Chapter 12.2

2.4K 26 0
                                    

SA loob ng dalawang buwan ay naging abala si Thaddeus sa paghahanap sa kaibigan nitong si Matthew. Siya naman ay patuloy lang ang pagsunod at pagtulong dito sa abot ng makakaya niya.
Hindi pa rin nawawala ang kaba sa dibdib niya sa paglipas ng mga araw. Pilit niyang sinasabi sa sarili na kung sakaling may nangyaring masama kay Matthew ay malalaman na nila iyon. Siguradong mababalita iyon. Malakas rin ang kutob niya na ligtas pa rin ito.
Sa loob din ng dalawang buwan ay hindi pa rin nila natutunton ang kinaroroonan ng pinsan niyang si Brian. Alam niyang nagtatago na ito at hindi kaila sa kanya na magaling ito sa pagtatago sa mga awtoridad. Ilang beses na rin itong hinabol ng mga pulis noon, ilang beses na rin itong nakulong at nagawang makalabas sa tulong ni Anthony. Pero iba na ang sitwasyon ngayon, wala ng Anthony na tutulong dito. At kung sakali mang lumapit ulit ito kay Anthony ay iba na ang kahahantungan nito.
Pagod na pagod na ang katawan at isipan niya pero pinipilit niya pa rin ang sariling maging matatag, lalo na kapag nakikita niya ang pagka-abala ni Thaddeus sa walang tigil na paghahanap sa kaibigan nito. Nakakaramdam na siya ng awa para dito na minsan ay hindi na nagagawang matulog. At dahil iyon sa kagagawan ng kapamilya niya.
Malungkot siyang napabuntong-hininga at umupo sa sariling kama. Nagdasal siya na sana ay matapos na ang lahat ng ito. Gusto niyang makabalik na si Matthew sa mga taong mahahalaga dito, sa mga taong kailangan ito.
She was startled by the sudden ringing of her phone. Lumapit siya sa kinapapatungan niyon sa bedside table at kinuha iyon. It was an unregistered number. Nag-aalangan niya pa iyong sinagot. “Hello?”
“Elij,” bati sa kanya ng pamilyar na boses.
Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino iyon. “A-Ate Sandra?” hindi makapaniwalang banggit niya sa pangalan nito. “Ate Sandra, n-nasaan ka? Anong nangyari sa’yo?”
“Elij, nakitawag lang ako para sabihin sa’yo ang isang mahalagang bagay,” wika nito, nasa tono ang pagmamadali at pag-aalala. “Kasama ko ngayon si Matthew Azcarraga, kilala mo siya, hindi ba?”
Nagulat siya sa sinabi nito. Si Matthew? “N-Nasaan kayo ngayon, Ate? Ayos lang ba kayong dalawa?” napuno na ng pag-aalala ang dibdib niya.
“Ayos lang kami, narito kami sa isang isla sa Palawan,” sinabi nito sa kanya ang eksaktong address. “Dito kami nagtago dahil alam kong hinahanap pa kami ni Brian. Pagkatapos kong iligtas si Matthew sa kamay niya dalawang buwan na ang nakaraan, alam kong galit na galit na siya sa akin. Kinailangan kong itago dito si Matthew dahil hindi niya pa magagawang makaalis ng mag-isa. Marami siyang sugat at pinilit ko siyang magpagaling dito. Alam kong gusto niya ng bumalik pero natatakot ako,” napahikbi ito. “Natatakot ako para sa buhay niya at sa buhay ko. Alam mo kung gaano kasama si Brian.”
“Pupuntahan namin kayo diyan, Ate Sandra,” sabi niya. Napaluha na siya dahil sa matinding pag-aalala.
“Please, huwag mong sabihin kay Anthony kung nasaan ako,” pagmamakaawa nito. “Tinawagan ko na rin si Rachel Leigh kanina, ayokong patuloy na mag-alala kayo sa akin. Maaari niyo ng kunin si Matthew dito, ayos lang sa akin na magtago habang-buhay. Basta makalaya lang ako sa mga kamay ni Anthony at ni Brian.”
Nararamdaman niya ang paghihirap nito, gustong-gusto niya na itong makita at pagaanin ang loob nito. Nang magpaalam ito ay dali-dali siyang lumabas ng kuwarto at tinungo ang private bar kung saan alam niyang naroroon si Thaddeus.
Nilapitan niya ito at sinabi dito ang natanggap na balita.
Agad itong napatayo. “Talaga?” hindi maitatago ang pagsilay ng pag-asa sa mga mata nito.
Ngumiti siya at tumango. “Makikita na natin siya, Thaddeus.”
Ngumiti din ito at niyakap siya ng mahigpit. Nagulat pa siya sa ginawa nito pero hinayaan niya na lang ito. Bahagya siya nitong inilayo. “Sino nga pala ang Sandra na iyon?” tanong pa nito.
“Kaibigan siya ni Kuya Brian, naging malapit na rin siya sa akin,” sagot niya. “Mabuting tao siya, Thaddeus. Siya ang nagligtas kay Matthew sa kamay ng pinsan ko.”
Tumango ito. “Dapat natin siyang pasalamatan, kung ganoon.”
Tumango din siya at siya na mismo ang yumakap dito dahil sa sayang nararamdaman. Narinig pa niya ang pagtawa nito at naramdaman ang pagganti nito ng yakap.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now