Chapter 12.3

2.4K 31 0
                                    

NAPATIGIL sa paglabas ng sasakyan sina Elij at Thaddeus nang makarinig ng isang malakas na putok ng baril mula sa isang parte ng islang iyon sa Palawan kung saan naroroon sina Matthew at Sandra.
Napatingin siya kay Thaddeus na nasa mukha din ang pagkagulat. Nakita niya ang pagtakbo ng mga pulis na kasama nila papunta sa pinanggalingan ng putok. Hindi na siya nagdalawang-isip at sumabay na rin sa pagtakbo. She was holding a .45 caliber gun on her left hand.
Nalaman ba ni Brian na naririto si Sandra? Lumukob ang kaba sa puso niya nang muling makarinig ng magkasunod na putok ng baril.
Natanaw niya ang pagbagsak ng isang bulto ng katawan sa buhanginan doon. Agad niyang nakilalang ang pinsan niyang si Brian iyon, sumisigaw ito dahil sa tama ng bala sa binti. Napasulyap siya sa isang parte ng lugar na iyon at nahagip ng tingin niya hindi kalayuan sa kanila ang bulto ng katawan na nagbaba ng hawak na baril at tumalikod.
Rachel Leigh, naisip niya. Sigurado siyang ito ang bumaril kay Brian. Hindi niya alam na naririto na rin ito sa Palawan. Muli siyang napatingin sa pinsan nang magmura ito, pilit nitong inaabot ang baril na nasa buhanginan.
“Stop it,” aniya. “Tigilan mo na ito, Kuya Brian,” lumapit siya kay Matthew na nakaupo sa buhanginang iyon, kalong nito ang duguang katawan ni Sandra. Ganoon na lang ang takot sa puso niya nang mapansin na hindi na humihinga ang babae. Paano nangyari ito?
“Walang hiya ka, Elij! Paano mo nagawa sa akin ito?!” sigaw ni Brian. “Hayop ka! Wala kang utang na loob!”
Hindi niya na nagawang intindihin ang pinagsasasabi nito dahil natuon na ang atensiyon niya kay Sandra at Matthew. “Ayos ka lang ba, Matthew?” nag-aalalang tanong niya sa lalaki. “Pasensiya ka na sa lahat ng ito.”
Umiling ito. “Hindi mo ito kasalanan,” mahinang wika nito. Alam niyang hindi pa rin nito matanggap ang lahat dahil maging siya ay hindi rin.
Muli siyang tumingin sa walang buhay na katawan ni Sandra at namukal ang luha sa mga mata niya. Sigurado siyang si Brian ang may kagagawan ng lahat ng ito. Nakita siguro ni Rachel Leigh ang nangyari kaya nagawa nitong barilin si Brian. Rachel never shot anyone without reason. Siguradong galit na galit ito sa nangyari kay Sandra.
“Kilala mo siya?” narinig niyang tanong ni Matthew.
Tumango siya at pinunasan ang mga luha sa mukha. “Kaibigan siya ni Kuya Brian, madalas niya kaming bisitahin sa bahay. She’s been very good to us.”
“I’m sorry,” bulong nito.
Tumingin siya dito. Kitang-kita sa itsura nito ang paghihirap at kalungkutan. Si Sandra ang nagligtas dito sa kamay ni Brian at siguradong napakasakit dito na makitang wala na ito. “No, I’m sorry,” sabi niya. “Naging napakabait mo sa akin, tapos ganito lang ang igaganti ng pamilya ko.”
Tumingin ito sa kanya. “It’s alright,” sabi nito at muling ibinalik ang tingin kay Sandra. Ilang sandali nitong pinagmasdan ang babae at marahang hinaplos ang mukha nito. “Tutulungan ko sila, Ate Sandra. Pangako.”
Hindi niya magawang intindihin ang huling sinabi nito. Napatingin siya sa kamay na humawak sa balikat niya. It was Thaddeus’. Malungkot itong nakatingin kay Matthew at kay Sandra.
Tumayo siya at lumapit dito. Hinaplos nito ang mukha niya.
“I’m sorry, hindi natin nagawang iligtas ang kaibigan mo,” mahinahong sabi nito.
Pinigilan niya ang sariling muling umiyak. “Siguradong masaya siya dahil nailigtas natin si Matthew,” pumiyok pa siya.
Kinabig siya nito at niyakap ng mahigpit. Hinayaan niya na lang ang sariling magpatangay dito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now