Chapter 22.5

2.5K 28 0
                                    

MALAWAK ang pagkakangiti ni Elij nang lumabas siya ng kuwarto ng araw na iyon. Ngayon lang niya naramdaman ang ganito katinding excitement sa puso niya na makasama si Thaddeus. Siguro dahil sa ginawa niyang pag-amin sa sarili ng nararamdaman niya para dito ng nagdaang gabi.
Pagkababa niya sa hagdan ay nakasalubong niya pa si Manang Luisa na may mga dalang labahin.
“Ineng,” bati nito sa kanya. “Mabuti naman at gising ka na. Mag-umagahan ka na muna.”
“Nasaan po si Thaddeus?” tanong niya dito.
“Naku, kanina pang nakaalis papunta sa trabaho niya,” sagot nito.
Natigilan siya sa sinabi nito. “U-Umalis na po siya? B-Bakit hindi niya ako isinama?”
“Itinanong ko nga kung bakit mag-isa lang siya pero sabi niya ay importante daw ang pupuntahan niya.”
Tumango na lang siya at tumungo na ito sa laundry room. Hindi pa rin siya makapaniwala na iniwanan siya dito ni Thaddeus. Kung maaga pala naman itong aalis, bakit hindi man lang siya nito ginising?
Nanlulumo siyang tumungo sa living area at naupo sa sofa. Kinuha niya ang cell phone sa bulsa at sinubukang tawagan ito. Itatanong niya kung nasaan ito para makasunod siya. Ilang ulit nag-ring ang phone nito pero nagtaka siya nang hindi nito iyon sinagot. Busy ba talaga ito?
Tumayo siya at lumapit sa telepono. Sinubukan niyang tawagan ang firm nito. Nang sumagot ang isa sa mga empleyado nito ay agad niyang tinanong kung naroroon si Thaddeus. Sinabi nitong wala daw ito doon. Nagpasalamat siya dito at malungkot na ibinalik ang telepono sa lalagyan nito.
Tumungo siya sa kusina para mag-umagahan na. Kung wala naman pala siyang magagawa ngayon ay mabuti pang tulungan niya na lang si Manang Luisa sa mga gawain nito pagkatapos mamayang hapon ay bibisitahin niya muna ang pamilya niya.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now