Chapter 23.4

2.6K 34 0
                                    

NAGULAT si Elij nang madatnan si Matthew sa loob ng bahay nila ng gabing iyon. “A-Anong ginagawa mo dito?” nagtatakang tanong niya sa lalaki.
Ngumiti ito at tumayo mula sa pagkakaupo sa silyang naroroon. “Tiningnan ko lang ang kondisyon ni Sam,” sagot nito. “Nagbaka-sakali rin ako na nandito ka. Mabuti at dumating ka, paalis na sana ako at pupuntahan ka sa bahay ni Thaddeus.”
“Bakit? May kailangan ka ba?”
“Puwede ba kitang makausap? Kahit sandali lang,” sabi nito.
Tumango siya at sandaling nagpaalam sa ina niya. Lumabas sila ng bahay at iginiya siya nito papasok sa sasakyan nito.
Sandaling katahimikan ang bumalot sa loob ng sasakyan. Napasulyap siya dito. Seryoso ang mukha nito. Ano kayang gusto nitong pag-usapan nila ngayon? May masama bang nangyari kay Sam sa pagtingin nito dito kanina? Napuno ng pag-aalala ang puso niya sa kaisipang iyon.
Tumikhim muna ito. “I’ll go straight to the point, Elij,” pagsisimula ni Matthew. “Naaalala mo pa ba ang sinabi ko noong may pangako ako kay Ate Sandra bago siya namatay?”
Tumango siya.
“Iyon ang pangakong tutulungan ko ang mga taong katulad niya… na kasama sa grupong kinabibilangan niya.”
Natigilan siya sa sinabi nito. Tumigil din sa pagtibok ang puso niya. Sinabi ni Sandra dito ang tungkol sa grupo nila?!
“Pina-imbestigahan ko ang buhay ni Ate Sandra,” dugtong nito. “Hindi ko man nalaman kung anong grupo ang tinutukoy niya pero nalaman kong ang malalapit lang na tao sa buhay niya ay ang pinsan mong si Brian, ikaw at si Rachel Leigh. Patay na si Brian kaya sigurado akong kayo ni Rachel ang mga taong tinutukoy niya… mga taong hindi alam ang ginagawa nila at nagpapadala lang sa utos ng Anthony na nabanggit niya.”
Naitaklob niya ang isang kamay sa bibig para pigilan ang sarili sa pag-iyak.
“Tama ako, hindi ba?” tanong pa nito. “Ikaw iyon at si Rachel Leigh? Ang mga taong gustong iligtas ni Ate Sandra sa kamay ng Anthony na iyon.”
Hindi niya nagawang sumagot. Pakiramdam niya ay may nakabarang tinik sa lalamunan niya.
“Alam ba ni Thaddeus ang tungkol dito?” patuloy na pagtatanong nito.
Bigla siyang napatingin dito at marahas na napailing. “M-Matthew, p-please… h-huwag mo munang sabihin sa kanya,” napaiyak na siya.
Tiningnan siya nito ng may talim sa mga mata. “Bakit, Elij? Utos ba sa inyo ng Anthony na iyon na subaybayan si Thaddeus at Christopher?” tumaas na ang boses nito. “Hindi kaila sa akin na may masamang plano ang grupo niyo sa aming lahat. Noong dukutin ako ni Brian, nabanggit niya ang tungkol sa aming mga breakers, at binigyang diin niya si Christopher,” imporma nito sa nangyari dito noon.
Yumuko siya at tuluyan ng napahagulhol. “M-Matthew, parang awa mo na… b-bigyan mo naman kami ng pagkakataon…” Kung makakaluhod lang siya ngayon ay gagawin niya. “H-Hindi ko rin gusto ito. Wa-Wala na akong balak sundin si Anthony. P-Please.”
