Kabanata 124: Pagluluksa

471 28 4
                                    

ZAHARA'S POV

Naimulat ko ang aking mga mata dahil sa liwanag na siyang tumatama sa aking mukha. Nang sandaling ako'y bumangon ay agad akong binati nang huni ng mga ibon na naroroon sa ibabaw ng puno kung saan ako kasalukuyang naroroon.

Mabilis na nangunot ang aking noo nang tuluyan kong maanalisa kung nasaan ako.

Agad kong inilibot ang aking paningin sa aking paligid at tanging mga makakapal na berdeng punong-kahoy ang aking nakikita.

"A-Anong ginagawa ko sa kagubatang ito?" naggugulumihanan at nagsasapantaha kong tanong sa kawalan.

Nang makabawi ay daglian akong humawak sa katawan ng puno't akmang tatayo na nang bigla na lamang akong mapangiwi nang maramdaman ko ang pagguhit ng kirot sa aking katawan.

Napailing na lamang ako sa mga nangyayari dahil sa walang kaalaman.

Nais ko mang alalahanin kung papaano akong napadpad sa kagubatang ito ay hindi ko magawang maalala sa hindi malamang dahilan.

Wala akong alam sa kung ano ang mga nangyari kagabi. Ang tanging naalala ko lamang ay ang pagmamadali kong lumabas ng akademiya upang sana'y puntahan si Aleng Beth para kumpirmahin sa kaniya ang isang bagay hinggil sa pagkakakilanlan at katauhan ni Alice. Maliban doon ay wala na. Hindi ko na alam kung ano na ang mga sumunod na nangyari. Hindi ko maalala. Hindi ko matandaan.

"K-Kailangan ko nang bumalik sa akademiya, nakatitiyak akong nag-aalala na sila sa akin."

Sa ikalawang pagkakataon ay muli akong napahawak sa punong-kahoy upang alalayan ang aking katawan sa pagtayo nang bigla na lamang akong matigilan sa kagimbal-gimbal na senaryong nasa aking harapan. Agad na nanlaki ang aking mga mata kasabay nang pag-awang ng aking labi sa bagay na nasa aking kamay.

Gipalpal akong nakatitig sa aking palad na ngayon ay nababalot sa kulay pulang likido na siyang natitiyak kong dugo.

Matulin akong napatayo't hindi alintana ang sakit ng aking katawan at mabilis na pinakatitigan ang aking kabuuan.

Ganoon na lamang ang takot na pumasok sa aking sistema nang masilayan ko ang aking katawan na naliligo sa dugo. Halos magsitindigan ang mga balahibo sa aking katawan habang nakatitig sa tanawing iyon.

"A-Ano. . . k-kanino, sino. . ." halos hindi ko magawang maiusal ang nais kong sabihin. Ang tanging alam ko lamang sa mga sandaling ito ay ang pagbalot ng walang kapantay na takot at pangamba sa aking sistema. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Natatakot ako.

Takot na takot ako.

*****

Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na tinatahak ang mahabang daan patungo sa aking dormitoryo.

Mabuti na lamang at halos bukang-liwayway pa lang kung kaya't hindi pa karamihan ang mga estudyanteng pumaparito't pumaparoon sa buong akademiya dahilan upang magawa kong makapuslit papasok sa loob.

Mabilis at napakalakas ang bawat pintig ng aking puso habang ako'y tumatakbo.

Nang marating ko ang aming silid-dormitoryo ay agad na bumungad sa akin ang tahimik na bulwagan. Marahil ay doon nagpalipas ng gabi sina Thalia at Vishna na siyang lubos kong ipinagpapasalamat.

Hindi na ako nagsayang pa ng oras at agad nang nagtungo sa silid-palikuran.

Dire-diretso akong pumasok doon at walang pag-aalinlangang binuhusan ang aking sarili ng tubig upang alisin ang napakaraming mantsa ng dugo sa aking katawan.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now