Chapter 3.1

3K 43 0
                                    

NAPATINGIN si Elij sa kapatid niyang si Gaile nang lumapit ito sa kanya. “Aalis ka, Ate?” tanong nito.
Kasalukuyan siyang naglalagay ng ilang mga damit niya sa loob ng isang traveling bag. Ngumiti siya at sumulyap sa ina niyang nasa may pinto ng kuwarto niya sana doon. Hindi ito nagsasalita pero alam niyang gusto rin nitong malaman ang dahilan ng pag-eempake niya.
“Nakahanap na ako ng magandang trabaho, Nay,” wika niya at muling ibinalik ang pansin sa pag-e-empake. “Malaki ang kikitain ko at siguradong matutustusan ko na ang lahat ng pangangailangan natin,” tumingin siya sa kapatid na si Gaile. “Hindi mo na rin kailangang tumigil dahil mapag-aaral na kita.”
Kumislap ang mga mata ng kapatid sa sinabi niya. “Talaga, Ate?” malawak itong ngumiti at niyakap siya ng mahigpit. “Thank you!”
Niyakap niya rin ito. Napatingin naman siya sa isa pang kapatid na si Sam nang pumasok ito ng kuwarto dala ang laruan nitong eroplano – may kalumaan na iyon. Lumapit ito sa kanya.
“Ako, Ate?” wika nito. “Pa… papasok na rin ako?”
Hinaplos niya ang pisngi nito. “Hindi pa ngayon, Sam,” sagot niya. “Kapag tuluyan ka ng magaling, puwede ka ng pumasok. Huwag kang mag-alala, malapit na iyon.”
Masunurin naman itong tumango at yumakap sa kanya. Sisiguruhin niyang makakaipon siya para madala ito sa isang magandang ospital at mapa-operahan na ito sa puso. Gagawin niya ang lahat para maging maayos ang kalagayan ng pamilya niya.
“Bibilhan rin kita ng mga bagong airplane toys sa unang suweldo ko,” pangako pa niya sa kapatid na si Sam. “Gusto mo ba ‘yon?”
Sunod-sunod ang naging pagtango nito, puno ng kasiyahan ang mukha. Gustong-gusto niyang makita ang kasiyahan sa mga mukha ng pamilya niya.
Nang lumabas ang mga kapatid ay lumapit naman sa kanya ang Nanay niya. Natutuwa siya dahil nagagawa na nitong mag-ikot-ikot dahil sa wheelchair nito.
“Masaya ako dahil nakahanap ka na ng maayos na trabaho, anak,” sabi ng ina. “Pero bakit nag-eempake ka? Hindi ka ba tutuloy sa bahay na ito?”
Malungkot siyang ngumiti. “Kahit gusto kong manatili dito kasama kayo, Nay, hindi puwede. Kasama sa trabaho ko ang manatili sa bahay ng amo ko. Malaki ang kikitain ko sa kanya kaya hindi maaaring sumuway ako sa utos niya, kailangan kong pagbutihin ang trabaho ko.”
Tumango-tango ito. “Ano bang trabaho mo doon?” tanong nito.
“Assistant po,” sagot niya. “Kailangan ko po siyang sundan at tulungan sa mga trabaho niya.” Para masubaybayan ang kilos niya at makakuha ng impormasyon para kay Anthony, nais niya sana iyong idugtong pero hindi na naman kailangang malaman ng ina niya ang bagay na iyon. Alam niyang hindi ito pabor sa grupong kinabibilangan niya pero wala rin itong magawa dahil baon sila sa utang kay Anthony dahil sa ama niya.
“Basta mag-iingat ka lang, anak, ha?” paalala nito.
Tumango siya. “Bibisita naman ako dito kapag pinayagan ako ng amo ko at saka magha-hire din po ako ng mapagkakatiwalaang maaari niyong makatulong at makasama dito. Bibilhan ko rin kayo ng cell phone kapag nakapag-advance ako para matawagan niyo ako kapag may problema.”
Tinitigan siya ng ina ng ilang sandali, puno ng pagmamahal ang mga mata nito. “Salamat, anak. Sa lahat-lahat. Alam kong pagpapalain ka ng Diyos sa lahat ng kabutihan mo sa amin. Simula pa noon ay hindi mo na iniisip ang sarili mo at tanging kami na lang,” tumulo na ang mga luha sa mukha nito.
Yumuko siya. Sana mapatawad rin siya ng Diyos sa gagawin niyang panloloko sa isang taong walang kamalay-malay sa lahat ng ito. Hindi niya na nagawang pigilin ang emosyon at lumuha na rin. Hindi kasi siya sanay manloko ng tao. Ginagawa niya lang ito para mabuhay at makawala sa isang parte ng buhay niyang matagal niya ng gustong takasan.
Muli siyang napatingala sa ina nang magpatuloy ito. “Sana makita mo na rin ang mga bagay na makapagpapasaya sa’yo, ang taong magmamahal at mag-aalaga sa’yo katulad ng ginagawa mo sa amin. Karapatan mo ring maging masaya, anak.”
“Kayo na ang kasiyahan ko, Nay. Kayo nina Gaile at Sam, sapat na kayo sa akin,” tugon niya.
“Maliban sa amin, anak,” sabi pa nito. “Magiging lubos ang kasiyahan ko kapag nakahanap ka na ng taong magpapasaya, magmamahal at mag-aalaga sa’yo. Isang taong makakasama mo habang-buhay.”
Itinuon niya ang pansin sa traveling bag na nasa harap. Hindi na siya sumagot. Alam niyang nais na rin ng ina niyang makita na magkaroon siya ng sariling pamilya. She was already twenty-seven, oras na para mag-asawa na siya. Pero hindi pa siya handa. Hindi pa siya handang bumuo ng sariling pamilya dahil kailangan pa siya ng ina at mga kapatid niya. Hindi pa ngayon. Marami pa siyang kailangang gawin.
At isa pa, hindi niya pa nahahanap ang lalaking nais niyang makasama habang-buhay. Nitong nakaraang mga taon ay kinalimutan niya na ang pag-asang makakatagpo pa siya ng lalaking mamahalin niya ng lubos. A man who would protect her and whom she could protect. A man who would love her despite all things. A man who would treasure her more than anything else in this world.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now