Chapter 30.6

3.2K 32 0
                                    

MAHIGPIT na hinawakan ni Elij ang kamay ni Thaddeus. Naroroon sila ngayon sa tapat ng kuwartong kinalalagakan ng ama nitong si Claudio sa loob ng isang ospital kung saan ito isinugod kagabi. Laking pasasalamat nila na hindi naman grabe ang tinamo nito sa nangyari kagabi.
“Sigurado kang gusto mo na siyang harapin?” tanong niya dito.
Bumuntong-hininga ito at tumango.
Ngumiti siya at kumatok na sa pinto. Pinagbuksan sila ng asawa ng ama nitong si Ericka. Magalang itong bumati at pansamantalang iniwanan sila doon.
Agad na lumiwanag ang mukha ni Claudio pagkakita sa kanila. “Thaddeus…” bati nito sa mahinang tinig.
“Mabuti naman at maayos na ang lagay mo,” panimula ni Thaddeus.
Ngumiti si Claudio. Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila.
“Salamat,” putol ni Thaddeus sa katahimikang iyon. “Sa… pagliligtas sa akin.”
Marahang umiling si Claudio. “Kulang pa ang ginawa kong iyon,” gumaralgal na ang tinig nito. Napuno na rin ng matinding kalungkutan ang mukha nito. “Kulang pa iyon sa lahat ng kasalanan ko sa’yo at sa Mama mo. Hindi ko dapat kayo sinaktan, hindi dapat ako naging makasarili. Patawarin mo ako, Thaddeus. Patawarin mo ako.”
Nang tingnan niya si Thaddeus ay may luha na rin sa mga mata nito. “Mahal na mahal ko si Mama,” wika nito. “At sobrang nasaktan ako noong nawala siya pero… pero nakaraan na iyon at wala na akong magagawa para baguhin iyon,” humugot ito ng malalim na hininga bago sumulyap sa kanya. “Tama ang sinabi ni Elij na nagkakamali ang tao, lahat tayo. Na ang mahalaga ay humingi ng tawad at matuto sa pagkakamaling iyon.”
Lumapit ito sa ama at inabot ang isa sa mga kamay nito. “Patawarin mo rin ako,” pagpapatuloy ni Thaddeus. “Dahil sa galit na ipinakita ko sa’yo at sa mga panghuhusga ko.”
Napahagulhol na ng iyak ang ama nito sa harapan nila. Maging siya ay hindi na rin napigilan ang pagluha sa nakikitang pagkaka-ayos ng relasyon ng mga ito.
“Maraming salamat, anak,” ani Claudio.
Ngumiti si Thaddeus at hinila siya palapit sa kinatatayuan nito. “Get well soon, old man,” sabi nito sa ama. “Sasamahan mo pa ako sa pagtayo sa altar sa kasal ko.”
Sumilay ang hindi matatawarang kasiyahan sa mukha ng ama nito sa sinabing iyon ni Thaddeus. Sobra-sobra rin ang kasiyahan niya ng mga oras na iyon at alam niyang ganoon din ang nararamdaman ng lalaking itong nasa tabi niya.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonDove le storie prendono vita. Scoprilo ora