Chapter 27.1

2.5K 28 0
                                    

“THADDEUS,” banggit ni Elij sa pangalan ng lalaki nang makita ang pagpasok nito sa loob ng gusaling iyon. Anong ginagawa nito dito? Paano nito nalaman na naririto siya?
Napatingin siya sa lalaking may hawak kay Sam nang marinig ang pagkasa nito ng baril. Itinapat nito ang baril sa ulo ng kapatid.
“H-Huwag…” puno ng takot na wika niya. Tuluyan ng tumulo ang mga luha sa mukha niya. Ano ba ito? Ano bang nangyayari? Kung masamang panaginip lamang ito ay gusto niya ng magising.
“Elij…” napalingon siya kay Thaddeus nang marinig ang pagtawag nito sa kanya. Humakbang ito palapit sa kinaroroonan niya. Gusto niyang tumakbo patungo dito ng mga oras na iyon.
“Diyan ka lang, Attorney,” pigil dito ni Drake. Ngumisi ito at binunot ang baril na nasa likod nito. Ikinasa nito iyon at iniabot sa kanya.
Gulat siyang napatingin dito.
“Gusto mong iligtas ang kapatid mo, hindi ba?” tanong ni Drake sa kanya. “Puwes, barilin mo ang lalaking iyan. Iyon naman ang misyon mo, hindi ba? Kaya ka lumapit sa kanya para subaybayan siya at ilapit siya sa amin upang magawa naming tapusin ang buhay niya.”
Parang gumuho ang buong mundo niya ng mga oras na iyon. Hindi niya magawang tumingin kay Thaddeus. Hindi. Hindi nangyayari ang mga ito.
“Elij, look at me,” narinig niyang utos ni Thaddeus.
Pinilit niya ang sariling tingnan ito, puno ng pagsisisi ang mga mata niya. Sa halip na galit ay pang-unawa ang nakikita niya sa mga mata ng lalaki. Bakit? Bakit hindi ito nagagalit sa kanya?
“Shoot him, Elij!” sigaw ni Drake. “O mamamatay ang kapatid mo!” lumapit ito sa lalaking may hawak sa kapatid at inagaw dito ang baril. Ito na mismo ang humawak sa kapatid niya.
Hindi niya na alam ang gagawin. Alam niyang hindi ito magda-dalawang-isip na patayin ang kapatid niya. Alam niya kung gaano ito kasama. Hindi niya magawang makapag-desisyon. It was like she was stuck between the devil and the deep blue sea. Ano ba itong nagawa niya? Bakit niya pinapahirapan ang mga taong ito samantalang siya naman ang gumawa ng mali?
Tiningnan niya ang baril na nasa kamay. Kung pipiliin niya si Thaddeus, siguradong mamamatay ang kapatid niya. Sigurado ring patuloy siyang hahabulin ng mga ito at patuloy na mapapahamak ang buhay nila.
Sumulyap siya kay Rachel Leigh na nananatili lang nakatayo. Alam niyang hindi rin nito alam ang gagawin. Iligtas mo siya, Rachel. Parang awa mo na, iligtas mo siya.
Nanlabo na ang mga mata niya dahil sa luha. I love you so much, Thaddeus. Tiningnan niya ang lalaking minamahal niya ng sobra-sobra. “I’m sorry,” she mouthed. Nakita niya ang kalungkutang bumahid sa mukha nito.
She raised the gun on her left hand and pulled the trigger. Kitang-kita niya ang pagtama ng bala sa kanang balikat nito at pagbagsak nito sa sahig. Gusto niya ng mag-collapse ng mga oras na iyon pero pinilit niyang patatagin ang sarili. Ibinagsak niya ang hawak na baril at lumapit sa kinatatayuan ng kapatid.
Marahas niyang inagaw kay Drake si Sam at kinarga ito. Tumakbo na siya palabas ng lugar na iyon. Hindi pa siya nakakalayo ay ibinaba niya na si Sam at bumagsak ng upo sa lupa. Doon na siya humagulhol ng iyak. “Thaddeus… I’m sorry… I’m sorry…”
Lumapit sa kanya si Sam at niyakap siya ng mahigpit. Sobrang sikip na ng puso niya, hindi niya na gustong mabuhay. Mahal na mahal niya ito pero ito lang ang tanging paraan para mailigtas silang dalawa. Alam niyang hindi niya ito napuruhan. Si Rachel na lang ang tanging aasahan niya.
Mahal na mahal kita, Thaddeus. Mahal na mahal. Patawarin mo ako, kailangan kong gawin iyon.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz