Chapter 15.3

2.4K 23 0
                                    

PASADO alas-dos na ng hapon nang muling magising si Elij mula sa mahimbing na pagkakatulog. Napabalikwas siya ng bangon. Hindi niya inaasahang makakatulog siya ng ganoong katagal, masyado siguro talaga siyang napagod nitong nakaraang mga araw.
Tinatamad pa siyang tumayo at tinungo ang banyo para mag-ayos ng sarili. Nang matapos siya at makalabas ng kuwarto ay agad siyang tumungo sa ibaba para alamin kung naroroon si Thaddeus.
Agad niya naman itong nakita sa sala na nanonood ng T.V. Pero ang ikinagulat niya ay ang dami ng kalat na naroroon. Nagkalat doon ang mga balat ng chips at iba pang pagkain, may mga punit-punit ding diyaryo at magazines.
Galit na galit siyang lumapit sa harapan nito at hinarangan ang panonood nito sa T.V. “Ano ang kalat na ito, Thaddeus?!” singhal niya dito. “Pahihirapan mo ba talaga si Manang Luisa?”
Umisod ito ng upo para makita ang palabas sa telebisyon. “Di ikaw ang maglinis,” sagot nito.
“Ano?!” kinuha niya ang remote na nasa mesa at ini-off ang T.V. “Linisin mo ang lahat ng ito. Hindi ka na bata.”
“Ayoko nga,” sagot nito at kinuha ang isang nakabukas na plastic ng chips sa tabi. Mas lalong tumindi ang inis niya nang isaboy nito ang laman niyon sa sahig.
“Ano ba, Thaddeus?!” bulyaw niya dito. “Bakit ka ba nagkakaganyan?!”
Tiningnan siya nito. “Malungkot kasi ako.”
Hindi niya ito maintindihan. “Ano? Bakit ka naman malulungkot?”
“Kasi hindi mo ako pinapansin kanina.”
Naihilamos niya ang isang kamay sa mukha. “Ganoon? Mas lalong hindi kita papansinin kapag patuloy mong ginawa ang mga bagay na iyan.”
Tumuwid ito ng pagkakaupo. “Hindi mo na ako de-deadmahin kapag nilinis ko ito?”
Tinatamad niya itong tiningnan. “Kinakausap na kita, hindi ba?” Bakit ba sobrang kulit ng lalaking ito? Daig niya pa ang nag-aalaga ng isang dosenang bata.
Ngumiti ito at mabilis na kumilos para linisin ang mga kalat na ginawa nito. Napailing na lang siya at tinulungan na rin ito. Maya-maya ay lumapit ito sa kanya na may hawak na isang paper bag. Inabot nito iyon sa kanya.
“Ano na naman ito?” nagtatakang tanong niya dito.
“It’s a dress,” sagot nito. “May dadaluhan akong formal party mamaya. Kailangan mo akong samahan.”
Formal party? Anong gagawin niya doon? She’d never been to those kinds of events, siguradong ma-a-out of place lang siya. Pero ano bang magagawa niya? Kailangan niyang gawin ang trabahong bantayan ito, hindi naman siya puwedeng magpa-iwan.
“I want you to look more beautiful tonight, okay?” sabi pa nito. “Be ready at seven,” iyon lang at nagpatuloy na ito sa paglilinis.
Tinitigan niya ang paper bag na hawak at parang pagod na pagod na napabuntong-hininga.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now