Chapter 23.1

2.6K 27 0
                                    

TATLONG araw na ang lumipas pero hindi pa rin pinapansin ni Thaddeus si Elij. Hindi niya maintindihan kung bakit tumagal ng ganoon ang galit nito sa kanya. Kahit ilang beses siyang humihingi ng tawad dito ay hindi naman nito iyon pinagtutuunan ng pansin. Hindi na rin siya nito isinasama sa trabaho nito.
Nahihirapan na siya sa sitwasyon nilang iyon, nasasaktan na siya. Hindi niya alam pero pakiramdam niya ay nagbago na ito, nagbago na ito ng pakikitungo sa kanya. He was not that same man she knew. Dahil lang ba iyon sa nagawa niyang kasalanan dito? Pero bakit?
Pinunasan niya ang mga luha at tumingin sa telebisyong nasa harap. SpongeBob na ang susunod na palabas. Siguradong malapit na itong umuwi, hindi nito pinalalampas ang paborito nitong palabas.
Hindi nga siya nagkamali nang makita ang pagbubukas ng pinto at pagpasok nito. Tumayo siya at lumapit dito. Pinilit niya ang sariling maging masigla sa harapan nito.
“Thaddeus, SpongeBob na ang palabas sa T.V.,” sabi niya. “Gusto mo bang manood? Kung gusto mo rin ng makakain, puwede akong—”
“Wala ako sa mood manood,” anito at nilampasan na siya. Walang lingon-likod itong tumuloy sa hagdan at umakyat paitaas.
Muli na namang tumulo ang mga luha niya habang nakasunod ang tingin dito. Lumapit siya sa T.V. at ini-off iyon. Hinang-hina pa siyang umakyat sa hagdan para tumungo sa sariling kuwarto. Gusto niyang makatulog na para makalimutan ang sakit na nararamdaman.
Napatigil siya sa paghakbang nang mapatapat sa kuwarto ni Thaddeus. Lumukob ang inis sa puso niya nang marinig ang tunog ng telebisyon mula doon. Galit na galit siyang dumiretso sa sariling kuwarto at pabalibag na isinara ang pinto. Hindi sa wala sa mood itong manood, ayaw lang talaga siya nitong makasama! Bakit ba nagkakaganito ito?! Bakit ba nagbago na lang itong bigla?! Bakit pakiramdam niya ay napakatindi ng galit nito sa kanya?
Hindi niya na kaya ang ganito. Miss na miss niya na ito. Hinahanap-hanap niya na ngayon ang kadaldalan nito at ang mga panloloko nito sa kanya. Bakit lumalayo na ito sa kanya kung kailan gusto niya ng lapitan ito?

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now