Humugot ito ng malalim na hininga. “Sino ang Anthony na iyon, Elij? Sino siya? Kahit na anong gawin kong pagpapa-imbestiga sa grupong kinasangkutan ni Ate Sandra ay hindi ko makita kung sino ang Anthony na iyon. Sino siya?”
Patuloy lang siya sa pag-iling. Hindi talaga nito makikita iyon dahil nakagawa na ng paraan si Anthony para maitago ang tunay na pagkatao niya. “H-Hindi ko masasabi sa’yo ngayon, Matthew,” nanginginig na ang boses niya. “Manganganib ang buhay ko, ang buhay ng pamilya ko,” inabot niya ang kamay nito at hinawakan iyon ng mahigpit. “Ipinapangako ko, gagawin ko ang lahat para makahiwalay kay Anthony. Bigyan mo lang ako ng panahon.”
Napapikit ito at ilang ulit na bumuntong-hininga. “Bigyan mo ako ng rason, Elij… isang katanggap-tanggap na rason para pagbigyan kita. Dahil hindi ko mapapalampas kapag may nangyaring masama sa mga kaibigan ko.”
Tumingin siya dito. “Dahil… dahil mahal na mahal ko siya, Matthew,” napahikbi na siya. “Mahal na mahal ko si Thaddeus. At hindi ko hahayaang may manakit sa kanya.”
Napamulat ito, hindi maitatago sa mukha nito ang pagkagulat sa ipinagtapat niya.
Hindi ito nagsalita kaya nagpatuloy siya. “Kahit… kahit na ganito ang pakikitungo niya sa akin ngayon, mahal ko pa rin siya. Kahit na nasasaktan ako kapag may iba siyang babaeng kasama, kahit nahihirapan na ako,” pinunasan niya ang mga luha sa mukha. “I fell in love with someone I shouldn’t love kaya dapat nakahanda na akong masaktan. Kasalanan ko ang lahat ng ito dahil nagpakatanga ako. Patuloy kong itinatanong sa sarili ko kung bakit kailangang siya pa? Why did I end up loving him? Kahit siguro i-untog ko ng ilang ulit ang ulo ko, kahit patuloy kong itanggi, hindi ko na siya magawang ialis sa puso ko.”
Isinubsob niya ang mukha sa dalawang kamay. Bakit ganito ang kinahinatnan niya? Sa kabila ng lahat ng pag-iingat niya? Bakit? Hindi niya maunawaan kung bakit.
Naramdaman niya ang kamay ni Matthew na marahang tumatapik sa likod niya. “Love is always like that,” sabi nito.
Tumingala siya dito at nakita ang bahagyang pag-ngiti nito.
“Ganyan din ang mga tanong ko noon sa sarili ko,” dugtong nito. “Bakit ko minahal si Liezl gayong nasasaktan lang naman ako kapag nakikita siyang nagmamahal ng iba? She’s my best friend and I shouldn’t love her more than that. Pero hindi ko pa rin napigilan ang sarili ko. Mahal na mahal ko siya at tama ang naging desisyon kong ipaglaban ang nararamdaman para sa kanya. Kaya ngayon, masaya na kaming nagsasama,” ngumiti ito. “Falling in love with someone is completely out of our control, Elij.”
Pinilit niya ang sariling ngumiti. Yeah, it was out of their control. Pero sana… sana maging katulad din siya nito at ng asawa nito. Subalit alam niyang hindi magiging madali ang lahat, alam niyang patuloy siyang pagkakaitan ng mundong ito ng kaligayahang nais niya. Ganoon naman talaga ang buhay niya, hindi ba?
“I will give you a chance, Elij,” wika ni Matthew. “You and Rachel Leigh. At alalahanin mo na kapag kailangan niyo ng tulong, nakahanda akong tulungan kayo. Iyon ang pangako ko kay Ate Sandra.”
Tumango siya at buong pusong nagpasalamat dito. Maging kay Ate Sandra ay umusal din siya ng pasasalamat. Kahit wala na ito ay patuloy pa rin sila nitong binabantayan.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now