Kabanata 59: Kilabot

1.5K 104 11
                                    

THIRD PERSON'S POV

Ang lahat ay tulala habang nakatingala sa dalaga. Hindi sila makapaniwala sa nakikita ng kanilang mga mata sapagkat ang kanilang nakikita'y hindi isang Prinsesa bagkus ay isang diyosa.

Ibang-iba na ito mula sa dati niyang wangis.

Naglaho na ang kaniyang mahabang bagsak na buhok at ito'y napalitan ng maalon na kulay pilak na buhok na siyang umaabot sa kaniyang baywang. Maging ang kaniyang rabaw ay nagbago, kung dati'y maputi na siya ngayon ay mas pumuti pa siya na siyang maihahalintulad sa kulay ng nyebe't kaulapan na makikita sa ibabaw na siyang bumagay sa kaniyang kasuotan na kulay puti't sumisimbulo ng kaliwanagan at kapayapaan na gipalpal ng napakaraming ginintuang mga palamuti na animo'y nagmula sa kailalim-laliman ng kalupaan. Maging ang kaniyang mukha ay mas lumiwanag, hindi maipagkakaila na siya'y mas lalong gumanda at gayundin ang kaniyang mga mata na siyang napupuno ng iba't ibang emosyon, malayo sa dati na siyang hindi makikitaan ng kahit na anong reaksyon. Sumisigaw ang kaniyang karikitan mula sa kaniyang mahahabang pilik-mata, matangos na ilong, mapupungay na mga mata, at higit sa lahat mula sa kaniyang mapupulang labi.

Sadyang marahuyo ang kaniyang taglay na alindog. Tunay ngang walang maipaghahambingan ang kaniyang kagandahan sapagkat ito'y walang kapantay.

Nakakaakit.

Nakakahumaling.

Nakakapanudyo.

Muli na itong nagpatuloy sa kaniyang paglalakad. Sumasabay ang ginagawa niyang paghakbang sa bawat tugtog ng musika na siyang nagmumula sa mga manunugtog na nagbibigay sensasyon sa atmospera ng buong kapaligiran.

Bawat hakbang niya'y napakahiwaga, napakahiwaga sa kadahilanang nagkikislapan sa liwanag ang kaniyang kasuotan maging ang kaniyang kabuuan na wari ba'y nababalutan ng kakaibang mahika.

Animo'y tumigil ang oras at tanging sa kaniya lamang umiikot ang mundo.

Ang atensyon ng lahat ay nananatiling nasa kaniya. Hindi nila magawang makapagsalita. Hindi nila magawang kumilos o gumalaw man lang. Tila ba'y isang pagkakamali na alisin mula sa dalaga ang kanilang mga paningin.

Ang mga estudyante, guro at maging ang punongguro ng Majika De Akademiya kasama ang laksa-laksang mga mamamayanan ay tuwirang-saloy na nasasaksihan ang mukha ng dalaga na nagngangalang Aviara na siyang tunay na Prinsesa.

Halos hindi nila mapigilan ang pagkalito't katanungan sa kanilang mga mukha habang nakatingala sa prinsesa.

"S-Siya? Siya ang nawawalang Prinsesa ng Kahariang Aeros?" Iyan ang mga salitang naglalaro sa kanilang mga isipan habang nananatiling nakapako sa dalaga ang kanilang mga paningin.

Sa kabilang banda, hindi naman maguhit ang mukha ng mga magkakaibigan sa labis na pagkamangha na kanilang nadarama sa mga sandaling ito. Nakaawang lamang ang labi ng mga kalalakihan gayundin ng mga kababaihan at tahimik na naghihintay sa pagdatal ng dalaga.

Ilang saglit pa ang nagdaan bago tuluyang nakababa mula sa mahabang hagdan ang prinsesa. Sa sadaling iyon ay dahan-dahang nagsihawian ang lahat upang siya'y bigyan ng daan patungo sa itaas ng entablado.

Elegante itong nagpatuloy sa paglalakad sa mahabang pulang karpet sa gitna ng lahat at tinahak ang daan papunta sa entablado. Ang lahat naman ay dagliang sinundan ng paningin ang dalaga. Sinusuri ang bawat paggalaw niya.

Mahigit sampung segundo pa ang naglaon bago tuluyang narating ng dalaga ang ibabaw ng entablado kung saan naroroon ang mga Hari't Reyna kabilang na ang kaniyang Ama't Ina na agad siyang kinulong sa mahigpit na yakap.

Nagsitayuan naman mula sa pagkakaupo sa kani-kanilang nagkikintabang mga taborete ang mga Hari at Reyna ng tatlo pang kaharian nang sandaling tumigil sa kanilang harapan ang prinsesang si Zahara. Subalit kagaya ng iba'y nakapako lamang sa huli ang kanilang mga busilig na wari ba'y kinikilatis ang buong pagkatao nito, ngunit gayunpaman ay hindi pa rin nawawala sa kanilang mga mukha ang labis na pagkahanga't pagkamangha tungo sa kakaiba't walang katulad na wangis ng dalaga.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindWhere stories live. Discover now