Kabanata 86: Ang Libro ng Nakaraan

673 46 2
                                    

ZAHARA'S POV

Matapos ang mahabang paglalakad ay agad akong napatigil sa harap ng malaking pintuan na gawa sa isang hindi pangkaraniwang kahoy at ito'y pinakatitigan.

Dito sa loob ng silid na ito, dito ko makukuha ang lahat ng kasagutan sa mga katanungan na siyang naglalaro sa aking isipan.

Natagpuan ko ang silid-aklatan na ito nang minsa'y mapagawi ako sa kanang bahagi ng Akademiya. Dati ko pa nais na pumasok rito't magbasa tungkol sa nakaraan, lalong-lalo na ang tungkol sa pinagmulan ng digmaan sa pagitan ng dalawang panig, ang Tenebrians at ang Zaheians. Subalit hindi ko na nagawa pa dahil sa mga nangyari, ngunit ngayon, ito na ang pagkakataon ko upang malaman ang lahat, ang lahat-lahat. Kung papaano ko matatapos ang digmaang ito. kung papaano ko mawawakasan ang alitan sa pagitan ng liwanag at ng kadiliman, ang mabuti laban sa kasamaan.

Isang buntong-hininga ang aking ginawa bago tuluyang buksan ang pintuan ng silid-aklatn na nasa aking harapan at agad na pumasok sa loob nito.

Bumungad sa akin ang napakalawak na bulwagan at halos mapamaang ako sa aking nasilayan.

Mahigit dalawampung matatayog na mga istante ng libro ang aking namataan na malapit ng umabot sa kisame at lahat sila'y punong-puno ng sari-saring mga libro.

Halos kumislap ang aking mga mata sa aking nakikita.

Hindi ko inaasahan na ganito kalaki ang silid na ito't ganito karami ang mga libro rito sa silid-aklatan na ito.

Tahimik ang buong lugar at ngayon ko lamang tuluyang napansin na walang tao ni isa man ang naririto maliban na lamang sa akin, siguro ay dahil oras pa ng klase kung kaya't ako lamang na mag-isa ang naririto sa silid-aklatan na ito. Mabuti na rin na walang sinuman ang naririto kahit na maging ang tagabantay rito at nang sa gayon ay makapagbasa ako ng mag-isa't masinsinan.

Namamangha't nakaawang ang labi na nagpatuloy ako sa aking paglalakad papalapit sa kinasasadlakan ng mga libro.

Lubhang nakawani-ayos ang lahat ng mga ito sa kani-kanilang mga kinaroroonan. Sadyang nakakabighani ang tanawing aking nasisilayan.

Ngunit mabilis kong kinontrol ang aking sarili. Dapat na mas ituon ko ang aking pansin sa tunay na dahilan kung bakit ako naririto sa silid na ito at hindi sa ibang mga bagay.

Isang malim na buntong-hininga ang aking ginawa bago tuluyang tumango't puno ng determinasyon na tumingin sa pinakamalapit na istante sa aking gawi.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng segundo. Agad kong sinakop ang maikling agwat mula sa kinatatayuan ko papunta sa unang istante ng mga libro at iyon ay aking pinakatitigan mula sa ibaba patungo sa itaas na bahagi nito.

"Simulan na ang paghahanap..."

***

Mahigit dalawang oras na ang nakakalipas at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin natatagpuan ang librong hinahanap ko.

Halos sumuko na ako sa paghahanap sa librong maaari kong mapagkuhanan ng ideya o impormasyon tungkol sa nakaraan o hinggil sa mga bagay na maaaring makatulong sa akin na wakasan ang lahat ng ito.

Ang karamihan sa mga nakikita ko'y tungkol sa kung paano gamitin ang kaniya-kaniyang mga kapangyarihan at mayroon rin kung paanong mas palakasin pa ang iyong kapangyarihan. Ang iba naman ay tungkol na sa mga aralin o tungkol na sa iba't ibang uri ng mga asignatura ng paaralang ito.

Isa na namang panibagong buntong-hininga ang pinakawalan ko kasabay ng pagbalik ko ng librong hawak-hawak ko.

Pang-apat na istante na ito subalit wala pa rin akong nakikita na maaaring makapagbigay sa akin ng mga kasagutan. Mali na hindi ako nagpasama sa kahit na sinuman sa mga kaibigan ko. Hula ko'y mas mapapadali ang paghahanap ko kung may katulong ako subalit wala.

Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon