Chapter 28.2

2.7K 25 0
                                    

NAPABUNTONG-HININGA si Elij nang makapasok siya sa apartment na tinutuluyan nila ng gabing iyon. Iginala niya ang paningin sa paligid. Mag-isa na naman siya ngayon dito. Mukhang napasarap na ang pagbisita ng ina at mga kapatid niya sa bahay ng Tita niya. Pero ayos na rin iyon dahil mas nag-e-enjoy doon ang mga kapatid niya dahil may nakakalaro ang mga ito, tutal bakasyon din naman ng mga ito sa school.
Napatigil siya sa paghahanda ng makakain nang marinig ang pagtunog ng cell phone na nasa loob ng handbag. Lumapit siya sa sofa at kinuha sa loob ng bag iyon. Tiningnan niya ang caller. Si Rachel Leigh iyon.
Sinagot niya iyon. “Oh, Rachel, kumusta na?” Dalawang buwan niya na din itong hindi nakikita simula ng huling dumalaw ito dito.
“Ayos naman ako,” tugon nito. “Ikaw? Kumusta ka na diyan?”
“Maayos din naman,” maikling sagot niya.
“Ganoon ba?” ilang saglit itong natahimik. “Hindi mo ba talaga kukumustahin si Thaddeus?”
Hindi niya napigilan ang paglukso ng puso sa pagkarinig sa pangalan ng lalaking iyon. “Bakit pa? Siguradong maayos na rin naman siya diyan,” kinagat niya ang pang-ibabang labi para pigilin ang emosyon. “May… may niluluto pa pala ako, Rachel. Tumawag ka na lang sa susunod,” pagdadahilan niya at tinapos na ang tawag.
Nawalan na siya ng ganang kumain kaya dumiretso na lang siya sa sariling kuwarto. Humiga siya sa kama at doon na tuluyang umalpas ang emosyon niya. Umiyak siya ng umiyak.
Napakahirap magsinungaling sa sarili. Napakahirap. Pilit niyang sinasabi na hindi niya na ito mahal pero ang totoo ay umaasa pa rin ang puso niyang makakasama niya ulit ito. Bakit ba hindi marunong sumunod sa utos ang puso niyang ito?
Pagod na pagod na siyang umiyak ng umiyak. Pagod na pagod na siyang patuloy na masaktan. Dapat niya na itong kalimutan. Dapat niyang pilitin.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now