Chapter 4.1

3K 60 1
                                    

PAGKATAPOS magpalit ng damit pambahay ay muling bumaba si Elij para hugasan ang mga pinagkainan nila kanina. Naninibago pa rin siyang manirahan sa lugar na ito pero alam niyang masasanay din naman siya.
Pagkatapos niyang maghugas ay naglakad-lakad muna siya. Tahimik ang buong bahay at hindi niya naman makita si Thaddeus. Tulog na kaya ito? Ang aga naman ‘ata.
Napatigil siya sa paghakbang nang makita ang isang pinto na nakabukas. Sumilip siya doon at napag-alaman na isa iyong private bar. May ilang tables doon at mga sofas. Talaga palang halos lahat ay nasa bahay na ito na.
Pumasok siya sa loob niyon at nakita sa isang table doon si Thaddeus. He was drinking canned beers. Aktong tatalikod na siya nang marinig ang pagtawag nito sa pangalan niya.
Marahan siyang lumingon dito. Ngumiti ito at niyaya siyang umupo sa tabi nito. Sumunod na lang siya.
“Bakit ka umiinom?” tanong niya nang makaupo. Inalok siya nito ng isang beer pero tumanggi siya. Hindi siya sanay uminom.
“Ganito talaga ako kapag hindi ako makatulog,” sagot nito at muling tinungga ang beer na hawak. “Masyadong stressed sa trabaho,” dugtong pa nito.
Tumango-tango siya. “Mahirap siguro talaga ang trabaho mo, ano? Ang maging abogado.”
He gave her a lopsided grin. “Mahirap talagang maging abogado. Pero wala namang mahirap kung gusto mo ang ginagawa mo, ‘di ba?” nagkibit-balikat ito. “Kahit madalas kinamumuhian ako ng ibang tao dahil abogado ako, ayos lang. Makapal ang mukha naming mga abogado at lagi kaming nakahandang lumaban,” tumawa pa ito. “Pero isa sa magandang dulot ng pag-aabogado ko ay mas maraming babaeng lumalapit sa akin. Gusto ng mga babae ang abogado,” kumindat pa ito sa kanya.
Inirapan niya ito. “Hindi ako.”
“Really?” may panunudyo pa sa tono nito.
Tiningnan niya ito ng masama. “Hindi ako nadadala sa propesyon ng isang lalaki o kahit pa sa kaguwapuhan nito.”
“Oh,” may naglalarong ngiti sa mga labi nito. “So sinasabi mong guwapo ako?”
Napipilan siya sa tanong nito. Hindi niya alam ang isasagot. Ayaw niyang magsinungaling, guwapo naman talaga ito.
Tumawa ito. “Alam mo, minsan gusto ko ring gumawa ng isang krimen kahit abogado ako,” sabi nito.
Napatingin siya dito. Ano namang pinagsasasabi nito?
“Gusto kong patayin ang pinaka-guwapong nilalang sa balat ng lupa,” pagpapatuloy nito. “Pero ayoko namang kitilin ang sarili kong buhay, wala ng pagkakaguluhan ang mga babae sa mundo,” sinundan pa nito iyon ng malakas na tawa.
Napanganga na lang siya sa kayabangan nito. Sadya bang hindi ito matinong kausap? Naghihinala na tuloy siya kung abogado ba itong talaga. Ano kayang sinasabi nito sa loob ng korte? Puro kayabangan din?
Ngumiti ito. “Hindi naman puro kayabangan lang ang alam ko, sweetie,” anito.
Mangha siyang napatingin dito. Nakakabasa ba ito ng isipan? Teka, tinawag ba siya nito ng ‘sweetie’? Aba’t sumosobra na talaga ito! Anong akala nito sa kanya? Isa sa mga babae nito?
Bumuntong-hininga siya para kalmahin ang sarili. Palalampasin niya ito ngayon.
Inilipat nito ang tingin sa lata ng beer na hawak. “Though I was born with money, I also had a tough time before I reached this state. Marami rin akong pinagdaanan bago maging ganitong klase ng abogado, pero hindi ko na masyadong iniisip iyon. I’m doing well and sitting pretty and that’s all that matters.”
Napatitig siya dito. Siguro ang tinutukoy nitong hirap na pinagdaanan ay ang pagkamatay ng ina nito. Gusto niyang magtanong pero alam niya namang hindi dapat. Pribadong buhay na nito iyon.
“Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para maipagtanggol ang mga taong nararapat, iyon ang ipinangako ko sa sarili ko,” pagpapatuloy nito. “Hindi ako gagaya sa mga abogadong walang ibang inisip kundi ang magka-pera at gumawa ng kasinungalingan.”
Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay may galit siyang nahimigan sa tono nito. Pero hindi niya na iyon napagtuunan ng pansin nang bigla silang makarinig ng pagtunog ng cell phone.
