Chapter 4.2

2.8K 51 0
                                    

KINAHAPUNAN ng sumunod na araw ay naisipan ni Elij na tumulong kay Manang Luisa sa paghahanda ng hapunan nila. Hindi pa rin bumabalik si Thaddeus nang araw na iyon. Ano na kayang nangyari dito sa Cebu?
Kasalukuyang nagku-kuwento si Manang Luisa ng tungkol sa mga anak nito nang makita nila ang pagpasok ni Thaddeus sa kusina. Mukhang pagod na pagod ito, naghihikab pa itong naupo sa dining chair doon.
“Gutom na ako,” ungot nito. Agad naman itong ngumiti nang makita siya. “Oh, you’re cooking for me, sweetheart. How nice,” kumindat pa ito.
Pinamulahan siya ng mukha sa sinabi nito. Anong pinagsasasabi nito sa harap ng ibang tao? Ano na lang ang iisipin sa kanila ni Manang Luisa?
Nang sumulyap siya kay Manang Luisa ay nangingiti itong napailing. “Kumusta ang ginawa mo sa Cebu, Thaddeus?” tanong nito sa alaga.
Napabuntong-hininga si Thaddeus. “Hindi maganda, Manang,” sagot nito. “Nakatakas ang mga hinuhuli namin. Hindi ko alam kung paano nila natunugan na maglalabas ng warrant of arrest sa kanila. At misteryo pa rin sa akin kung paanong nagawa nilang makatakas.”
Napayuko siya. She felt the guilt building in her heart at the moment. Alam niyang mali ang ginawa niyang maging kasangkapan para makatakas ang isang kriminal. Kung may pagpipilian lang talaga siya, hindi niya gagawin iyon.
Napabuntong-hininga si Manang Luisa. “Thaddeus, anak, napakarami mo ng kliyenteng hinahawakan ngayon, hindi ba? May panibago na naman. Wala bang lawyer ang pamilya niyang humihingi ng tulong sa’yo?”
Ilang saglit na natahimik si Thaddeus. Tiningnan niya ito at nakita ang pagsiklab ng galit sa mga mata nito. Hindi niya alam na maaari rin palang magpakita ng ganoong emosyon ang masayahing mga mata nito.
“Mayroon,” sagot nito sa malamig na tono. “Si Claudio Ramirez,” marahas itong tumayo. “Kaya kong gawin ito mag-isa. Ako ang abogado ni Jeremy kaya dapat ko siyang tulungan. Hindi magandang umasa sa mga walang-kuwentang tao,” pagkasabi noon ay lumabas na ito ng kusina.
Hindi pa rin siya makapaniwala sa nakitang inasal nito. He seemed so different. Parang hindi ito ang Thaddeus na kakikilala niya pa lang.
Napatingin siya kay Manang Luisa nang umupo ito sa upuan, may kalungkutan na sa mukha nito. Hindi niya magawang intindihin ang mga nangyayari. Bakit biglang nagkaganoon si Thaddeus?
“Ano pong nangyari kay Thaddeus?” tanong niya kay Manang Luisa. “Sino po ‘yong Claudio Ramirez na iyon?”
Tumingin ito sa kanya at malungkot na ngumiti. “Si Sir Claudio ang ama ni Thaddeus,” sagot nito.
Hindi maitatago ang pagkagulat sa mukha niya sa nalaman. Ama ni Thaddeus? Pero bakit mukhang galit ito sa ama? At bakit iba ang apelyido nito?
“Pasensiya ka na, hija,” pagpapatuloy ni Manang Luisa. “Hindi ko nabanggit sa’yo noon ang dahilan kung bakit hindi lumalagi dito ang ama ni Thaddeus. Hindi ko rin naman kasi talaga alam ang tunay na dahilan ng lahat,” tumingin ito sa dinaanan ni Thaddeus. “Simula ng namatay ang Mama ni Thaddeus ay nagalit na siya sa Papa niya. Lumayo siya at nagsarili. Noong mga panahon na iyon, hindi ko na rin sila nakikita at nalaman ko na lang na may bago ng pamilya si Sir Claudio. Simula rin noon ay hindi na ginagamit ni Thaddeus ang apelyido ama niya. Ang apelyido na ng ina niya ang gamit niya.”
Gusto niyang malaman ang dahilan ng galit nito pero sigurado siyang hindi nito sasabihin sa kanya. Hindi nga nito nagawang sabihin kay Manang Luisa na matagal na nitong nakasama.
Tumayo na si Manang Luisa at bumalik sa niluluto nila. “Maya-maya lang ay kakalma na rin iyang si Thaddeus. Mabilis mawala ang galit ng batang iyan. Kapag kumalma na siya, siguradong maingay na naman ang bahay na ito,” tumawa pa ito.
Napangiti na lang siya. Sana nga ay kumalma na ito at kumain na. Hindi siya sanay sa ganitong pag-uugali nito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now