ZAHARA'S POV
"Anong ginagawa ng isang magandang binibini sa kagubatang ito?" Wika ng isang bandido subalit hindi ako sumagot.
"Ikaw ba'y naliligaw? Halika't hayaan mong ikaw ay aming samahan." Nakakalokong dugtong pa niya na siyang mas ikinalawak ng ngisi sa mga labi ng mga kasamahan nito. Humakbang ang bandido't lumapit sa aking kinaroroonan.
"Tumigil ka!" Agad kong sigaw na nagpahinto sa kaniya mula sa paghakbang.
"Pakawalan niyo ang inyong bihag na lobo!" Muli kong usal sa direksyon nila na nagpatahimik sa kanilang lahat. Ilang saglit pa ang lumipas ay nagpakawala sila ng napakalakas na tawanan dahilan upang ako'y matigilan.
Nagtagal pa ang ilang segundo bago sila tuluyang huminto mula sa pagtawa't muling itinuon sa akin ang kanilang mga paningin.
"Nagpapatawa ka ba binibini? Halos ilang oras ang ginugol namin mahuli lamang ang lobong ito tapos sasabihin mong pakawalan nalang namin siya ng basta-basta?" Sagot nito na tila isang biro ang aking iniusal.
"Saka hindi porket maganda ka'y susundin na namin ang iyong nais, binibini." Dugtong pa ng isa nilang kasamahan.
"Hulihin ang binibining iyan at siya'y ating kukunin!" Sabat ng isang tulisan sa kaniyang mga kasamahan na agad nagpakunot-noo sa mga bandido. Nilingon nila ang grupo ng mga tulisan na nasa kanilang likuran.
"Mukhang namali ata ako ng dinig, Pablo. Maaari mo bang ulitin ang iyong sinabi?" Saad ng isang ginoo na sa tingin ko'y ang pinuno ng mga bandido.
"Ang sabi ko'y hulihin ang binibining iyan sapagkat siya'y aming dadalhin. Sayang naman ang pagkakataong ito kung ito'y palalagpasin pa, lalo na't siya'y may kakaibang karikitang tinataglay, sayang kung ito'y hindi mapapakinabangan." Sagot nito habang pinapasadahan ng malaswang tingin ang aking kabuuan na siyang lihim nagpakuyom sa aking magkabilang palad at nagpatiim ng aking bagang.
Nagpakawala naman ng halakhak ang hula ko'y pinuno ng mga bandido.
"Hindi niyo maaaring hulihin ang binibini sapagkat siya'y sa amin sasama, kami ang unang naparito kung kaya't kami ang nararapat na makinabang sa kaniya."
Pinigilan ko ang aking sarili sa mga salitang aking naririnig. Walang sinuman ang nagmamay-ari sakin maliban sa aking sarili. Isang kalapastanganan ang kanilang ipinapakita kaya't ginagawa ko ang lahat upang kontrolin ang aking emosyon sapagkat hindi ko alam kung ano ang aking magagawa kapag ako'y nagpadala sa mga salitang iminumungkahi nila.
"Tila hindi yata tayo nagkakaintindihan Elias. Ang lobo kasama ng binibining iyan ay aming kukunin, kung hindi kayo sang-ayon sa ideyang aming hangad ay dodoblehin nalang namin ang ibibigay naming buwis basta't payagan lang ninyo ang aming nais."
"Hindi maaari yang sinasabi mo Pablo! Tanging ang lobo lang ang ating pinag-usapan kung kaya't sa amin mapupunta ang binibini!"
"Kung ganun ay patawad na lamang dahil mapipilitan kaming kalabanin kayo!"
Halos magngitngit ang aking ngipin dahil sa galit na unti-unting nangingibabaw sa aking sistema, ngunit nawala iyon nang makita kong nagpalabas ng kanilang mga sandata ang mga tulisan at agad nila itong tinutok sa gawi ng mga bandido, maging ang mga bandido ay naging alerto sa pagpapalabas ng kanilang mga sibat. Makikita ang inis at galit na nakapaskil sa kani-kanilang mga mukha, at ang lahat ng iyon ay dahil lang sa isang walang kwentang bagay.
"Pagsisisihan niyo ang inyong naging pasya!" Galit na sigaw ng pinuno ng mga tulisan.
"Sisiguraduhin kong magsisisi kayo sa ginawa niyong pagbangga sa amin!" Segunda naman ng pinuno ng mga bandido't hindi na nagsayang pa ng oras at mabilis na lumusob sa kabilang panig.
BINABASA MO ANG
Majika De Akademiya: The Keeper of the Shimmering Wind [ Completed ]
FantasySa mundo ng salamangka kung saan nababalutan ng mahika ay mayroong dalawang nahahating lupain. Ito ay ang Lupain ng Zahea at ang Lupain ng Tenebris. Ang lupain ng Zahea ay binubuo ng apat na Kaharian, ito ay ang Kaharian ng Terros, Kaharian ng Fyros...