Chapter 10.1

2.5K 25 0
                                    

NAPATINGIN si Elij sa cell phone niyang nasa ibabaw ng kama nang tumunog iyon. Katatapos niya lang patulugin si Sam ng mga oras na iyon. Kinuha niya ang phone at binasa ang mensaheng naroroon.
Napabuntong-hininga siya nang makitang galing iyon sa pinsan niyang si Brian. Nakalagay doon na gusto daw siya nitong makita. Hindi niya na iyon sinagot. Aktong bibitawan niya na ang cell phone nang muli iyong tumunog. Isa na namang mensahe mula dito.
Napatayo siya nang mabasang may kailangan daw itong sabihin tungkol kay Sandra. Bigla ang paglukob ng kaba sa pagkatao niya. May nangyari ba dito?
Mabilis niyang kinumutan si Sam at nagmamadaling lumabas ng bahay. Hindi na siya nagpaalam sa ina dahil baka natutulog na ito. Pumara siya ng taxi at sinabing dalhin siya nito sa Niel’s Bar kung saan naroroon si Brian.
Pagkarating sa bar na iyon ay agad na hinanap ng mga mata niya ang pinsan. Nakita niya ito sa isang table doon na mag-isang umiinom ng alak.
“Anong nangyari kay Ate Sandra?” tanong niya nang makalapit dito.
Tumingin ito sa kanya at umismid. “Sinasabi ko na nga bang mabilis pa sa alas-kuwatro na pupunta ka dito kapag ginamit ko ang pangalan ni Sandra,” napailing ito. “Walang nangyari kay Sandra.”
Niloko lang siya nito, ganoon ba? Napapikit siya. “Ano na namang kailangan mo?” pigil ang galit na tanong niya.
“Kailangan ko ng pera,” walang palyang sagot nito na para bang isa siyang bangko na agad-agad maglalabas ng pera kapag kailangan nito.
“Na naman? Para saan? Para sa mga alak mong ito?” tukoy niya sa mga bote ng alak na nasa mesa nito. “Kuya Brian naman, kailangan ko din ng pera para sa patuloy na paggaling ng kapatid ko. Wala akong maibibigay sa’yo ngayon.”
Tinabig nito ang mga boteng nasa mesa at nabasag ang mga iyon sa paanan niya. Tumayo ito at mahigpit na hinawakan ang braso niya. Napangiwi siya sa sakit. Alam niyang pinagtitinginan na sila ng ilang mga tao sa bar na iyon.
“Anong sinasabi mong wala kang maibibigay?! Alam kong malaki ang kinikita mo sa pagiging bodyguard ng abogadong iyon!” bulyaw nito.
“Hindi ka ba marunong umintindi na ginagastusan ko rin ang mga kapatid ko?”
“Bakit kasi hindi mo na lang hayaang mamatay ang kapatid mong may sakit? Para mabawasan na ang pinagkaka-gastusan mo,” tumawa pa ito ng nakakaloko.
“Bakit hindi ikaw ang umuna?” sagot niya dito. Kung maaari nga lang siyang pumatay ng tao ay nagawa niya na. Ang hindi niya mahahayaan ay pagsalitaan nito ng ganoong mga bagay ang kapatid niya.
“Aba’t walang hiya ka!” itinaas nito ang isang kamay para sampalin siya nang biglang may pumigil dito.
“That’s not a very good way to treat a lady,” ani ng isang pamilyar na boses ng lalaki. Nagulat siya nang makitang si Matthew iyon. Hinawakan siya nito palayo kay Brian. Anong ginagawa nito dito?
“M-Matthew…” banggit niya sa pangalan nito.
Hinawakan nito ang braso niyang may pasa na dahil sa pagkakahawak kanina ni Brian. “Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong nito.
“At sino naman ang lalaking iyan, Elij?” narinig nilang tanong ni Brian. Napatingin sila dito. “Boyfriend mo?” patuloy nito. “Kaya pala hindi mo magawa ng ayos ang trabaho mo dahil puro kalandian ang inaatupag mo.”
“Magkano ang kailangan mo?” tanong dito ni Matthew.
Gulat siyang napatingin dito. Napahagalpak naman ng tawa ang pinsan niya.
“Mukhang ayos itong nabingwit mo ngayon, ah?” sabi ni Brian sa kanya. “Magkano ba ang kaya mong ibigay?”
Inilabas ni Matthew ang wallet nito at iniabot kay Brian ang lilibuhing pera na naroroon.
“Matthew, please…” awat niya dito. Hindi nito dapat ginagawa iyon.
Mabilis na kinuha ni Brian ang pera at isinuksok sa sariling bulsa. Nilagok nito ang alak na nasa baso nito at muling tumingin sa kanila. “Hanggang sa muli nating pagkikita,” paalam nito kay Matthew. “Pagbutihan mo ang trabaho mo, Elij,” pagkasabi noon ay tuluyan na itong lumabas ng bar.
Hindi pa rin siya makahuma sa nangyari. Tumingin siya kay Matthew. “Hindi mo na dapat ginawa iyon,” aniya. “Kaya ko naman siyang pakiusapan.”
“Sinasaktan ka niya,” sabi nito. “Sino ba iyon?”
Yumuko siya. “Siya si Kuya Brian, pinsan ko. Siya na ang kumupkop sa amin simula ng mamatay ang ama ko at maparalisa si Inay,” nag-aalala siyang nag-angat ng tingin dito. “Hindi ka na lang dapat nakialam, Matthew. Hindi mo alam kung ano ang puwede niyang gawin sa’yo.”
“Huwag kang mag-alala,” pagpapakalma nito. “Sabihin mo lang sa akin kapag ginugulo ka pa niya, o ‘di kaya ay kay Thaddeus, sigurado akong matutulungan ka niya.”
“A-Anong ginagawa mo dito?” tanong niya. Bakit sa dami-rami ng tao ay ito na naman ang tumulong sa kanya. Napakarami niya ng utang na loob sa lalaking ito, hindi lang dito kundi maging kay Thaddeus.
“Naisipan kong uminom ngayong gabi,” sagot nito. “Pag-aari ang bar na ito ng kaibigan kong si Daniel Fabella kaya dito ako napagawi. Mabuti na nga lang at dito ako napunta at nakita ka.”
Tiningnan niya ito. Mukhang problemadong-problemado ito pero hindi niya na nagawang itanong ang patungkol sa bagay na iyon dahil agad na itong nagpaalam at umalis.
Naiwan lang siya doong nakatulala, may pag-aalala pa rin sa puso. Kilala niya si Brian, hindi nito pinalalampas ang mga taong bumabangga dito. Ano ba naman itong dinala niya sa mga taong patuloy na tumutulong sa kanya?

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now