Kabanata 64: Ang Reyna ng mga Kalaban

1.5K 79 7
                                    

ZAHARA'S POV

Ramdam na ramdam ko ang pamumula ng aking magkabilang pisngi dulot ng nangyari.

Hindi ko maisip kung bakit niya iyon ginawa, subalit mas hindi ko mabatid kung bakit tila'y hindi nagproprotesta ang aking katawan sa pangyayaring iyon.

"Marahil ay nabigla lamang ako," Sambit ko sa aking sarili.

"M-Marahil ay iyon nga ang tunay na kasagutan kung bakit."

Napailing-iling ako't nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga.

Marapat na kalimutan ko na lamang ang kaganapang iyon. Tiyak kong kapwa lamang kaming nadala sa ugoy ng sitwasyon kung kaya't nangyari ang kaganapang iyon.

"Mas mainam nga kung kakalimutan ko na lamang ang pangyayaring iyon sapagkat ako'y nakakatiyak na walang ibang kahulugan para sa lalaking iyon ang bagay na iyon." Usal ko't pagkuwa'y hinawakan ang aking dibdib at pinakiramdam ang pagtibok nito.

Nang makabawi ay agad na akong nagpatuloy sa aking paglalakad pabalik sa malawak na bulwagan.

Sa sandaling ako'y tuluyang makapasok sa loob ay muli na namang natuon sa akin ang atensyon ng halos lahat, ngunit hindi ko na lamang sila pinagtuunan pa ng pansin at nagtuloy-tuloy lamang ako sa pagbagtas ng daan papunta sa kinaroroonan ng aking mga kaibigan.

"Hara!"

Agad akong napatingin sa isang direksyon nang marinig ko ang boses ni Alice. Sinundan ko ng tingin ang pinagmulan ng tinig niya at dahil roon ay namataan ko silang lahat na magkakasama't nakaupo at nakapalibot sa isang malaking mesa kung saan nakapatong ang maraming pagkain kagaya na lamang ng sa iba.

Akmang maglalakad na ako papalapit sa kanila nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay dumapo sa kulay pulang mga mata ang aking mga busilig dahilan upang ako'y matigilan at makaramdam ng pagkailang kasabay ng pagbalik-tanaw sa aking isipan ng kaniyang ginawang paghalik sa aking noo.

Yzair.

Kagaya ko'y nakatitig rin siya sa akin. Hindi ko mapagtalos ang nilalaman ng kaniyang isipan subalit batid kong iniisip rin niya ang nangyari kanina sa pagitan naming dalawa.

At habang iniisip ang pangyayariing iyon ay wala akong ibang magawa kung hindi ang lihim na mapangiti.

"H-Hara?"

Daglian akong natauhan nang maramdaman ang marahang paghawak sa aking braso ng kung sinuman, at nang sandaling iangat ko ang aking paningin sa taong iyon ay doon ko nagawang masilayan ang mukha ni Matt.

"A-Ayos ka lamang ba?" Mahinang saad niya na agad kong ikinatango.

"Ayos lamang ako Matt, salamat." Tipid akong ngumiti sa kaniya. Pagkatapos niyon ay agad ko na siyang hinikayat na magtungo pabalik sa kanilang pwesto, hinawakan ko siya sa kaniyang braso't siya'y hinila patungo roon na agad niyang ikinaigtad.

Napapailing na napangiti na lamang ako sa kaniyang naging reaksyon.

"Zaharang mahangin, ayos kana ba?"

Agad na tumalim ang aking paningin at pinanliitan ng mga mata ang ginoong nagmungkahi ng mga salitang iyon. Tatawa-tawa naman siyang tumayo mula sa kaniyang salumpuwit at humila ng isang taborete sa kaniyang tabi bago ito iminuwestra na wari ba'y sinasabi na roon ako umupo.

Mabilis naman akong naglakad papunta roon at agad na umupo bago siya'y tuluyang harapin.

"Salamat, munting lobo." Mahihimigan ng pang-aasar ang tinig na sambit ko sa kaniya. Hindi naman na siya sumagot pa't bagkus ay ginulo lamang ang aking buhok dahilan upang ako ay tuluyang mapabusangot.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now