Kabanata 126: Pagtatagpo ng Katiyakan

498 25 1
                                    

ALICE'S POV

Tuloy-tuloy at walang tigil na bumuhos ang aking mga luha kasabay nang pagtangis ng aking bagang dahil sa aking nga nalaman.

Hindi ko lubusang mapagtanto kung ano ang marapat kong maramdaman, hindi ko na alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Ang tanging batid ko lamang sa mga sandaling ito ay ang iisang bagay.

At iyon ay ang kasinungalingang bumuhay sa aking pagkatao.

Hindi ko sinisisi si inay. Hinding-hindi ko magagawang sisihin ang ang aking inay.

Hindi ko lamang maiwasang masaktan sa aking mga nalaman. Buong buhay ko ay nabuhay ako sa kasinungalingan. Sa kasinungalingang inakala ko'y tunay.

Ngunit ako'y nagkamali sapagkat ang buhay na siyang inakala kong tunay ay hindi totoo kung hindi ay pawang kasinungalingan.

Hindi ako si Alice.

Ako ang prinsesa.

Ang nawawalang prinsesa at ang nawawalang tagapangalaga.

Ako ang tunay na Aviara at hindi si Zahara.

Unti-unti kong tiningala ang aking mukha at pagkuwa'y pinalis ang mga luhang dumadaloy sa aking pisngi kasabay nang paglukob ng ideya sa aking isipan na may adhikaing ipaghiganti ang pagkamatay ng aking inay.

"Gagamitin ko ang aking pagkakakilanlan upang mas mapadaling hanapin ang kung sinumang kumitil ng iyong buhay, i-inay. . ."

"Sinisiguro ko sa iyo, magbabayad ang dapt na magbayad. Sisingilin ko ang gumawa nito sa iyo."

Matapos kong sambitin ang mga katagang iyon ay napatingin ako sa durungawan ng aming bahay at mula roon ay doon ko nasilayan ang sunod-sunod na pagsidatingan ng mga kawal na siyang pinangungunahan ng dalawang pamilyar na mag-asawa.

At sila ay walang iba kung hindi ang hari at reyna ng Kahariang Aeros.

Walang iba kung hindi ang tunay kong mga magulang.

"Babawiin ko na kung ano ang dapat ay sa akin."



ZAHARA'S POV

Hindi ko maiwasang mapahagulgol habang nakatanaw sa pigura ni Alice na walang tigil sa pagsambit sa pangalan ni Aleng Beth at kasalukuyang nakatingin sa kawalan.

Palihim akong pumunta nang sandaling ilibing si Aleng Beth. Palihim ko ring pinagmamasdan ang aking kaibigan upang siya'y aking bantayan. Batid kong kinakailangan niya nang masasandalan, nang karamay. Subalit nais ko man siyang lapitan at hagkan ay hindi ko magawa sa takot at posibilidad  na baka ang lahat ng ito ay ako ang may kagagawan.

Hindi ko kayang makitang nahihirapan ang aking kaibigan sa isang bagay na maaaring ako ang may gawa. Lalo na kay Aleng Beth, wala siyang ibang ipinakita sa akin kung hindi ay pagmamahal at walang hanggang kabutihan. Itinuring niya ako bilang isang kapamilya kahit na hindi niya ako kadugo, lubos na siyang napamahal sa akin, hindi ko maaatim na malaman na ako ang may kagagawan sa kaniyang pagkamatay dahil sa oras na mapatunayan ko na ako ang salarin sa pagpaslang sa kaniya ay hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili. At batid kong kamumuhian ako ni Alice, kamumuhian ako ng aking matalik na kaibigan. At sa isiping iyon ay lubha nang dinudurog ang aking kasing-kasing.

Hindi ko kaya.

Hindi ko kakayanin.

*****

Nang makita kong ayos at ligtas na si Alice ay napagpasyahan kong bumalik sa akademiya upang balikan ang lugar kung saan namatay si Aleng Beth at nang sa gayon ay masimulan ko na muli ang pag-imbestiga kung sino ang salarin sa kaniyang pagkawala.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now