Chapter 5.5

2.7K 44 0
                                    

NAGULAT si Elij nang makarating siya sa bahay ng pinsan niyang si Brian at nakita ang Ate Sandra niyang nagbukas ng pinto. Mukhang nagulat din ito sa hindi inaasahang pagkakita sa kanya.
“Elij?” malawak itong napangiti at niyakap siya ng mahigpit.
“Ate Sandra,” ginantihan niya ang yakap nito at hindi na napigilan ang pagluha.
Si Sandra ay isa sa mga kaibigan ng pinsan niyang si Brian. Madalas itong bumibisita dito noon kaya naging malapit na siya dito. Siya at si Rachel Leigh. Isa rin kasi si Sandra sa mga tauhan ni Anthony. Si Brian ang nagdala dito kay Anthony ilang taon na ang nakaraan. Sumapi ito sa grupo nila dahil wala na itong kapamilya at malaki ang pagkakautang nito kay Brian.
Sa pagkakaalam niya kasi ay si Brian ang tumulong dito nang mga panahon na walang-wala talaga ito. Pumayag si Anthony na isama ito sa grupo kapalit ng pagsunod nito sa lahat ng ipinag-uutos nito. Bilang ganti naman ay ibinibigay ni Anthony ang lahat ng pangangailangan ni Sandra para mabuhay.
Bahagya siyang inilayo ni Sandra at tinitigan. “Bakit ka umiiyak? May nangyari ba?” nag-aalalang tanong nito. Iginiya siya nito papasok sa loob.
Napahikbi siya. Para niya na itong tunay na Ate, nila ni Rachel Leigh. Dito nila sinasabi ang lahat ng problema at saloobin. Kilalang-kilala na sila nito.
Iginala niya ang paningin sa buong bahay. “Nandito ba si Kuya Brian?” tanong niya.
Umiling ito. “Kaaalis niya lang, may bibilhin daw siya,” hinaplos nito ang buhok niya. “Alam kong may problema ka, Elij. Sabihin mo sa akin. Dahil ba kay Anthony? Alam kong may iniutos siya sa’yo, tungkol sa abogadong iyon,” tukoy nito kay Thaddeus. “Sinabi sa akin ni Rachel Leigh noong isang linggo.”
Napayuko siya. Alam niya kung gaano kalapit si Rachel Leigh dito. Ito lang yata ang tao sa mundo na sinasabihan nito ng mga bagay tungkol sa pagkatao nito. Dahil maging siya ay kakaunti lang ang alam patungkol sa kaibigan. Hindi niya lang alam kung maging kay Anthony ay nagku-kuwento si Rachel.
“Tama ako, hindi ba?” tanong pa ni Sandra.
Tumango siya at muli na namang napaluha. Ikinuwento niya dito ang lahat – ang mga utos ni Anthony at maging ang pangyayari ngayong gabi tungkol kay Anderson. Inamin niya rin dito na natatakot na siya at nahihirapan.
Kinabig siya nito palapit at niyakap ng mahigpit.
Humagulhol na siya ng pag-iyak sa balikat nito. “Pagod na pagod na ako, Ate Sandra. Hindi ako sanay manloko ng tao.”
“Alam ko,” sabi nito, umiiyak na rin. “Maging ako napapagod na rin, Elij. Hirap na hirap na akong sumunod sa utos ng mga tao dahil may utang na loob ako sa kanila. Kung maaari lang… na ibalik ko ang oras, hindi na ako magpapadala sa pagkaawa ko sa sarili noon na naging dahilan ng pag-desisyon kong sumapi kay Anthony.”
Bahagya siyang lumayo dito at tinitigan ito. Maganda si Sandra kahit may ilang bakas ng sugat ang mukha nito. Kitang-kita sa mga mata nito ang hirap na pinagdadaanan. Alam niyang mas mahihirap ang mga ibinibigay na utos dito ni Anthony, hindi kaila sa kanya na may ilang tao ang ipinapatapos dito ng lalaki. Kahit gusto niya itong tulungan ay wala naman siyang magagawa, parehas lang silang nakakulong sa sumpang ito ng buhay nila.
“Pinagsisisihan ko ang pagsapi sa grupo ni Anthony,” pagpapatuloy nito. “Pinagsisisihan ko ang pagsunod ko sa mga utos niya. Gusto ko ng kumawala sa kanya, Elij. Pero hindi ko alam kung paano. Alam kong kapag sinuway ko siya, hindi niya rin ako mapapatawad. Natatakot din ako.”
Napayuko siya. Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. Hindi niya gustong kalabanin nito si Anthony, hindi niya gustong mapahamak ito.
Nagulat pa sila nang marinig ang muling pagbubukas ng pinto at nakitang pumasok ang pinsan niyang si Brian. Mabilis silang nagpunas ng luha.
“Elij,” masiglang bati sa kanya ng pinsan. Aktong yayakapin pa siya nito pero mabilis siyang nakalayo. Tumawa ito at ipinatong sa mesa ang mga hawak na plastik ng bote ng alak. “Mabuti naman at napabisita ka,” lumapit ito kay Sandra at inakbayan ito.
Nakikita niya ang pagkaasiwa sa mukha ng babae pero hindi naman nito magawang lumayo.
“Narinig kong big time na ang trabaho mo, ah?” sabi pa ni Brian. “Hindi ba dapat may bahagi rin ako sa kinikita mo?”
“Brian, ano ba?” wika ni Sandra. “Marami siyang kailangang paggamitan ng pera.”
“Wala akong pakialam,” sagot ni Brian at tumingin sa kanya. “Anong ginagawa mo dito? Tapos na ba ang pinagagawa sa’yo ni Anthony?”
Bumuntong-hininga siya at ibinaling ang pansin kay Sandra. “Aalis na ako, Ate Sandra. Magkita na lang ulit tayo,” paalam niya dito.
Nakita niya pa ang pagdaan ng kalungkutan sa mga mata nito dahil aalis na siya. Ayaw niya mang iwan ito ay hindi niya naman magagawang tagalan ang presensiya ng pinsan niya. Tumalikod na siya at lumakad palabas. Narinig niya pa ang pagmura sa kanya ni Brian. Hindi niya na lang ito pinagtuunan ng pansin.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now