Kinuha ni Thaddeus ang cell phone nito sa bulsa ng suot nitong pantalon at sinagot ang tawag. “Jeremy,” anito. Ilang sandali itong nakinig sa kabilang linya. Kumunot ang noo nito. “Keira Alvarez?” sabi pa nito.
Bigla siyang napatingin dito. Keira Alvarez? Hindi ba ito iyong kapatid ng kaibigan ni Anthony na si Anderson Alvarez na ipinapahanap sa kanya? Hindi niya masyadong napagtuunan ng pansin ang bagay na iyon nitong nakaraang mga araw.
“Sige pare, maaasahan mo ako,” pagtatapos ni Thaddeus sa pakikipag-usap sa Jeremy na iyon.
“Bagong kliyente?” tanong niya para masubukang makakuha ng impormasyon kung bakit binanggit nito ang pangalan ni Keira Alvarez.
Tumingin ito sa kanya at umiling. “Jeremy Fabella is one of my friends. Humihingi siya ng tulong patungkol sa kaso ng pagkamatay ng mga magulang nitong babaeng kinahuhumalingan niya. Si Keira Alvarez,” napailing pa ito. “Mukhang patay na patay talaga si Jeremy sa babaeng iyon. I met her in Hacienda Fabella and she’s a real beauty.”
Hacienda Fabella? Hindi ba at magkalapit lang ang Hacienda Fabella at Hacienda Alvarez sa Cebu? Anong ginagawa ng Keira na iyon sa Hacienda Fabella at pinagtataguan ang sariling kapatid?
“Kaso?” tukoy niya sa sinabi nito kanina.
Tumango ito. “Sabi ni Jeremy,” pagsisimula nito sa pagku-kuwento. Nagpapasalamat siya dahil napakabilis nitong mag-kuwento ng mga bagay-bagay. May maitutulong rin naman pala sa kanya ang pagka-madaldal ng lalaking ito. “May pinagtataguan daw itong si Keira, ang adopted brother niyang si Anderson na gustong ipahamak si Keira. Ito rin ang nagnakaw ng Hacienda Alvarez sa pangangalaga ni Keira.”
Nagulat siya sa sinabi nito. Hindi tunay na kapatid ni Anderson si Keira? At gumagawa ito ng masama para makuha ang hacienda? Kaya siguro nagtatago na itong si Keira dahil sa takot sa kapatid.
“Kaya kukuha na ng warrant of arrest ang isa ko pang kaibigan na si Rafael Choi para mahuli ang mga iyon,” pagpapatuloy ni Thaddeus. “At kung sakaling may mahuli pang kasabwat ang mga iyon, mas maayos.”
Natigilan siya sa sinabi nito. Kapag nangyari iyon, posibleng mapahamak si Anthony at ang grupo nila. Kailangan niyang sabihin ito kaagad dito para makapag-handa ito.
“I need to go to Cebu tonight,” narinig niyang wika pa nito. “At kakausapin ko rin si Rafael.”
Napatingin siya dito. Pupunta agad ito sa Cebu? Hindi man lang ba ito magpapahinga?
Ngumiti ito. “Ako na lang muna ang pupunta,” dugtong nito. “Magpahinga ka na lang muna dito, ayokong pagudin ka sa unang araw mo,” lumapit ito sa kanya at mabilis na ginawaran ng halik ang pisngi niya.
Hindi niya napaghandaan ang ginawa nito kaya hindi kaagad siya nakagalaw. Hinaplos niya ang pisngi at bumahid ang galit sa mga mata niya. Bago pa niya maibuka ang bibig ay mabilis na itong nakatayo at nagtatakbo palabas ng lugar na iyon.
Naiinis niyang pinukpok ng kamay ang mesang nasa harap. Nanakawan kaagad siya ng halik ng lalaking iyon sa unang araw niya dito? Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Hindi niya alam kung hanggang saan pa ang titiisin niya sa kalokohan ng lalaking iyon. Hindi niya rin alam kung ano pa ang mananakaw nito sa kanya sakaling hindi siya mag-iingat.
Ilang sandali niyang kinalma ang sarili bago lumabas ng private bar na iyon at tumungo sa sariling kuwarto. Doon ay inilabas niya ang cell phone at tinawagan si Anthony. Ipinaalam niya dito ang lahat ng nangyari at sinabi nitong gagawa ito ng paraan para malusutan ang bagay na iyon.
Alam niyang hindi ito magdadalawang-isip na ibagsak ang kaibigan nitong si Anderson kapag lumala na ang lahat. Hindi man niya gustong madamay sa gulong ito ay wala naman siyang magagawa kundi ang sumunod sa lahat ng pinag-uutos sa kanya, kahit na labag pa ito sa paniniwala at kalooban niya.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon