Chapter 5.3

2.6K 44 4
                                    

NAKATANAW lamang si Elij sa labas ng bintana ng rest house ni Thaddeus ng gabing iyon. Dalawang araw na simula ng dalhin siya dito ni Thaddeus pero hindi pa rin ito bumabalik katulad ng sinabi nitong babalik ito kahapon. Naiinis siyang napabuntong-hininga. Mukhang napasarap na ang lalaking iyon sa Bantayan na iyon at kinalimutan na siya.
Kahit napakaganda ng lugar na ito ay may pagkakataon pa ring nabo-bored siya dahil wala siyang kasama.
Napatingin siya sa cell phone na nasa mesa nang marinig ang pagtunog niyon. Lumapit siya doon at kinuha iyon. The caller was Thaddeus. Naiinis niya iyong sinagot. “Bakit?” Gusto niya itong pagalitan pero pinigilan niya lang ang sarili niya.
“Something happened, Elij,” bungad nito.
Kumunot ang noo niya. May nangyari bang masama dito? May sinabi itong isang address sa kanya – address ng isang lumang warehouse. Sinabi nitong sumunod siya doon dahil natagpuan na raw ng mga ito si Anderson Alvarez at hawak nito ang kapatid nitong si Keira.
Bigla siyang napatayo sa kinauupuan. Nang matapos ang tawag ay hindi niya pa rin alam ang gagawin. Pupunta ba siya doon? Paano kung makilala siya ni Anderson? Paano nalaman nina Thaddeus ang pinagtataguan nito? Ano ba talagang plano ni Anthony?
Pagka-alala kay Anthony ay agad niyang idi-nial ang numero nito. Hindi naman nagtagal ay sumagot ito. Sinabi niya dito ang lahat ng nalaman at napatawa lang ito. Hindi ba ito natatakot kung magsalita si Anderson at idamay sila?
“Matagal ko ng alam na papalpak din ang lalaking iyan,” sabi nito. “Ilan sa mga tauhan ko ang kasama niya ngayon. Humingi siya ng tulong at pinagbigyan ko naman. Pero hanggang doon na lang iyon.”
Napapikit siya. “Ano ng plano mo, Anthony? Gusto ni Thaddeus na pumunta ako doon ngayon. Paano kung makilala ako ni Anderson?” kinakabahan niyang tanong dito.
“Walang problema kung pumunta ka doon, Elij,” sagot nito. “Hindi mo ba makita? Magandang oportunidad ito para sa atin.”
Hindi niya maintindihan ang mga pinagsasasabi nito.
“Tinawagan ko na ang mga tauhan kong hiniram ni Anderson, sinabi kong umalis na sila doon at hayaan na lang na maiwan ang sariling tauhan ng lalaking iyon,” pagpapatuloy ni Anthony. “Pumunta ka doon at tulungan silang madakip si Anderson. Siguradong mas lalo ka nilang pagkakatiwalaan sa gagawin mong iyon.”
“Pero, Anthony, kilala ako ni Anderson. Paano kung—”
“Hindi magsasalita ang lalaking iyon, Elij,” putol nito sa kanya. “Natatakot pa rin naman siya para sa buhay niya,” tumawa ito. “Kayang-kaya ko siyang ipatapos kahit nasa kulungan pa siya. Hindi iyon kaila sa kanya.”
Nakaramdam siya ng takot ng mga oras na iyon. Kahit mabuti ang pakikitungo sa kanya ni Anthony simula pa noon ay alam niyang wala itong sinasanto kapag may kumakalaban at humahadlang sa mga plano nito.
“Naiintindihan mo ba ako, Elij?” narinig niyang tanong nitong puno ng kaseryosohan ang tono.
Para siyang masunuring tupa na sumagot ng ‘Oo’.
“Magaling,” sabi nito. “Nandoon na sa warehouse na tinutukoy mo si Rachel Leigh, ipinadala ko siya doon para subaybayan si Anderson. Kayong dalawa na ang bahala sa kanya. Pinagkakatiwalaan ko naman kayo kaya alam kong wala akong dapat ikabahala. By the way, say my regards to Christopher kapag nakita mo siya,” tumawa pa ito at tinapos na ang tawag.
Pabagsak siyang napaupo sa upuang naroroon. Pagod na pagod na siyang sumunod sa mga utos nito. Hirap na hirap na siyang manloko ng tao. Sana katulad na lang siya ni Rachel Leigh na madaling tanggapin ang lahat at parang balewala lang ang lahat ng inuutos ni Anthony. Hindi, sana ipinanganak na lang siyang ibang tao para hindi na siya nagpapatuloy na mabuhay ng ganito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now