Chapter 29.2

3K 33 0
                                    

“NAKITA mo na ba ulit ang Papa mo, Thaddeus?” tanong ni Elij sa lalaki habang magkayakap sila sa ibabaw ng kama niya. Hapon na pero wala pa rin silang balak na lumabas ng lugar na iyon.
Tumingin ito sa kanya. “Hindi pa,” sagot nito. “Mukhang nagpakalayo-layo na talaga siya at ang bago niyang pamilya simula ng bitawan niya ang kaso ng mga Domingo noon. Siguro ay tumigil na rin siya sa pag-a-abogado.”
Naalala niya ang kaso ng mag-asawang Domingo noon. Iyon ang isa sa pinaka-emosyonal na kaso na napanood niyang hinawakan ni Thaddeus. Siguro dahil na nga rin sa doon nito muling nakatagpo ang ama nito.
“Mabuti na ang tumigil siya sa ginagawa niya,” dugtong ni Thaddeus. “Para wala na siyang malokong mga tao.”
Tinitigan niya ito, may galit pa rin ang mga mata nito. “Hindi mo pa rin ba siya napapatawad?” malungkot na tanong niya.
Bumuntong-hininga ito. “Paano ko magagawa iyon, Elij? Hindi rin naman siya lumalapit sa akin. Nasaan siya ngayon kung gusto niya talagang humingi ng kapatawaran? Hindi ba dapat ipakita niya man lang kung nagsisisi siya at balak niyang bumawi?”
Hinaplos niya ang mukha nito para pakalmahin ito. Alam niyang mabuti ang puso ni Thaddeus, alam niyang magagawa rin nitong patawarin ang ama nito katulad ng pagpapatawad nito sa kanya.
Akmang magsasalita pa sana siya nang marinig nila ang boses ng mga kapatid niyang pumasok sa loob ng bahay. Mabilis siyang napalayo kay Thaddeus at tumakbo patungo sa pinto ng kuwarto para i-lock iyon.
Narinig pa niya ang mahinang pagtawa ni Thaddeus. Tiningnan niya ito at pinatahimik.
“Ate! Ate!” narinig niyang tawag ng mga kapatid sa labas.
Kinalma niya muna ang sarili bago sumagot. “S-Sandali lang, lalabas na ako.” Nagmamadali siyang tumungo sa cabinet at naglabas doon ng damit.
Habang nagbibihis ay inutusan niya rin si Thaddeus na magbihis na.
“Nasa sofa ang damit ko,” sabi nito.
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Paanong—? Gosh, doon niya nga pala iyon hinubad dito kagabi. Napahawak siya sa ulo. Tumayo si Thaddeus at isinuot ang boxers nito.
“Dito ka lang,” utos niya dito. “I-lock mo ang pinto pagkalabas ko.” Sana naman ay hindi pa nakikita ng mga ito ang damit ni Thaddeus pero alam niyang imposible iyon.
Humugot muna siya ng malalim na hininga bago lumabas ng kuwarto.
Pagkarating niya sa sala ay agad niyang nakita ang kapatid na si Sam na nanonood na ng T.V. Naroroon din ang ina nila na nakaupo sa wheelchair, nakatingin ito sa sandalan ng sofa kung saan naroroon ang mga damit ni Thaddeus.
Pinamulahan siya ng mukha nang mapatingin ito sa kanya. “Nay…” lumapit siya dito at hinalikan ito sa pisngi. Magsasalita pa sana ito pero narinig na nila ang malakas na pagsigaw ng kapatid na si Gaile.
Nagulat pa siya nang makitang tumatakbo ito palabas ng kuwarto niya. Lumapit ito sa kanya. “Ate! Si Kuya Thaddeus nasa kuwarto mo!” sabi nito.
Ipinikit niya ang mga mata. Sinabi niya na dito na i-lock nito ang kuwarto paglabas niya. Nang magmulat siya at mapatingin sa ina ay nakita niya ang pagkagulat sa mukha nito. Nahihiya niyang iniyuko ang ulo at kinuha ang mga damit ni Thaddeus sa sofa.
Mabilis siyang bumalik sa sariling kuwarto at ibinato sa lalaking iyon ang hawak na mga damit. “Sinabi ng i-lock mo ang pinto,” naiinis na bulong niya dito.
Napakamot ito sa ulo. “Pasensiya na, hindi ko naman alam na papasok si Gaile.”
“Magbihis ka na,” utos pa niya. Siguradong naghihintay na ng eksplenasyon ang ina niya ngayon. Wala na siyang magagawa kundi ang harapin ito.
Nang makalabas sila ng kuwarto ay nag-unahan pa sa pagtakbo ang mga kapatid niya kay Thaddeus.
Masayang niyakap ng lalaki ang mga ito. “Na-miss ko ang mga bulilit na ito,” anito.
Napangiti siya sa nakikitang kasiyahan sa mukha ng mga ito. Pagbaling niya ng tingin sa ina niya ay nakangiti din ito. Tumingin ito sa kanya at sinenyasan siyang pumasok sa loob ng kuwarto ng mga kapatid niya.
Sumunod siya dito. Sinulyapan niya muna si Thaddeus na nakatingin din sa kanila. Nginitian niya ito para iparating na ayos lang siya.
Nang makapasok sila sa kuwarto ay pinaupo siya nito sa isang kamang naroroon.
“Anak,” pagsisimula nito. “Hindi ko na tatanungin kung anong relasyon ninyo ni Thaddeus dahil nakikita ko iyon sa mga mata niyo. Ang totoo, masaya akong makita ulit ang batang iyon. Pero hindi ba may nobyo ka ngayon?”
Yumuko siya. “Opo,” sagot niya.
“Anong plano mo?”
Bumuntong-hininga siya. “B-Balak ko na pong hiwalayan si Mateo. H-Hindi ko naman po siya talaga mahal, Nay. Alam niyo po ‘yon.”
“Alam ko,” inabot nito ang kamay niya. “Anak, masayang-masaya ako dahil nakikita ko ng muli ang kasiyahan sa mukha mo. Hindi lang ako nagsasalita pero alam kong sobra ang kalungkutang pinagdaanan mo nitong nakaraang taon at masakit sa aking makita kang ganoon.”
Tumulo na ang mga luha sa mukha niya. “Hirap na hirap ako, Nay. Patuloy kong sinasabi sa sarili ko na wala ng kasiyahan para sa akin. Pero… pero narito na siya ngayon,” humikbi siya. “W-Wala naman pong masama kung… kung subukan kong makaramdam uli ng kasiyahan sa piling niya, hindi po ba?”
Pinunasan ng ina niya ang mga luha niya. “Siyempre, walang masama doon, anak. At huwag mong isipin na walang kasiyahan para sa’yo. Lahat ng tao ay may karapatang sumaya at maging maligaya, lalo na ang mga taong katulad mo. Mga taong inuuna ang kapakanan ng iba.”
Lumapit siya dito at niyakap ito ng mahigpit. Masaya siya dahil nauunawaan siya nito. Masaya rin siya dahil binigyan pa siya ng Diyos ng panibagong pagkakataon para maging tunay na maligaya. At sana… sana hindi na ito mawala sa kanya.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadonحيث تعيش القصص. اكتشف الآن