Chapter 28.3

2.8K 32 0
                                    

NAGTATAKANG napatingin si Elij kay Mateo na katabi niya sa isang table sa loob ng restaurant na kinaroroonan nila ng gabing iyon. Kanina pa silang nandoon pero hindi pa rin ito umo-order.
“May hinihintay pa ba tayo?” tanong niya dito.
Tumingin ito sa kanya at ngumiti. “Oo, isang kakilala ko. May pag-uusapan kami kaya inimbitahan ko na siya sa dinner na ito.”
Tumango na lang siya. Mabuti naman at hindi lang silang dalawa ang magkasama. Awkward pa rin kasi siya na makasama ito.
“Nandito na sila,” bulong nito bago tumayo at sinalubong ang mga tinutukoy nito.
Ganoon na lang ang pagtigil ng tibok ng puso niya nang makita ang pamilyar na mukha ng lalaking iyon. Thaddeus…
Anong ginagawa nito dito? Hindi niya magawang ialis ang tingin dito hanggang sa makalapit ito sa mesa nila. May kasama itong isang magandang babae na nakapulupot ang kamay sa braso nito.
“Elij,” wika ni Mateo. Noon lang siya bumalik sa kasalukuyan at napatingin dito. “This is Attorney Thaddeus Arzadon and she is…”
“Bettina Cheng,” pagpapakilala ni Thaddeus sa kasama.
Biglaan ang pagbilis ng tibok ng puso niya sa pagkarinig sa boses nito. Sumulyap siya dito. He was still that same man she knew, still handsome and all. Nagbago na nga lang ang buhok nito – it was cut clean now, like a military man. May kaunting shave rin ang kanang kilay nito.
Yumuko siya at itinuon ang paningin sa platong nasa harap. Bakit kung kailan pinipilit niya ang sariling kalimutan ito ay saka pa ito magpapakita?
“Have a seat,” anyaya sa mga ito ni Mateo. Habang umo-order ito ay pinanatili niya lang ang ulong nakayuko.
Hanggang sa dumating ang pagkain ay hindi niya pa rin alam ang gagawin. Nagsimula ng mag-usap ang mga ito. Pinagsabihan niya ang sarili na umakto na lang na hindi niya ito kilala para hindi na muling magulo ang isipan niya.
Nagsimula na rin siyang kumain at panaka-nakang sumasagot kay Mateo kapag tinatanong siya nito. Nang muli siyang sumulyap kay Thaddeus ay nakita niya itong ngumiti – hindi para sa kanya kundi para sa babaeng katabi nito. But that smile… that smile made all her feelings come flooding back at her.
Ibinaba niya ang hawak na tinidor at pinigilan ang sariling umiyak sa lugar na iyon. Gustong-gusto niya ng tumakbo at umuwi para magkulong sa sariling kuwarto at doon ibuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman. Bakit ba nagpakita pa ito at muling ibalik ang mga nararamdaman niyang pilit niya ng kinakalimutan? Bakit? Hindi niya alam kung bakit.
“Elij, ayos ka lang?” narinig niyang tanong sa kanya ni Mateo. “May sakit ka ba?”
Tumingin siya dito at pinilit ang sariling ngitian ito. “W-Wala naman, ayos lang ako.”
Ngumiti si Mateo at muling hinarap sina Thaddeus. “Pasensiya na kayo, mahiyain talaga itong girlfriend ko,” sabi nito. Inabot nito ang kamay niyang nasa mesa at hinawakan iyon.
Gusto niyang hilahin iyon pero pinigilan niya ang sarili. Bakit niya gagawin iyon? Nababaliw na ba siya? Ito ang nobyo niya, ito dapat ang iniisip niya. Pero bakit hindi niya magawa?
Muli niyang itinuon ang pansin sa pagkain at pinilit ang sariling huwag ng pagtuunan ng pansin ang mga ito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon