Chapter 13.1

2.4K 25 1
                                    

MAHIGIT isang linggo na ang lumipas matapos ang pangyayaring iyon sa Palawan at nailibing na rin si Sandra. Hindi pa rin naman siya nakakatanggap ng tawag mula kay Anthony kaya sigurado siyang tatahimik muna ang mga ito ngayon. Ipinagdarasal niya na sana ay maisipan nitong itigil na lang ang plano nitong pagsira kay Christopher para matigil na rin ang lahat ng paghihirap nila.
Napatingin siya kay Thaddeus nang pumasok ito sa living area. Kaninang umaga ay umalis ito at hindi niya naman nagawang itanong kung saan ito pumunta. Lumapit ito sa kanya, nagtaka pa siya sa kaseryosohang nasa mga mata nito.
“M-May nangyari ba?” nag-aalalang tanong niya.
Umupo ito sa tabi niya. Bumuntong-hininga muna ito bago sumagot. “Galing ako sa presinto kanina, wala na ang Kuya Brian mo. Hindi namin alam kung anong nangyari… patay na siya nang isugod sa ospital.”
Natutop niya ang sariling bibig sa matinding pagkabigla sa balitang iyon. Namukal ang mga luha sa mga mata niya. Si Anthony! Si Anthony lang ang maaaring gumawa nito! Nagbanta ito noon.
Bumalot ang matinding takot sa pagkatao niya. Paano nito nagagawa ang mga ganoong bagay? Wala na ba talaga itong konsensiya?! Napahagulhol na siya sa harapan nito.
Inabot siya nito at niyakap. Gustong-gusto niya ng kumawala sa grupong kinabibilangan niya. Gustong-gusto niya ng alisin ang sumpang ito sa buhay niya. Pero ang nag-iisang paraan para magawa niya ang mga iyon ay patuloy na lokohin ang lalaking itong umaalo sa kanya. Hindi niya na alam kung ano ang gagawin. Nako-konsensiya siya sa mga ginagawa niya pero natatakot din siyang sumuway kay Anthony at mapatulad kay Brian. Maging ang pamilya niya ay siguradong mapapahamak.
Isiniksik niyang lalo ang sarili dito, trying to take all the comfort she needed. I’m sorry, Thaddeus. I’m really sorry. Kung may pagpipilian sana ako, hindi na ako mananatili dito at patuloy na gamitin ang kabaitan mo at ng mga kaibigan mo.
“Alam kong mabango ako, Elij. Sinasabi ko na nga bang matagal mo na akong pinagnanasaan,” narinig niyang wika nito.
Hindi niya napigilan ang mapangiti sa sinabi nito. Bahagya siyang lumayo dito at tiningnan ito ng masama. “Ang kapal talaga ng mukha mo,” itinulak niya ito palayo. “Hinding-hindi kita pagnanasaan, ano?”
Tumawa ito. “Talaga lang, ha? Pumasok ka pa nga sa kuwarto ko noong isang gabi at ginapang ako.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Hoy! Sinungaling ka!” pinagpapalo niya ito na sinasanggahan lang naman ng mga braso nito. “Hindi ako pumapasok sa kuwarto mo. Mahiya ka naman, Thaddeus!”
Napatigil ito at napaisip. “Kung hindi ikaw ‘yon, huwag mo sabihing pati si Sadako ay pinagnanasaan na rin ako?”
Napatawa na siya sa mga kalokohan nito. She was beginning to like it – like the way he could make her laugh kahit na malungkot siya, kahit na ayaw niya man lang ngumiti.
She stared at the man in front of her – the man who could make her mad and smile at the same time. This Thaddeus Arzadon was a menace, a menace to her mission. Pero kahit ganoon, hindi niya pa rin mapigilan ang sariling ngumiti at tumawa kasama ito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz