Chapter 7.5

2.5K 40 2
                                    

AGAD na sumalubong ang kapatid niyang si Gaile sa kanila ni Thaddeus nang makarating sila sa private room ng kapatid na si Sam sa Azcarraga Hospital.
“Gaile, bakit ka nandito? Mag-isa ka lang ba?” tanong niya sa kapatid.
“Nagpaiwan po ako kay Ate Lara dito kanina. Umuwi na sila ni Nanay,” sagot ng kapatid.
Lumapit siya kay Sam na naglalaro ng airplane toy nito sa ibabaw ng kama. “Hindi ba may pasok ka pa bukas?” tanong niya ulit kay Gaile. Sumulyap siya kay Thaddeus na ipinatong ang dalang mga prutas sa mesang malapit sa kama.
“Babalik din naman po ako mamayang gabi,” tugon ni Gaile. “Gusto ko lang po bantayan si Sam,” lumapit ito sa kanya at itinuro si Thaddeus. “Ate, sino siya?”
Tumingin siya dito at ngumiti. “Siya si Thaddeus, siya ‘yong amo ko,” sagot niya.
Lumapit si Thaddeus dito at ngumiti. “Hello,” bati nito sa kapatid. Bumaling ito kay Sam at ginulo ang buhok nito. “Ito ba si baby boy? Ang cute naman.”
Nakita niya ang pagtawa ni Sam. Ilang sandali lang ay nakikipaglaro na ito kay Thaddeus.
Napailing siya. Hindi talaga mahirap para dito ang kumuha ng loob ng kahit na sino. Muli siyang napatingin kay Gaile nang magsalita ito.
“Siya ba ‘yong abogado, Ate?” tanong nito.
Tumango siya.
“Eh di, matalino siya?” sunod na tanong pa nito.
Hindi niya ito nasagot at napatingin kay Thaddeus na patuloy pa rin sa pakikipaglaro kay Sam. Nakita niya pa nang lumapit si Gaile dito na may hawak na isang libro. Tinapik nito ang likod ni Thaddeus. Agad namang humarap ang lalaki dito at ngumiti.
“Puwede po bang patulong?” tanong dito ni Gaile.
Kumunot ang noo ni Thaddeus, maging siya.
Iniabot ni Gaile ang librong hawak kay Thaddeus. “May assignment po kasi kami sa Math, hindi ko po alam kung paano sagutan.”
Bumahid ang pagkagulat sa mata ni Thaddeus at napasulyap sa kanya. Kinuha nito ang libro at tiningnan iyon. Bumuntong-hininga muna ito bago tumayo para lumapit sa kanya.
Inilapit nito ang bibig sa tainga niya at bumulong. “Hindi ba education ang tinapos mo?”
Tumango siya.
Ngumiti ito at inabot sa kanya ang libro. “Hindi ako mahilig sa Math,” bulong pa nito. “Kaya nga law ang kinuha ko. Hindi ko maintindihan ang mga x and y na ‘yan.”
Hindi makapaniwalang napatingin siya dito. “Simple lang naman ito,” ganting bulong niya.
“Wala akong pakialam,” nagkibit-balikat pa ito. “Wala akong hilig sa numero at wala akong balak matutunan ‘yan. Laking pasasalamat ko nga dahil nakatapos na ako at hindi na ulit mami-meet sina X and Y.”
Napailing na lang siya at napangiti. Maya-maya ay tinawag niya na si Gaile at siya na mismo ang nagturo dito. Si Thaddeus naman ay muling bumalik kay Sam para makipaglaro ulit dito. Hindi niya alam na may kahinaan din pala ang lalaking iyon. Mabuti na lang talaga at hindi kailangan ng mathematics sa korte.
Napatingin sila sa pinto nang bumukas iyon at pumasok ang private nurse ni Sam. Magalang itong bumati sa kanila at sinabing kailangan daw nitong painumin ng gamot si Sam. Pagkatapos nito ay lumapit siya dito.
“Nandito ba si Dr. Azcarraga?” nag-aalangang tanong niya.
“Wala po,” sagot ng nurse. “Nasa Greenhills branch po siya ngayon. Si Dra. Kate Santos naman po ang in-charge sa kapatid niyo.”
Tumango na lang siya at nagpasalamat dito. Medyo nakaramdam siya ng disappointment sa kaalamang hindi niya makikita ngayon si Matthew. Ilang araw niya na rin hiniling na muling makita at makausap ang butihing doktor na iyon. Maybe because she really liked him, dahil napakabait nito – isang bagay na gusto niya sa isang lalaki.
Nang makaalis ang nurse ay napatingin siya kay Thaddeus na nakatingin din sa kanya. Iniiwas niya na lang ang tingin dito at bumalik sa pagtuturo kay Gaile. Maya-maya ay nakarinig sila ng pagtunog ng cell phone.
Lumayo si Thaddeus sa kama ni Sam at sinagot ang tumatawag dito. Ilang sandali itong nakipag-usap bago lumapit sa kanya. “Aalis na ako,” sabi nito. “May tumawag sa aking kliyente. Kailangan niya daw akong makausap.”
“Hindi ba naka-off ka ngayon?” tanong niya.
Ngumiti ito. “Walang off sa akin kung importante ang kaso,” bumaling ito kay Gaile at nagpaalam dito. Ganoon din ang ginawa nito kay Sam.
Nang makaalis ito ay napabuntong-hininga siya. Sobra naman ang mga kliyente nito kung minsan. Napatingin siya kay Gaile nang kalabitin siya nito.
“Prinsipe rin ba ‘yong boss mo, Ate?” tanong nito.
Kumunot ang noo niya. “Hindi, ah.”
“Bakit mukha siyang prinsipe? At saka ang bait-bait pa,” napalabi ito bago napangiti. “Kapag lumaki ako, sabihin mo sa kanya pakakasalan ko siya, ha?”
Napatawa siya sa tinuran ng kapatid. “Mag-aral ka muna ng mabuti bago mo isipin iyang kasal-kasal na ‘yan. At saka paglaki mo, matanda na ‘yon.”
“Kahit na, basta papakasalan ko siya,” tumayo ito at lumapit kay Sam. “Hindi ba gusto mo rin siya, Sam?”
Tumango naman si Sam at napailing na lang siya sa kalokohan ng mga kapatid.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus Arzadonحيث تعيش القصص. اكتشف الآن