Chapter 16.2

2.5K 36 0
                                    

NAPATIGIL si Elij sa pagbabasa ng magazine na hawak niya nang makita ang pagbukas ng pinto ng opisina ni Thaddeus sa firm nito. Nakita niya ang paglabas nito at ng kanina pa nitong kausap na kliyente.
“Merci pour tout,” wika ni Thaddeus sa wikang Pranses at kinamayan ang lalaki.
Tumango naman ang kliyente nito at nagpaalam na. Pagkaalis nito ay mabilis na lumapit sa kanya si Thaddeus at tumabi sa kinauupuan niyang couch. Hindi niya ito pinagtuunan ng pansin at kinuha ang cup ng kape na nasa mesang nasa gilid ng couch. Kailangan niyang uminom noon para manatiling gising dahil napuyat siya ng nagdaang gabi sa kalokohan ng lalaking ito.
“Maayos na ba ang paa mo?” tanong nito at inagaw ang kapeng iniinom niya. Ito ang uminom niyon.
“Ano ba, Thaddeus? Hindi mo ba nakitang umiinom ako?” pagalit niya dito. “Wala ka bang pinag-aralan?”
Ngumiti lang ito at ibinalik sa kanya ang nainuman na nitong kape. Kinuha niya iyon at ibinalik sa mesa. Wala na siya sa mood uminom.
“Gusto mo bang makarinig ng joke tungkol sa basketball?” tanong pa nito.
“Ayoko,” direktang sagot niya.
Lumungkot ang mukha nito. “Bakit ayaw mo?”
“Kasi alam kong hindi ako matatawa diyan. Puwede ba, Thaddeus? Kumilos ka naman ng angkop sa edad mo.”
Bumuntong-hininga ito at sumandal sa couch. “Malapit na ang Pasko. Dalawang linggo na lang,” pagpapalit nito sa usapan na para bang hindi narinig ang sinabi niya.
Napailing na lang siya. “Ano ngayon kung malapit na ang Pasko?”
“Marami na namang handaan,” sagot nito.
Puro pagkain na lang talaga ang nasa isip nito.
Humarap ito sa kanya. “Punta tayo sa pamilya mo ngayon,” sabi pa nito.
Napatingin siya dito, nagtataka. “Bakit naman?”
Nagkibit-balikat ito. “Wala lang. Miss ko na ang mga kapatid mo. Ayaw mo ba silang bisitahin?”
“Siyempre, gusto ko,” mabilis na sagot niya. “Ngayon na ba tayo aalis? Wala ka ng trabaho?”
Sumulyap ito sa wristwatch na suot. “May hinihintay pa akong isang kliyente. Pagkatapos noon, puwede na tayong umalis.”

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonKde žijí příběhy. Začni objevovat