Chapter 1.3

4.2K 62 0
                                    

NAPATINGIN si Elij sa Nanay Karina niya nang marinig ang pagtawag nito sa pangalan niya. Isinakbit niya ang backpack sa likod at lumapit sa kinahihigaan nito sa ibabaw ng papag.
“Nay, pasensiya na kung nagising ko kayo,” wika niya dito.
Ngumiti ito at umiling. “Ayos lang iyon, anak,” sagot nito sa mahinang tinig.
Ilang taon na nang maparalisa ang mga paa ng ina niya dahil sa isang sakit. At simula noon ay malimit na lang itong nakahiga sa papag. Siya na rin ang nagsimulang bumuhay sa pamilya niya dahil matagal na ring pumanaw ang kanilang ama.
Tatlo silang magkakapatid. Siya ang panganay at sumunod ang isa pang babaeng si Gaile na nasa ika-anim na baitang sa elementarya. Kasunod naman ang bunso nilang lalaki na si Sam na dapat ay nasa Grade Two na kung wala lang itong sakit sa puso.
Kahit ilang beses sabihin ng kanyang ina na nais nitong bumalik sa pagtitinda nito sa palengke ay hindi niya na pinayagan. Alam niyang mapapagod lang ito doon at wala namang makapag-hahatid dito palagi sa lugar na iyon dahil wala pa siyang perang pambili ng wheelchair para dito.
Halos lahat ng kinikita niya sa mga sideline na pinapasukan niya ay nauubos sa pagkain nila at sa gamot ng kapatid na si Sam. Tapos siya ng kursong Education pero hindi niya naman magawang humanap ng trabaho kung saan makapag-tatagal siya. Hindi rin kasi siya nakapag-take ng licensure exam. Isa na rin sa dahilan ang dami ng intindihin sa tahanan.
Pinilit ng ina niyang umupo. Mabilis siyang lumapit dito at tinulungan itong makaupo at sumandal sa dingding.
“Saan ka pupunta?” tanong nito. “Madaling-araw pa lang, ah?”
Sinulyapan niya ang mga kapatid na mahimbing na natutulog sa banig na nasa sahig at ngumiti. “Maghahanap-hanap ako ng maaaring pagkakitaang sideline sa bayan. An early bird catches the worm, ‘di po ba? Gusto ko rin kasing maka-ipon para makalipat na tayo sa Maynila. Mas maraming trabaho doon at mas mapagtutuunan ng pansin ang sakit ni Sam sa mga ospital doon.”
Tumango-tango ito. “Pasensiya ka na, anak, ha? Kung nagiging pabigat na kami sa’yo. Dapat ay nakakapag-enjoy ka sa buhay mo pero dahil—”
“Nay,” putol niya dito. “Ilang ulit ko bang sasabihin na ni minsan ay hindi kayo nagiging pabigat sa akin?” napabuntong-hininga siya. “Huwag kayong mag-alala, Nay. Gagawin ko ang lahat para maiayos ang buhay natin.”
Ngumiti ito at hinaplos ang buhok niya. “Salamat, anak.”
Napatingin sila sa may pinto nang makarinig ng pagkatok doon. Lumapit siya doon at napagbuksan ang pinsan niyang si Brian. Ilang araw din itong hindi umuuwi dito.
Pag-aari ng pinsan niyang ito ang bahay na itong tinutuluyan nila dito sa Cebu. Dito na sila napunta dahil wala na rin naman silang matutuluyan simula ng namatay ang ama niya. Kaya wala siyang ibang pagpipilian kundi ang pakisamahan ito.
Pumasok ito sa loob at dumiretso sa kusina para maghanap ng makakain. Parang wala itong nakitang tulog kung makapag-ingay.
“Bakit walang pagkain dito?!” sigaw pa nito.
Humugot siya ng malalim na hininga at lumapit dito. “Hinaan mo nga ang boses mo, Kuya Brian. Natutulog pa ang mga kapatid ko,” pagalit niya dito. Wala ba itong kinakain sa mga pinupuntahan nito? O puro inom lang talaga ng alak ang alam nitong gawin?
“Wala akong pakialam,” sagot nito. “Pamamahay ko ito kaya puwede kong gawin ang kung anumang gustuhin ko.”
Itinikom niya na lang ang bibig at tinalikuran ito. Ito ang isa sa dahilan kung bakit nais niya ng humanap ng sariling matutuluyan. Ayaw niya ng magkaroon ng utang na loob dito at patuloy na marinig ang mga sumbat nito.
Palabas na siya ng pinto nang muli itong magsalita. “Gusto ka nga palang makausap ni Anthony,” sabi nito. “Lumuwas ka na ngayon at importante daw ang sasabihin niya.”
Bumuntong-hininga siya at hindi na ito sinagot. Pagkalabas ng bahay ay napatingin siya sa kalangitan. May ilang bituin pa ang naroroon. Kailan ba magbabago ang takbo ng buhay niya? Pagod na pagod na siyang sumunod sa ibang tao.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now