Chapter 25.3

3.2K 37 9
                                    

MASAYANG pumasok si Elij sa loob ng bahay ng pamilya niya sa Pasay ng gabing iyon. Tatlong araw na ang lumipas simula ng unang memorableng gabing pinagsaluhan nila ni Thaddeus at hindi niya akalaing patuloy na madadagdagan ang kasiyahan sa dibdib niya sa paglipas ng mga araw.
Simula ng gabing iyon ay halos hindi na siya pakawalan ni Thaddeus at bawat gabi ay ikinukulong na siya nito sa silid nito. Hindi naman siya makaangal dahil gusto niya rin iyon. Ngayong gabi nga lang siya pinayagan nitong pumunta dito dahil mayroon itong ka-meeting na kliyente sa firm nito.
“Elij, anak,” bati sa kanya ng ina niya nang salubungin siya nito. “Napadalaw ka.”
Ngumiti siya at hinalikan ang pisngi nito. “Nasaan po sina Sam?” itinaas niya ang box ng pizza na dala. “May pasalubong ako sa inyo,” masiglang wika niya.
Pagkarinig ng pasalubong ay agad niyang nakita ang mga kapatid na nagtakbuhan palapit sa kanya. Kinuha ng mga ito ang box ng pizza at binuksan na iyon. Napatawa siya sa inakto ng mga ito. “Bigyan niyo rin sina Inay at Ate Lara, ha?” paalala niya sa mga ito.
“Mukhang ang saya-saya mo ngayon, anak, ha?” narinig niyang wika ng ina niya.
Napabaling siya dito at hindi niya napalampas ang galak na nasa mga mata nito habang nakatitig sa kanya.
“Oo nga, Ate,” wika naman ni Lara na nakatayo sa likod ng wheelchair ng ina. “Blooming na blooming ka ngayon.”
Napaiwas siya ng tingin sa mga ito. “K-Kumain na rin kayo,” pag-iwas niya sa usapan. Lumapit siya sa mga kapatid at sinamahan ang mga ito sa pagkain ng pizza. Maya-maya lang ay sumunod na ang ina at si Lara sa kanya.
“Siyanga pala, anak,” pagsisimulang muli ng ina niya. “Naisip ko lang, baka gusto mong mag-bakasyon sa mga kamag-anak natin sa Pangasinan ngayong buwan?”
Napatingin siya sa ina. Tinutukoy siguro nito ang nag-iisang kapatid nito na nakatira sa Pangasinan. Matagal na silang hindi nakakapunta doon at nakakadalaw sa pamilya ng tiyahin niyang iyon. “Gusto niyo po bang mag-bakasyon doon?” tanong niya.
“Oo sana,” sagot ng ina. “Kaso gusto ko sana tayong lahat. Hindi ka ba makakahingi ng vacation leave sa boss mo? Kahit dalawang linggo lang?”
Vacation leave? Dalawang linggo? Napailing siya. “Hindi ko po magagawa ‘yon, Nay,” tugon niya. “Hi-Hindi po maaaring magtagal ng ganoon na walang nagbabantay sa kanya.” Hindi ko kayang malayo kay Thaddeus ng ganoon katagal, iyon ang tunay na ibig sabihin niya.
Tumango-tango ito, nasa mukha ang panghihinayang. “Ganoon ba? Sayang naman.”
Bahagya siyang nakaramdam ng guilt sa puso niya. “Kung… kung gusto niyo pong mag-bakasyon doon, ayos lang,” sabi niya.
Iwinagayway nito ang isang kamay. “Saka na lang kapag puwede ka na,” ngumiti ito.
Tumango na lang siya. Ilang sandali lang ay biglang tumunog ang cell phone niya. Kinuha niya iyon sa bulsa at tiningnan kung sino ang tumatawag. Ganoon na lang ang pagtalon ng puso niya nang makitang si Thaddeus iyon.
Tumayo siya at sandaling nagpaalam sa mga ito. Sana ay nagawa niyang itago sa mga ito ang pagkasabik at sayang nararamdaman. Tumungo siya sa loob ng kusina at doon sinagot ang tawag.
“Thaddeus,” bati niya dito.
Narinig niya ang pagtikhim nito. “Sweetheart,” bati nito. She loved the sound of that endearment for her now. “Nandiyan ka pa ba sa inyo?”
“Oo,” tugon niya. “Ikaw? May… kausap ka pa bang kliyente?”
“Wala na, pauwi na ako ngayon. Gusto ko sanang umuwi ka na rin, I miss you already,” his voice had gone hoarse.
Napabuntong-hininga siya. Paanong nagagawa nitong palambutin ang mga tuhod niya ng ganoon kadali? “Mag-Magpapaalam na ako dito,” aniya.
Tumawa ito. “I’ll wait for you here. I love you.”
Napangiti siya, ngumingiti rin ang puso niya. “I love you too,” sagot niya. Pagkatapos magpaalam dito ay mabilis niyang kinalma ang sarili bago muling bumalik sa pamilyang nanonood na ng palabas sa T.V.
Lumapit siya sa ina. “Nay, aalis na po ako,” paalam niya dito.
Nagtataka itong napatingin sa kanya. “Agad? May nangyari ba?”
Umiling siya. “W-Wala naman po.”
“Ate, kailan uli pupunta dito si Kuya Thaddeus?” narinig niyang tanong ni Sam.
Lumukso ang puso niya sa pagkarinig sa pangalan ni Thaddeus. Bumaling siya sa mga kapatid na nag-aantay ng sagot.
“H-Hindi ko alam,” sagot niya. “Medyo busy kasi siya ngayon. Pero sasabihin ko sa kanya na dalawin kayo.”
Masayang tumango ang mga ito. Muli siyang tumingin sa ina na nakatitig lang sa kanya. Ngumiti ito at pinayagan na siyang umalis.
“Babalik na lang po ulit ako,” pagkasabi noon ay nagmamadali na siyang lumabas.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now