Chapter 26.3

2.7K 20 0
                                    

NARAMDAMAN ni Elij ang pagpisil ni Thaddeus sa kamay niya nang makatapat sila sa pinto ng bahay nila sa Pasay. Tiningnan niya ito. Hindi niya magawang itago ang kabang nararamdaman.
Nginitian siya nito at bahagya namang kumalma ang nagwawalang puso niya. Itinaas niya ang isang kamay at kumatok sa pinto. Ilang sandali lang ay nagbukas iyon at unang sumalubong sa kanila ang kapatid na si Gaile.
Masaya itong yumakap kay Thaddeus nang makita ito. “Kuya!” bati nito.
Tumawa si Thaddeus at bahagyang ginulo ang buhok ni Gaile. Pumasok na sila sa loob pero hindi pa rin nito binibitawan ang kamay niya. Tumatakbong lumapit din dito si Sam at bale-walang kinarga ito ni Thaddeus sa isang braso.
Nalipat ang tingin niya sa ina na lumabas sa kuwarto nito kasama si Lara. Agad itong napatingin sa mga kamay nila ni Thaddeus.
Bumuntong-hininga siya at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ni Thaddeus. Kumukuha siya ng lakas mula dito. “Nay…” pagsisimula niya. “Si Thaddeus, b-boyfriend ko po.”
Rumehistro ang pagkagulat sa mukha nito at ni Lara pero agad din namang napangiti ang mga ito.
“Sinasabi ko na nga bang may ibang dahilan ang kasiyahan mo nitong nakaraang mga araw, anak,” wika ng ina niya. “Dahil pala sa magandang lalaking ito.”
Nag-init ang mukha niya at tumawa naman si Thaddeus.
“Masaya ako para sa inyo,” dugtong pa ng ina. “Masayang-masaya ako dahil nagagawa mo na ring isipin ang sarili mo, anak. Masyado ka kasing nakatuon sa amin at akala ko ay hindi ka na makakahanap ng taong magpapasaya at makakasama mo,” bumaling ito kay Thaddeus. “Salamat, hijo. Dahil kasama ka ng anak ko ngayon at pinapaligaya mo siya.”
Ngumiti si Thaddeus at tumingin sa kanya. “Huwag po kayong mag-alala, palagi kong babantayan at pasasayahin ang anak niyo. Basta ba mananatili siya sa tabi ko.”
Ngumiti din siya. Hindi niya alam na makakaranas pa siya ng ganitong klase ng kasiyahan sa piling nito at ng pamilya niya. Ipinagdarasal niya na sana ay hindi na matapos ang kasiyahang ito.
“Bakit mo siya boyfriend, Ate?” singit na tanong ng kapatid niyang si Gaile, lumabi ito. “Di ba prince charming ko siya?”
Lahat sila ay napatawa sa sinabi nito.
Humalukipkip ito. “Maghahanap na lang ako ng ibang prince charming, inagawan na ako ni Ate,” sabi pa nito.
Napailing na lang siya. Well, wala na rin naman siyang magagawa. She wanted Thaddeus all for herself. At ipinapangako niyang po-protektahan at mamahalin niya ang lalaking ito habang-buhay. Iyon na ang bagong misyon niya ngayon at wala ng makakapagpabago noon.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonOnde histórias criam vida. Descubra agora