Chapter 11.3

2.5K 30 0
                                    

NAPATINGIN si Elij kay Thaddeus nang nagmamadali itong lumapit sa telepono. May tinawagan itong ilang tao at sa tingin niya ay importanteng bagay ang pinag-uusapan ng mga ito dahil sa kaseryosohan at pag-aalala sa mukha at tono nito.
Hindi niya makuha ang pinag-uusapan ng mga ito pero sa tingin niya ay mga pulis ang kausap nito. May nangyari ba? Lumapit siya sa sofa at naupo doon habang hinihintay itong matapos sa mga tawag na ginagawa nito.
Mahabang sandali siyang naghintay doon hanggang sa ibaba na nito ang telepono. Tumayo siya at lumapit dito. Mukhang noon lang siya nito napansin.
“Elij,” bati nito sa kanya at naupo sa sofa. Parang pagod na pagod ito at alalang-alala.
“M-May problema ba?” nag-aalangang tanong niya.
Bumuntong-hininga ito at mariing napapikit. “Nawawala si Matthew,” sabi nito. “Kagabi pa namin siya hindi ma-kontak.”
Nagulat siya sa sinabi nito.
“Hindi siya pumasok sa ospital niya kanina at isa pa,” nagmulat ito ng mga mata. “Nakita ng isa sa mga kaibigan ko ang susi ng kotse niya sa parking lot ng condominium place niya. Imposibleng umalis lang siya ng walang paalam, marami siyang responsibilidad dito. Ang hinala namin ay may dumukot sa kanya.”
Nanghihina siyang napaupo sa tabi nito. May dumukot dito? Napakabuting tao nito, sino naman kaya ang gagawa noon?
“Siguradong wala siyang nakaaway, kilala ko siya,” ani pa ni Thaddeus.
Natigilan siya sa sinabi nito. Nakaaway? Biglang bumalik sa alaala niya ang nangyari sa pagitan ni Matthew at ng pinsan niyang si Brian. Posible kayang ito ang dumukot kay Matthew? Alam niya ang takbo ng utak ng pinsan niya, hindi nito agad-agad pinalalampas ang mga taong bumabangga dito. Nakaramdam siya ng matinding takot sa kaisipang iyon. Paano kung may gawin itong masama kay Matthew?
Natutop niya ang sariling bibig. Alam niyang nanginginig na siya sa takot. Sigurado siyang si Brian lang ang may kakayahang gumawa noon, lalo na kung tutulungan ito ni Anthony.
“Elij,” narinig niyang tawag sa kanya ni Thaddeus. “What’s wrong?” may pag-aalala na sa tono nito.
Tumingin siya dito, may luha na sa mga mata niya. “S-Si Kuya Brian… b-baka si Kuya Brian ang… ang dumukot sa kanya, Thaddeus,” tuluyan na siyang napaiyak. Kailangan niyang sabihin dito iyon, kailangan niyang matulungan si Matthew. Habang-buhay siyang kokonsensiyahin kung hahayaan niya lang na mapahamak ito sa kamay ng pinsan niya gayong mayroon naman siyang magagawa para mailigtas ito. Screw everything for now; she needed to help the man who helped her brother.
“Sinong Brian?” tanong ni Thaddeus.
“P-Pinsan ko siya,” humugot siya ng malalim na hininga at ikinuwento dito ang nangyari sa isang bar na iyon sa pagitan ni Brian at ni Matthew. Seryoso lang namang nakikinig si Thaddeus sa lahat ng sinasabi niya. “Kilala ko si Kuya Brian, alam kong siya lang ang puwedeng gumawa nito,” napahikbi siya. “Thaddeus, please hanapin mo si Matthew. Hindi ko mapapayagang gawan siya ng masama ng isa sa kapamilya ko. Napakabuti niya sa akin.”
Hinigit siya nito at niyakap ng mahigpit. Marahan nitong tinapik ang likod niya para patahanin siya. “Alam mo ba kung nasaan ang pinsan mo ngayon?” tanong nito.
Umiling siya. “Hindi ko alam kung saan siya tumutuloy dito, imposibleng pumunta pa siya sa bahay niya sa Cebu,” sinabi niya pa rin dito ang address niyon. “Hindi ko alam, Thaddeus,” napahagulhol na siya sa dibdib nito. Hindi niya alam kung ano pa ang dapat sabihin dito. Hanggang patungkol lang kay Brian ang dapat, hindi na nito dapat malaman ang iba pang mga bagay.
“Ssshhh…” patuloy na pagpapatahan nito sa kanya. “It’s okay, mahahanap din natin sila. Ipagdasal na lang natin na walang mangyaring masama kay Matthew,” bumuntong-hininga ito. “May iba pa bang kasama ang Kuya Brian mo?”
Natigilan siya sa tanong na iyon. Si Ate Sandra! Pero hindi na nito kailangang malaman ang tungkol doon. Hindi puwede! Siguradong siya naman ang mapapahamak at ang pamilya niya kapag nagsalita pa siya. Marahan siyang umiling. “Wala na,” pagsisinungaling niya. Bahagya siyang lumayo dito at tiningnan ang nag-aalala nitong mukha. “Kapag… tumawag sa akin si Kuya Brian, sasabihin ko sa’yo.” Kailangan niya ring tawagan si Sandra para magbaka-sakaling alam nito kung nasaan si Brian.
Tumango ito at hinaplos ang mukha niya. “Magpahinga ka na. Kami na ang bahala dito.”
Tumango din siya at tumayo. Lumakad siya patungo sa hagdan, muli siyang lumingon dito na nasa telepono na naman. Umaasa siyang makatulong ang paghahanap kay Matthew kahit sa simpleng kaalamang ipinagkaloob niya dito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now