban na agaran nitong ikinaatras kasunod ang iba pa niyang mga kasamahan na ngayon ay balisang-balisa na habang nakatitig sa lawak ng apoy na mas lalo pang lumalapit sa kanila.

"T-Tama nga ako, h-hindi ka isang ordinaryong nilalang... hindi ka pangkaraniwang tagapangalaga. Batid ko noong unang sulyap ko pa lamang sa iyong wangis na may kakaiba na sa iyo, at ang akala ko'y dahil lamang ito sa isa kang dugong-bughaw, na isa kang Prinsesa, s-subalit ako'y nagkamali dahil mas higit ka pa roon." Mababahiran ng kaba't takot ang tinig na wika nito habang patuloy na umaatras papalayo sa dalaga.

Datapwat ilang saglit lamang, ang pagkabahala sa mukha nito'y unti-unting napalis kasabay ng pagsilay ng isang kakila-kilabot na ngisi sa kaniyang labi't agarang paghinto mula sa kaniyang pag-atras.

"Higit kang mas malakas kaysa sa lahat ng tagapangalaga't mga dugong-bughaw. Higit kang mas malakas kaysa sa kaniya... higit kang mas malakas kaysa sa totoong Prinse-" Hindi nagawang tapusin ng pinuno ng mga kalaban ang isinasalaysay nito nang sandaling mapagtanto ang kaniyang mga sinasabi, subalit dahil sa kaniyang mga ipinahayag ay nakuha niyon ang atensyon hindi lamang ng dalaga kung hindi maging ng lahat ng taong naroroon.

Agad na napayuko ang ginoo at ilang segundo lamang ang nagdaan ay muli nitong sinalubong ang mga mata ng dalaga.

"Subalit kung iyong lilimiin, isa itong napakagandang balita para sa aming panig. Tiyak kong matutuwa ang aking Reyna sa oras na malaman niyang hindi lamang ang elemento ng hangin ang kaya mong manipulahin. Tiyak kong mas nanaisin na niyang kunin ka at ang bukod-tangi mong kapangyarihan-"

"Sa tingin mo ba ay hahayaan pa kitang lisanin ang lugar na ito nang humihinga?"

Sa isang iglap lamang ay agad na nakupas ang ngiting iyon sa labi ng estranghero nang sandaling isalaysay iyon ng dalaga na naging dahilan upang magsitindigan ang mga balahibo sa kaniyang katawan dahil sa labis na lamig at hilakbot na mahihimigan sa nakakatakot nitong tinig.

Maging ang mga estudyante at guro'y nakaramdam ng walang kapantay na takot nang marinig nila ang malamig at malalim na boses ni Zahara.

Nababalutan man siya ng apoy ay taliwas ito sa himig ng kaniyang tinig maging sa nakakasindak nitong tindig.

"A-Ano ang ibig mong sabihin?"

May takot sa boses na wika nito. Ilang sandali pa'y agad itong napatingin sa kaniyang magkabilang gilid nang bigla na lamang mas lumapit pa sa kanilang direksyon ang apoy na nagmumula sa dalaga.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon