Chapter 27.5

2.6K 32 0
                                    

NAPATIGIL sa pag-eempake ng mga damit si Elij nang makita ang pagpasok ni Rachel Leigh sa loob ng kuwarto ng bahay nila sa Pasay. Pinunasan niya ang luhang nasa mukha at hinarap ito.
“K-Kumusta na siya?” bungad na tanong niya dito. Gusto niyang malaman kung ligtas ba si Thaddeus. Doon lang mapapanatag ang kalooban niya.
Lumapit ito sa kanya at umupo sa kamang naroroon. “Nagising na siya kahapon,” napasulyap ito sa mga bagaheng naroroon. “Aalis ka?”
Marahan siyang tumango. “Kami,” sagot niya. “Hindi na ako makakapagtagal dito. Kay Anthony ang bahay na ito at ayoko ng tumanggap ng kahit ano mula sa kanya.”
Malungkot itong napatingin sa kanya. “Iiwanan mo si… si Thaddeus?”
Muli na namang nagpatakan ang mga luha niya. Walang oras na hindi siya umiiyak dahil sa sobrang sakit na nararamdaman. “Ito ang dapat, Rachel. Matagal ko na dapat ito ginawa para hindi na sana umabot sa ganito.”
“H-Hindi naman daw siya galit sa’yo, Elij,” sabi nito. “Gusto ka niyang makita.”
Matigas ang pag-iling niya. “Hindi na puwede, Rachel. Hindi ko na kayang humarap sa kanya pagkatapos ng lahat ng ginawa ko,” napahikbi na siya. “At isa pa, siguradong mapapahamak lang siya kapag nanatili ako sa tabi niya.”
“Nakausap ko na si Anthony,” imporma pa nito. “Pumayag na siyang pabayaan kayo.”
Tumingin siya dito. “Pero hindi ka nakaka-sigurado diyan, hindi ba? Hindi mo alam ang takbo ng isip ni Anthony, lalo na ni Drake.”
Natigilan ito ng ilang saglit. “P-Pero—”
“Ayoko na, Rachel,” putol niya dito. “Ayoko ng pahirapan ang lalaking iyon. Ayokong makitang nasasaktan siya,” muli na naman siyang napahagulhol sa pagka-alala sa ginawang pagbaril dito. Siya mismo ang nanakit dito at hindi niya magawang patawarin ang sarili.
“Hindi ba sabi mo, po-protektahan mo siya?” paalala nito. “Bakit mo siya iiwan?”
“Oo, nag-desisyon na akong protektahan siya at para magawa ko iyon, mabuti na ang lumayo ako. Dahil ako lang ang nagdadala ng kapahamakan sa kanya. Pino-protektahan ko na siya sa ganitong paraan.”
Hindi ito sumagot.
“Alam mo, hindi ganoon kadaling protektahan ang isang tao,” pagpapatuloy niya. “Kailangan mong masaktan para tuluyan siyang ma-protektahan at iyon ang gagawin ko. Kahit masakit, kahit gustong-gusto ko na siyang makita, hindi maaari. Dahil posibleng mapahamak siyang muli kapag ginawa ko iyon,” pinunasan niya ang mga luha at muling ibinalik ang pansin sa pag-eempake. “Sabihin mo sa kanya na kalimutan niya na ako dahil iyon ang mas makabubuti.”
Wala na itong nagawa kundi ang tumango na lang at magpaalam. Pagkaalis nito ay muli na naman siyang napaiyak. Tama lang ang lahat ng sinabi niya. Kailangan niyang harapin ang konsekuwensiya ng lahat ng ginawa niya. Dapat niya ng putulin ang kahibangan niya.
Hindi para sa kanya ang salitang ‘kasiyahan’. Simula pa lang ay alam niya na iyon. Masyado lang siyang nabulag sa kasiyahang hindi naman nararapat sa kanya. This was her fate – to suffer. This world hated her and she hated it more. Bakit ba hindi na lang sila ipinanganak na katulad ng normal na mga tao? Para kung sakaling makilala niya ulit ito, hindi na sila mahihirapang magmahalan.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now