ZAHARA'S POV
Para akong binuhusan nang malamig na tubig nang sandaling maanalisa ko kung sino talaga siya. Kung sino at ano talaga ang tunay na pagkakakilanlan niya.
Seraphina.
Siya. Siya ang tinutukoy ng librong ito na siyang pinakamakapangyarihan sa lahat, ang babaeng lumikha sa mundong ito, ang lumikha sa mundo ng salamangka. Ang pinakamakapangyarihang Panginoon sa lahat.
Subalit kung totoo man ang nakalathala sa librong ito, nasaan siya? Nasaan sila? Nasaan ang sanggol na kalong-kalong niya? Nasaan ang kaniyang anak?
Ang kaniyang anak...
Hindi ko alam ngunit may kung ano ang mayroon sa akin na nais na malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa kaniya at sa sanggol na hawak niya. Nais kong malaman kung ano ang kinahantungan ng kwento nila.
At dahil sa kanaisang iyon ay dali-dali kong ipinagpatuloy ang paglipat ng pahina at patuloy na hinanap ang kasunod ng larawang iyon.
Nasa ganoon akong sitwasyon nang bigla na lamang akong matigilan nang makarinig ng kaluskos mula sa labas ng nakabukas na bintana sa aking harapan. Wala sa diwa kong inilapag ang libro pabalik sa mesa't nagtatakang idinungaw ang aking ulo sa labas niyon at luminga-linga upang hanapin ang pinagmulan ng tunog na iyon.
"May tao ba riyan?" Sigaw ko habang nakamasid sa masukal na kagubatan. Ilang segundo pa ang nagdaan at hindi na muling nasundan pa ang kaluskos na iyon. Ipinagsawalang bahala ko na lamang ang bagay na iyon at akmang ililihis na paalis mula roon ang aking paningin nang bigla na lamang may kung ano na nahagip ang aking mga mata na tila'y isang anino ng kung sinuman. Dahil roon ay agad na nangunot ang aking noo, nalilito't nagsasapantaha kung sino ang taong iyon at ano ang ginagawa niya sa kagubatang iyon.
"Sino yan-" Hindi ko na nagawang tapusin pa ang aking isinasalaysay nang walang ano-ano'y maglaho na lamang na parang bula ang aninong iyon sa madilim at masukal na kagubatan.
Dala ng matinding kuryusidad ay dali-dali kong kinuha ang libro sa mesa at hindi na nagsayang pa ng oras at agarang tumakbo palabas ng silid-aklatan upang magtungo sa kagubatang iyon.
Ilang minuto lang ang naglaon at agad ko ng narating ang bukana ng kagubatan kung saan ko namataan ang taong iyon kanina. Subalit wala akong nakita na kahit na anong bakas ng sinuman rito.
Nagtataka kong inilibot ang paningin ko sa buong paligid. Sigurado ako sa nakita ko kanina, nakatitiyak ako sa aking nakita, hindi ako maaaring magkamali.
Sinbukan kong aninagin ang dulo nitong kagubatan subalit masyado itong madilim at masukal dahil na rin sa dabong ng mga dahon ng mga punong-kahoy na siyang humaharang sa liwanag na nagmumula sa sikat ng araw.
Wala akong ibang naririnig kung hindi ang pagsasayawan ng mga puno, ang pag-ihip ng malamig na simoy ng hangin at ang huni ng iba't-ibang mga hayop sa loob nitong malawak at masukal na kagubatan.
Isang mahaba't malalim na paghinga ang aking ginawa tanda ng aking pagsuko.
Masyado ng maraming impormasyon at mga misteryosong bagay ang aking napag-alaman sa araw na ito at hindi ko na hinahangad pa na madagdagan iyon dahil lamang sa aking nakita.
Napailing-iling na lamang ako sa aking naisip at pagkuwa'y napatingin sa hawak-hawak kong libro at ito'y pinakatitigan ng mabuti.
Aalamin ko kung ano ang tunay na nangyari kay Seraphina maging sa kaniyang anak, at gayundin ang tungkol sa apat na Panginoon ng apat na makapangyarihang elemento. Aalamin ko ang lahat-lahat sapagkat may kutob akong may hindi tama sa nakalathala sa librong ito, na tila ba'y may misteryo, tila ba ito ay may itinatago, at tila ba ay may nakakubli sa loob nito na ako lamang ang makakapagbigay kasagutan.
BINABASA MO ANG
Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering Wind [ Completed ]
FantasySa mundo ng salamangka kung saan nababalutan ng mahika ay mayroong dalawang nahahating lupain. Ito ay ang Lupain ng Zahea at ang Lupain ng Tenebris. Ang lupain ng Zahea ay binubuo ng apat na Kaharian, ito ay ang Kaharian ng Terros, Kaharian ng Fyros...